Chapter Nine (Ang pag-ibig nga naman)

6.9K 137 2
                                    

MASAKIT na masakit ang ulo ni Kelly nang magising siya isang umaga. Araw iyon nang Sabado at hindi niya kailangang tumao sa shop. Pakiramdam niya ay parang binibiyak ang kaniyang ulo sa sobrang sakit. Hawak niya ang kaniyang ulo nang marahang bumagon siya ng kanyang higaan. Sinipat niya ang orasan niya sa bedside table. Pasado alas onse na nang umaga. Sinikap niyang alalahanin kung ano ang ginawa niya nang nagdaang gabi upang makadama siya nang ganoong pananakit ng ulo. Ang huling natatandaan niya ay nagkayayaan sila ni Angelou papunta sa Pergola at doon ay uminom ng ilang boteng beer.

Naaalala din niya na pinakanta siya ng manager na nagkataong dati pala nilang ka-schoolmate. Mayroon pang bumabalik sa kaniyang alaala kaya lang ay hindi na masyadong malinaw. Hanggang sa lumitaw sa kaniyang alaala ang imahe ni Limuel.

“Magkasama ba kami kagabi?” natutulirong tanong niya sa kaniyang sarili.

Pinilit niyang alalahaning kung ano ang nangyari. Ang natatandaan niya ay nag-uusap sila nang masinsinan sa loob ng kotse nito. Humihingi ito nang tawad na kaagad naman niyang tinanggap. Hanggang sa lumitaw sa kaniyang gunita ang tagpo kung saan magkalapat ang kanilang mga labi.

Nahindik siya sa kaniyang naalala. Pakiramdam niya ay binuhusan siya nang malamig na tubig dahil doon. Napabalikwas siya nang bangon at patakbong tinungo ang banyo ng kaniyang apartment. Doon ay pinagmasdan niya ang kaniyang sarili. Magulong magulo ang maiksing buhok niya. Bahagyang kumatay ang eyeliner na nakalagay sa kaniyang mata nang nagdaang araw. Bukod doon ay wala na siyang napansing kakaiba. Maliban na lamang sa kakaibang sigla na nakikita niya sa kaniyang mata.

Noon lamang niya nakitang may kakaibang kislap buhat sa kaniyang mga mata. Dumako ang tingin niya sa kaniyang mga labi. Sa pakiwari niya ay may nararamdaman pa siyang mainit na bagay na nakadampi sa kanyang mga labi. Ilang minute kayang magkahinang ang kanilang mga labi?

Did they kissed passionately?

Ipinilig niya ang kaniyang ulo upang iwaksi ang kung ano anong bagay na pumapasok sa kaniyang isipan. Nagpasya na siyang ayusin ang kaniyang sarili. Baka sa pamamagitan ng kaniyang pagligo ay mahimasmasan ang nagdedeliryong isip niya.

Pagkatapos maligo ay inayos niya ang kaniyang sarili. Tutal naman ay wala siyang gaanong gagawin ay mamimili na lang muna siya ng mga kailangan nilang supply sa bahay.

Kasalukuyan na siyang gumagayak nang makarinig siya ng mahihinang katok mula pinto ng kaniyang apartment. Nagmamadaling tinungo niya ang pinto upang alamin kung sino ang kumakatatok.

Daig pa niya ang itinulos sa kaniyang kinatatayuan nang makita niya si Limuel na ngiting ngiti habang nakatingin sa kaniya. Bigla niyang naalala ang namagitang halikan sa kanila. Naramdaman niya ang pag-iinit ng magkabilang pisngi niya.

“Okay ka lang ba Kelly?” ang tanong na iyon ang nagpaalala sa kaniya ng kasalukuyan.

Napaatras siya ng mapansin niya kung gaano ito kalapit sa kaniya. “A-Anong ginagawa mo dito?” kandautal na tanong niya nang maapuhap niya ang kaniyang boses na saglit na nawala.

Pinakatitigan siya nito. “Gusto ko lang alamin kung maayos naman ang kalagayan mo. Kagabi kasi bigla ka na lang nagpass-out habang magkasama tayo.” Masuyo ang pagkakatingin nito sa kaniya.

Iniiwas niya ang tingin dito dahil hindi siya makatagal sa paraan ng pagkakatitig nito sa kaniya. “Maayos na ako. Maaari ka nang umalis.” Pagtataboy niya.

Nangunot ang noo nito. “Akala ko ba okay na tayo? Bakit parang ipinagtatabuyan mo naman ako?” may nahimigan siyang paghihinanakit sa tinig nito.

Wala siyang maapuhap na sabihin. “Kuwan kasi.. mag-go-grocery ako ngayon. Tama mago-grocery ako. Kulang na kasi ang stock namin ni Ate Jeniah.” Pagdadahilan niya. Totoo naman na iyon ang kaniyang planong gawin ng araw na iyon.

Hold Me NowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon