Mistake 25

122K 4.5K 4K
                                    

[Kabanata 25]

"Gusto mo na talaga mamatay, ha?" nanggigigil sa inis na sigaw ni Roberto. Si Roberto ang matalik na kaibigan ni Feliciano na siyang nanghikayat na pumasok ito sa pulitika. Si Roberto Mercado ay ang ama ni Jacinto, may nunal ito sa pisngi na siyang nakakadagdag sa seryoso nitong aura. Si Roberto ay may mataas na katungkulan din sa pulisya.

Sinenyasan niya ang dalawa niya pang tauhan na buhusan ng tubig si Leon habang nakatali ang magkabilang kamay at paa nito sa silya. Wala na itong damit pang-itaas kung kaya't kitang-kita ang mga sugat at pasa na tinamo nito mula kay Roberto.

Mag-dadalawang linggo nang nakakulong si Leon sa pamumuno ni Roberto. Ilang beses na rin nila ito tinorture para mapaamin kung nasaan ang ibang miyembro at kung saan pa matatagpuan ang ibang mga kampo pero hindi sinabi ni Leon.

Bukod kay Commander Dado at Ka Ferding, si Nightmare, Leon at Melissa ang mga kanang-kamay nila. Batid ni Feliciano at Roberto na may nalalaman si Leon tungkol sa kinaroroonan ng ibang kampong itinayo nila pero hindi ito nagsalita.

"P-patayin niyo na lang ako" saad ni Leon, hinang-hina na ito at nanlalabo na rin ang kaniyang mga mata. Sa loob ng dalawang linggo pagpapahirap na naranasan niya ay malaking timbang ang nabawas sa kaniya. Ilang araw na rin siyang nilalagnat pero patuloy siyang hinahampas ng latigo at binubuhusan ng tubig.

"Nagtataka lang ako, ang tagal mon ang nakakulong dito pero wala ni isang kasamahan mo ang nagtangkang iligtas ka" wika ni Roberto habang pinapaikot-ikot sa kamay niya ang hawak na baton. Nanatiling nakayuko si Leon, hindi na mahalaga sa kaniya kung makalabas pa siya ng buhay doon. Ang mahalaga ay maprotektahan niya ang ibang miyembro at ang grupo.

"Siya nga pala, patay na ang lolo mo" patuloy ni Jacinto, parang biglang tumigil ang mundo ni Leon. Nakatitig siya ngayon sa basang sahig at paulit-ulit niyang naririnig ang sinabi ni Roberto na wala na ang kaniyang lolo.

"I-imposible---" hindi na natapos ni Leon ang sasabihin niya dahil biglang tumawa si Roberto. "Haay, mahigit dalawang dekada ring nagtagal ang grupo niyo. Alam niyo bang sakit sa ulo ang hatid niyo sa'min? Para kayong mga daga na nagkalat sa bawat sulok at ang hirap hulihin" natatawang saad ni Roberto habang naglalakad ito pabalik-balik sa maliit na selda ni Leon.

"H-hindi pwede! Hindi pwedeng mamatay ang lolo ko!" sigaw ni Leon na ikinagulat nila. Ito ang unang beses na sumigaw ito ng ganoon kahit ilang beses na nila itong pinahirapan sa loob ng dalawang linggo. Kitang-kita ni Roberto ang matinding galit ni Leon na nanginginig na ngayon habang nakatingin ng matalim sa kaniya.

"Para ka ngang Leon, matapang, nakakasindak, mabangis pero nadadakip din" ngisi ni Roberto at sinenyasan niya ang dalawang tauhan niya na hampasin ng latigo si Leon. Agad namang sumunod ang mga ito, ipinikit na lang ni Leon ang kaniyang mga mata habang pilit na tinitiis ang hapdi at sakit ng bawat paghampas na tumatama sa likod, dibdib at sikmura niya.

Ilang sandali pa, itinaas ni Roberto ang kamay niya, tumigil naman sa paghampas ang dalawang tauhan nito. Binuhusan nila ulit ng tubig si Leon para magising ito. Naglakad si Roberto papalapit kay Leon saka hinila ang buhok nito at pinatingin niya ito ng derecho sa kaniyang mata.

"May isa kayong kasamahan na kailangan ni Feliciano. Sigurado akong kilala mo ang apo ni Cristobal Sallez, ngayon sabihin mo sa akin kung anong pangalan niya" seryosong wika nito, nanlaki ang mga mata ni Leon dahil sa gulat. Hindi niya lubos maisip kung paano nito nalaman ang tungkol sa pagkatao ng pinakamatalik niyang kaibigan na si Nightmare.

Napaatras sa gulat si Roberto nang bigla siyang duraan sa mukha ni Leon, pikit-mata niya itong pinunasan gamit ang kaniyang panyo saka muling hinarap ang binata. Nagkatinginan naman ang dalawang tauhan niya dahil hindi ito makapaniwala na nagawang bastusin ni Leon ang amo nila ng ganoon.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon