Nagtitiwala

3 0 0
                                    


"Ix-Ixtel! Bakit mo ako sinampal?!" Pilit kong pinatatag ang sarili ko habang nakahawak pa rin sa bakal na gate bilang suporta.



Pansin kong nangangamoy alak na si Ixtel. Pilit kong hinawakan ang papulsuhan niya para kalmahin siya. Humahagulgol siya sa harapan ko habang pilit niyang sinasabutan ang sarili niya.



"Aya! Anong nangyayari?!" Hinawakan ni Vic si Ixtel. Habang natatanaw ko naman ang paglabas ni Hero sa bahay nila.



Pagkalabas nito'y kaagad niya akong tinanong kung maayos  ba ang lagay ko. Pilit akong tumango kahit nananakit pa rin ang pisngi ko dahil sa sampal ni Ixtel.



Nang kumalma na si Ixtel, pinakiusapan siya ni Vic at Hero na kung maari'y umuwi na ito. Hindi siya pumayag at pinilit ang sariling puntahan ang gawi ko. Sasampalin na sana niya ako nang salagin ni Hero ang kanyang kamay.



"Huwag mo siyang sasaktan, Ixtel. Huwag na huwag mong hayaang magalit ako sa'yo. Naiintindihan kita, dala lamang yan ng alak pero sa oras na saktan mo siya, hindi ko na alam ang magagawa ko sa'yo!" Nabigla kaming tatlo sa malakas na pagsigaw ni Hero.



Kahit pa palagi kaming magkasama, ngayon ko lang siya nakitang magkaganyan. Oo, nagagalit siya pero ibang-iba ang ekspresyon ng mukha niya ngayon. Pinipigil lang talaga niya ang sarili niyang huwag saktan si Ixtel dahil babae ito.



Hinawakan ko siya sa braso niya para kalmahin siya ngunit hindi ito naging sapat. Hinarap niya ako at tinitigan ng mariin.



"Sabihin mo, sinampal ka ba niya?" Tumingin ako sa ibang direksyon para maiwasan ang paninitig niya.



"Aiana! Bakit ba ang bait-bait mo?! Magalit ka naman. Huwag mong hayaan na saktan ka ng kahit na sinong tao. Kung saktan ka nila, gumanti ka naman para sa sarili mo!" Pilit kong pinatatag ang sarili ko para iwasan ang titig niya.



Parang apoy ito na nais tumupok. Nakakatakot pero napakaganda.



"Ixtel, umuwi kana." Pakinig kong sabi ni Vic. Pilit niyang inaalo si Ixtel habang nasa tabi ko naman si Hero.



Napagdesisyunan ni Vic na iuwi muna sa bahay nila si Ixtel. Sumama na rin kami ni Hero para kung sakaling magtanong ang mga magulang niya, maipapaliwanag namin kung bakit kami ang nag uwi sa kanya.



Ako ang nagturo ng daan papunta sa bahay ni Ixtel. Nakapunta na ako dito ng ilang beses dahil katulad ko, mahilig rin si Ixtel sa libro. Palagi niya akong pinapahiram kaya kapag tapos ko nang basahin, pumupunta ako sa bahay nila para isauli.



Mabait naman si Ixtel. Palaging nakangiti at makikita mo palaging nagpapatawa. Hindi ko lang talaga alam kung ano ang dahilan kung bakit siya nagpakalasing ng ganito.


"Nandito na tayo."



Bumaba na kaming apat habang nakaakbay sa balikat nina Vic at Hero si Ixtel. Kaagad namang bumukas ang pintuan ng bahay nila nang marinig ang pagkatok ko. 



Tumambad sa amin ang isang matandang lalaki na sa tingin ko ay nasa pitongpu na ang edad. Nag-aalala niyang tiningnan si Ixtel.



"Ang apo ko! Ano bang nangyari sa'yo?!" Kaagad inilalayan ng matanda pahiga si Ixtel.



Pinaupo niya rin kami at ipinaghanda ng maiinom kahit pa panay tanggi kami dahil bakas sa mukha niya ang pagod.




"Pasensya na kayo't naabala pa kayo nitong apo ko. Ako nga pala si Romero, ako ang lolo ni Ixtel. Ngayon lamang ako nakabisita dito dahil sa kakapusan ko sa pera. Nag-iisa lang rin dito ang apo ko lalo na't kakahiwalay lamang ng mga magulang niya." Habang nagkikwento si lolo Romero, hindi ko maiwasang hindi mapaluha sa buhay nilang dalawa ni Ixtel.



Ngayon ko lang nabalitaan ang tungkol sa paghihiwalay ng mga magulang ni Ixtel. At ngayon ko lang rin nakilala ang lolo niya. Hindi ko sukat akalain na ang palaging nakangiting si Ixtel ay may mabigat na palang pinagdadaanan.



Matapos naming makipagkwentuhan kay lolo Romero, dumaan muna kami sa isang bulalohan.



"Aya, kanina ka pang tahimik." Puna ni Hero.



Kaagad namang tumigil sa paghigop ng sabaw si Vic. Nakatitig silang dalawa sa akin habang inaaliw ko naman ang sarili ko sa pamamagitan ng paglalaro ng basong nasa harap ko.



"Kuya, si Mama at Papa? Bakit ang tagal nilang nawala? Diba sabi mo, tatlong taon lang silang mawawala para magtrabaho? Pero bakit hanggang ngayon, hindi ko pa rin sila nakikita?" Ngayon ko lang uli siyang tinawag na kuya. Sa tuwing may mabigat akong nararamdaman at gusto kong magsabi sa kanya, kuya ang itatawag ko sa kanya.


At alam kong sa mga oras na ito, kinakabahan siyang sagutin ang mga tanong ko. Tinunghay ko ang ulo ko para pigilan ang mga luhang nais nang kumawala.


"Aya, pasensya na kung ngayon ko lang ito sasabihin sa'yo pero sana maintindihan mo." Nakatingin lang ako kay Vic habang hinihigpitan ko ang kapit sa damit na suot ko.



"Aya, patay na sila. Tatlong taon na ang nakalilipas, sinabi nila sa akin na alagaan kita. Bilang nakatatanda sa'yo, tumayo ako hindi lang bilang isang kuya kundi bilang magulang mo." Hindi ko na napigilan ang paghagulhol. Umupo si Hero sa tabi ko at isinandal ang ulo ko sa balikat niya.


"Aya, pasensya na. Sana maintindihan mo kung bakit ko iyon ginawa. Magtiwala ka sana sa pagmamahal ko bilang kuya mo."



Umuwi na kami sakay sa kotse ni Vic. Hindi ko pa rin maisaisip ang pagkamatay nila.







"AYA!! Gising na! Nasa Bulalohan pa tayo, tutulog-tulog ka d'yan." Napamulat ako nang marinig ko ang sigaw ni Vic. Kinapa ko ang mukha ko para lamang masigurado kung talaga bang umiyak ako at kung totoo ba ang nangyari.



Buti na lamang at panaginip lahat ng iyon. Kung totoo iyon, sigurado akong hindi ko kakayanin.



"Alam mo, kanina ka pa naming ginigising. Mag aala-una na ng madaling-araw nang magising ka." Panenermon ni Hero.



Tiningnan ko lang siya at pilit na nagpaawa. Nasa loob kami ngayon ng sasakyan. Si Vic ang nagmamaneho at katabi naman niya si Hero, habang ako naman ang nasa likuran ng sasakyan. 



Dahil sa antok, humiga na muna ako habang iniaabot sa akin ni Hero ang unan na nakasuporta sa likuran niya. Itinabi muna ni Vic ang sasakyan para hubarin ang jacket na suot niya para gawin kong kumot.



Ngumiti na lamang ako bilang pasasalamat. Papikit na ako nang marinig ko ang pag uusap nila.



"Hero, alagaan mo ang kapatid ko ah."


"Kuya Vic, huwag kang mag alala. Lagi ko siyang paalalahanan na ingatan ang sarili niya. Napakabait naman kasi ng kapatid mo. Kahit na inaaway at inaapi na siya, hindi pa rin niya kayang gumanti para sa sarili niya."



"Tapatin mo nga ako, gusto mo ba ang kapatid ko? Kung oo, botong-boto ako sa'yo. Pero syempre, huwag mo muna yang sagutin, alam kong kanina pang nakikinig si Aya sa usapan natin."



Kaagad kong tinakpan ng jacket ang mukha ko. Bakit ganito ang kabog ng puso ko? Bakit ang bilis-bilis?

Bahala ka. Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon