10. Acceptance

6.6K 153 27
                                    

“Wait lang, Ava. Huwag mo akong madaliin at natataranta ako,” natatawang sabi ni Alexis sa production assistant. Para itong hinahabol ng buhawi sa pagkataranta. Tinutulungan siyang magbihis nito. Katatapos lang ng kanilang fashion show sa hotel na iyon. Mahirap hubarin ang gown na suot niya kaya kailangan talaga niya ng alalay.

“Kasi nga, baka mainip sila sa ibaba at maiwan tayo ng van ni Mama Monchang.”

Balik na naman siya sa pagrampa sa catwalk. Mabuti na lang at maraming projects na naghihintay sa kanya pagkagaling nila ni Xavier sa Sitio Buenavista. Ibinalik na sa kanila ni Ymago Lopez ang titulo ng lupang kinatitirikan ng bahay na tinitirhan nila. Talagang tinotoo nitong hindi ilitin ang bahay at lupa ng lolo niya. Kaya naman abut-abot ang pasasalamat nilang mag-ina rito.  

May isang buwan na mula nang huli silang magkita ni Xavier. She thought he just led her on to gain another conquest. Kung hindi pa nagkaroon ng emergency ang Bubbles na iyon ay hindi pa niya malalaman na may ka-live-in ang hudyong iyon.

“Bed partner” pa ang pagkakasabi nito sa kanya. Ang sarap talagang umbagin.

Ang masakit lang ay natutuhan kaagad niyang mahalin ito. At kahit ano ang gawin niya ay hindi pa rin nawawala ang damdamin niya para dito.

“Hindi tayo iiwan n’on,” paniniguro niya kay Ava. May party na gagawin sa isang bar na pag-aari ng kapatid ni Mama Monchang. Pakonsuwelo iyon sa kanila ng designer sa pagtatapos ng season ng bridal fashion collection nito. Summer wear naman ang paghahandaan ng designer.

“Gusto ko kasing maupo sa gitna ng van. Mapupunta tayo sa likod 'pag hindi tayo nagmadali.”

“Oo na. Sa van na lang ako magtatanggal ng makeup at mga accessories.” Blue jeans at haltered dark blouse na lang ang isinuot niya. Binitbit niya ang jacket na iniabot sa kanya ni Ava at bumaba na sila.

Pagdating nila sa ibaba ay wala pa ang mga kasama nila. Si Mama Monchang pa lang ang naroon. Habang naghihintay sila ay napansin niya ang pagdaan ng isang itim na Ford F150 pickup truck. Bigla siyang kinabahan. Para kasing bumagal ang takbo niyon pagtapat sa kanya. At parang si Xavier ang sakay niyon. Hindi naman kasi niya natandaan ang plate number ng sasakyan ni Xavier kaya hindi siya sigurado.

Isa-isang nagbabaan ang magugulo niyang kapwa modelo kaya nawala na ang pansin niya sa pickup truck. Ilang sandali pa ay lulan na sila ng malaking van ni Mama Monchang.

Hindi pa matao ang bar nang dumating sila. May reserbadong mesa sila kaya doon na sila tumuloy. Gutom na silang lahat kaya nagkainan muna.

Panay ang paalala ng designer sa kanilang figure habang kumakain sila. Pakiramdam niya ay naiinis na ang ilang kasama niyang modelo. Kung bakit naman kasi magpapahain ito ng masasarap na pagkain at pagkatapos ay sasabihan sila nang ganoon.

Hindi naman niya pinapansin ang mga ganoong sermon ni Mama Monchang. Mabilis kasi ang metabolism niya kaya kahit kumain siya nang kumain ay hindi siya tumataba.

Mayamaya ay iniwan sila ni Mama Monchang. Parang mga bubuyog na nagkaingay silang lahat.

“'Oy, hindi ba, ang billionaire na si Y Lopez 'yon?” sabi sa kanya ni Ava. Tiningnan niya ang inginuso nito.

She froze. Dahil hindi lang si Ymago ang nakita niya sa gawi ng bartender. Kausap nito roon si Xavier.

“Ang guwapo niya! Pero mas guwapo sa kanya 'yong kasama niya.” May kasama pang yugyog na sabi sa kanya ni Ava. 

Inalis niya ang tingin sa dalawa. “Ava, sumasakit ang ulo ko. Parang lalagnatin yata ako,” pagdadahilan niya. “Puwede bang pakisabi kay Mama Monchang na mauuna na ako?”

Braveheart 24 Xavier Escuadro (Gorgeous Reprobate) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon