5. Nasagad

3.6K 100 9
                                    


Nagising si Alexis sa nagkakaingay na boses. Nang magmulat siya ng mga mata, nakahiga na siya sa isang maliit na kama at nakatunghay sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Xavier. May ilang tao na nakapaligid sa kanya ngunit hindi niya kilala ang mga iyon.

“Alexis?”

Bumalikwas siya ng bangon ngunit hindi niya magawa. Naka-strap ang katawan niya sa kama at may C-collar na nakakabit sa leeg niya. Noon lang niya napansin na umaandar sila.

“Huwag ka munang gumalaw,” sabi ni Xavier sa kanya, bawas na ang pag-aalala sa mukha nito. “Nasa ambulansiya ka. Papunta pa lang tayo sa ospital.”

Naalarma siya. “Ospital? Bakit?”

“Anong bakit? Hindi mo ba alam na nahulog ka sa creek? Mabuti na lang, medyo tuyo iyon. Hindi ka nalunod. Pero bumagsak ka naman sa mga bato. Hindi natin alam kung may bali ang buto mo o may damage ka sa spine.”

Natakot siya sa sinabi nito. Pero wala namang masakit sa kanya kundi ang kaliwang bahagi ng ulo niya. Hinipo niya iyon. May nakapa siyang bukol. Sana iyon lang ang injury niya.

Tumingin uli siya rito nang may maalala. “May taong putik kanina.”

“Si Poying iyon,” sabad naman ng isang babaeng chubby at naka-gray na uniform. Sa hula niya ay nurse ito o hospital orderly. “Batang-isip lang si Poying pero mabait naman. Hindi 'yon nananakit.”

“Ang dumi-dumi niya. 'Tapos hinawakan niya ako kanina.”

“Nagandahan lang siguro sa 'yo. At saka bago ka rito sa Buenavista. Natuwa lang 'yon nang makita ka. Pero kilala namin siya. Hindi talaga 'yon nananakit.”

Hindi niya alam iyon kaya siya kumaripas ng takbo nang makita niya ang taong grasa.

“Umiyak nga raw si Poying kanina nang mahulog ka. May nakakita sa inyo kaya nakatawag agad ng ambulansiya.”

Sa Lokuake Medical Center siya dinala dahil wala palang ospital sa Miranda. May tatlumpung minuto yata ang dumaan bago nila narating iyon.

Naamoy pa lang niya ang amoy ng ER ay parang hindi na siya tatagal. Ang totoo ay may matinding takot siya sa ospital. Noon ngang madalas na dalhin sa ospital ang lolo niya bago ito mamatay, kahit minsan ay hindi siya dumalaw roon. 

Nang tatanggalin na ang strap ng stretcher na kinahihigaan niya ay napakapit siya sa damit ni Xavier. “A-ayoko sa ospital.”

“Paano ka matitingnan kung hindi tayo papasok sa ospital?” anitong nakakunot ang noo.

“Huwag mo akong iiwan.”

Tiningnan muna nito ang kamay niyang nakadaklot sa damit nito bago siya binalikan ng tingin. “May phobia ka sa ospital?”

Imbes na sumagot ay pumikit na lang siya. Hindi pa rin niya mabitiwan ang damit nito.

Nang suriin siya ng doktor, kahit na ang parteng masakit sa katawan niya ay sinabi niyang hindi masakit. Ngunit kahit ganoon sinabi pa rin nito na kailangan niyang ma-x-ray.

   Nagpapaawa na tumingin siya kay Xavier.

“Kailangan mo talagang ma-x-ray.”

Wala siyang nagawa kundi tiisin na lang ang nadaramang takot. Hindi siya bumibitiw kay Xavier. Kaya hanggang sa X-ray room ay kasama niya ito.

“Hey, bakit ba nanginginig ka?”

Hindi siya sumagot. Basta pinangatawanan niya ang pagpikit. Halos hindi siya humihinga habang nasa X-ray room sila.

Braveheart 24 Xavier Escuadro (Gorgeous Reprobate) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon