"Ano ba para sa inyo ang konsepto ng pag ibig?"Nakakabinging hiyawan ang maririnig sa aming silid. Mga kantsyawan ng mga magkakaibigan. Mapa-babae man o lalaki, gustong-gusto ang tema ng usapan namin ngayon.
Pilit kong iniiwasan ang ganyang mga katanungan. Sa tuwing tatanungin nila ako kung bakit, palagi ko lamang silang sinasagot ng, "Hindi ko alam."
Hindi ko naman talaga alam. Basta, kapag usapang pag ibig.. ayaw ko na. Hindi ko pa naman nararanasan umibig pero iba yung pakiramdam ko sa tuwing makakarinig ako ng kahit ano tungkol dito.
"Aya, umimik ka naman! Kanina ka pang tinatanong ni sir Ian."
Napabalik ako sa reyalidad. Tumayo ako para sana sagutin ang tanong ngunit mayroon nang sumagot para sa akin nito."Sir, ang pag ibig para sa akin ay ang pananalig sa taong mahalaga sa iyo. Kahit pa magkalayo kayo, mahal niyo pa rin ang isa't isa. Mayroon kayong tiwala na hindi maghihiwalay sa inyong dalawa kahit pa sa kabilang buhay."
Siya si Hero.
Pangalan pa lang, alam mo nang palagi ka niyang ililigtas.
Matalik kaming magkababata. Simula nang ipinanganak ako, siya na palagi ang kasama ko.
Mabait si Hero at maalalahanin. May kagwapuhan ring taglay kaya naman maraming kababaihan ang nagkakagusto sa kanya. Bukod pa rito, siya ang pinakamatalino sa asignatura ng Matematika at Engles.
Habang ako naman, mahilig lang naman ako magpinta. Hindi ako ganoong katalinuhan lalo na sa Matematika. Kinasusuklaman ko talaga ang mga numero. Magpahanggang ngayon na malapit na kaming magtapos ng kolehiyo, walang araw na hindi ko isinuka ang asignaturang iyon.
Buti na lamang at palaging nandyan si Hero para kahit papaano'y turuan ako sa pagkakalkula ng mga numero. Palagi siyang nandyan para isalba ako sa kahit anong kahihiyan, kagaya ngayon.
Uwian na. Dumiretso muna kami ni Hero sa silid-aklatan upang maisauli ang mga hiniram naming mga libro.
"Hero, Aya! Magandang hapon sa inyo!" bati ni Ixtel.
Nginitian ko naman siya habang nanatili ang pagkakasalubong ng kilay ni Hero. Tinitigan ko siya at pasimpleng siniko.
"A-ahh.. Ixtel, magandang hapon rin!" Pilit niyang nginitian si Ixtel habang namumula naman si Ixtel na iniiwasan ang paningin ni Hero.
Matagal na ring may gusto si Ixtel kay Hero. Sinabi pa niya sa akin na ilakad ko siya kay Hero. Noong inilakad ko naman siya, nagalit naman sa akin si Hero kaya pilit kong ipinaintindi sa kanya na hindi ko magagawa ang pakiusap niya.
Kahit pa ganoon, nanatili pa rin siyang mabait sa akin. Kaya naman kahit naiinis na sa akin si Hero, pinipilit ko pa rin siya na batiin man lang si Ixtel sa tuwing pupunta kami sa silid-aklatan.
"Una na kami, Ixtel." pagpapaalam ko sa kanya.
Papalabas na kami ng pintuan nang matanaw ko si Vic na naghihintay sa may pasilyo habang palinga-linga sa paligid niya. Pinatahimik ko muna ang kanina pang nagsasalitang si Hero sa tabi ko at ipinaliwanag kung bakit kailangan namin tumakas mula kay Vic.
Siya si Vic, ang kuya ko.
Vic lang ang tawag ko sa kanya dahil hindi naman nagkakalayo ang edad namin sa isa't isa.
Moreno siya na may pagkabilugan ang mata. Sa unang tingin, hindi mo aakalain na magkapatid kami dahil sa singkit kong mga mata at maputing kulay ng balat. Bale, may lahi kaming instik kaya nakakapagtaka rin kung kapatid ko nga ba talaga si Vic.
Kasalukuyan kaming nagtatago sa likod ng malalaking dahon ng halaman na nakatanim sa may labasan ng unibersidad. Hindi na sana niya kami mapapansin nang lumikha ng ingay ang mga baryang nagsitapon mula sa bulsa ko.
Nilingon ni Vic ang direksyon namin at mabilis pa sa alas- kwatro niya kaming pinuntahan.
"Aya, akala mo ba hindi ko malalaman na hindi ka pala uminom ng gamot mo. At ngayon may balak ka pang isama sa pagtakas si Hero."
Nakaupo kaming tatlo sa may kainan na malapit lamang sa unibersidad. Kaharap ko silang dalawa habang nananatili lamang akong nakayuko't hinihingi ang simpatya nila.
"Aya, alam mong may sakit ka pero hindi ka pala uminom ng gamot mo. Hindi ko ipagwawalang bahala lang ang ginawa mo." Mariin akong tinitigan ni Vic habang kanina pa akong hindi pinapansin ni Hero.
Magmula nang ihatid kami ni Vic, hindi na niya ako pinapansin. Alam kong nagalit ko siya dahil sa ginawa ko. Ayaw na ayaw niya akong nagsisinungaling sa kanya at ayaw niya ring ipinagpapalipas ko ang pag inom ng gamot.
Nanatili ako sa aking pwesto malapit sa bintana. Hinihintay ko pa rin siyang magbukas ng bintana niya para makapag-usap kaming dalawa. Ayaw kong pinapalipas ang sama ng loob niya sa akin. Kung maari, makausap ko kaagad siya para mawala na ang bigat sa damdamin ko.
Tumipa ako ng mga salita at tuluyan nang inihatid ang aking mensahe ng makabagong teknolohiya.
Nakatanggap ako ng tawag mula sa kanya.
[Basta huwag mo na uli iyong gagawin. Matutulog na ako, ikaw rin.]
Napangiti ako nang ibinababa na niya ang telepono. Isinandal ko muna ang aking likuran sa malambot na higaan bago ako makatanggap muli ng tawag.
[Magandang gabi, Aya. Maari ka bang bumaba? Hinihintay kita sa labas.] , isang tawag mula kay Ixtel.
Nilinga ko muna ang labas ng bahay mula sa bintana ng aking kwarto. Nakita ko siyang nakatanaw sa bahay namin na katapat lang rin ng bahay nina Hero.
Pagkababa ko, binuksan ko ang gate at hindi ko inaasahan nang salubungin ako ni Ixtel ng isang napakalakas na sampal.
