"Aya, gising na! Andito na tayo." Pilit kong iminulat ang inaantok ko pang mga mata. Sa pagbukas nito, kaagad kong nakita ang nakangising si Vic.Simula noong bumaba kami ng sasakyan, hindi niya ako tinigilan sa pang aasar kay Hero. Mabuti na lamang at bumaba na kaagad si Hero at umuwi na bago pa ako magising.
Nasa tapat kami ng pintuan nang may biglang tumawag kay Vic. Bakas sa mukha niya ang pagkataranta kaya agad ko siyang tinanong kung anong problema.
"Aya, kina Hero ka muna makitulog para may kasama ka. Nandoon rin naman ang mama ni Hero, doon ka na muna dahil may kailangan lang akong gawin." Tumango naman ako sa kanya kahit pa gustong-gusto kong itanong kung saan siya pupunta.
Base kasi sa kilos niya, alam kong hindi lamang iyon maliit na problema.
Nasa tapat na kami ng bahay nina Hero, pinagpaalam na rin ako ni kuya na dito muna ako magpapalipas ng gabi. Sumang ayon naman si Tita Cherry dahil mapanganib daw kung mag isa lamang ako sa bahay lalo na't ilang beses nang may naireport na insidente ng akyat-bahay sa lugar namin.
"Aya, dito ka muna sa kwarto ni Harry. Mayroon na siyang mga damit diyan, yan na lang ang gamitin mo."
Iniwan na ako ni tita sa kwarto habang palinga-linga pa rin ako sa kabuuan nito. Kulay pastel-pink ang kwarto ni Harry. Siya ang nakatatandang babaeng kapatid ni Hero. Harry ang ipinangalan sa kanya dahil sa ito ang unang pangalang pumasok sa isip ni tita habang nagdadalang tao ito.
"Oh, Aya. Andito ka pala. Umalis na naman ba ang kuya mo?" nilinga ko ang pinanggalingan ng boses. Nakatayo sa hamba ng pintuan si Hero, magulong-magulo ang buhok at mukhang kagagaling lang sa higaan.
"Ah, oo. Hindi ko nga alam kung saan uli siya pupunta, may alam ka ba?" Kaagad niyang iniwas ang tingin sa akin habang ako naman ay nakahalukipkip na para bang sinusuri kung may alam ba siya o wala.
"Bakit ba ga-ganyan ka makatingin?" Ngumisi ako at pinitik ang noo niya.
"May itinatago ba kayo ni Vic?" Sa tanong kong iyon, bigla na lamang nagbago ang timpla ng mukha niya. Tumalikod na rin siya papalabas habang nakapamulsa.
"Hero!"
Tumigil siya sa paglalakad habang pilit ko namang hinahabol ang hininga ko dahil sa kanina ko pang pagtawag sa kanya.
"Aiana, malalaman mo rin." Napakibit-balikat na lamang ako at nagpasyang matulog.
Akala ko'y kaagad akong makakatulog pero nagkamali ako dahil hindi ako madapu-dapuan ng antok. Kanina pa akong pagulong-gulong sa kama habang daklay ko ang malaking teddy bear sa tabi ng kama. Bukod sa hindi maipaliwanag na pakiramdam ko noong narinig ko ang usapan nila ni kuya, kanina ko pang iniisip kung anong ang ibig sabihin niya sa "Aiana, malalaman mo rin."
"Hindi talaga ako makatulog!" Inipit ko ang ulo ko sa unan na hawak ko at sinandal ang likuran ko sa headrest ng kama. Kasabay nito ang pagliwanag ng buong kwarto.
"Hello Aya!" sumalubong sa akin ang yakap ni ate Harry. Nakangiti siya habang hinahaplos ang ulo ko. Kadalasan, madaling-araw nang umuuwi si ate Harry dahil sa trabaho niya. Isa siyang nurse sa Children's ward sa ospital na pinagtatrabahuhan niya.
Umupo siya sa kama matapos niyang makapagpalit ng damit.
"Bakit hindi ka pa natutulog, Aya? Sabi ni mama, kanina ka pa raw nandito pero hindi ka pa natutulog. Tingnan mo kung anong oras na." Ipinakita pa niya sa akin ang cellphone niya na may litrato nilang magkapatid.
"Hindi kasi ako dapuan ng antok, ate." Humiga na muna kaming dalawa habang itinataklob ang kumot sa aming mga katawan.
"Magkwentuhan muna tayo, Aya." nakatitig lang siya sa kisame kung saan makikita ang nagkikislapang mga bituin. Bukod kasi sa pagiging nurse, pinangarap ni ate na maging austronaut dahil paborito niyang pag aralan ang pinagmulan ng mga bituin.
"Ate, bakit mahilig ka sa mga bituin? Bakit napakahalaga sa'yo ng mga ito?" Tumikhim muna siya bago magsalita.
"Alam mo, naniniwala kasi ako na isa sa mga bituin na yan si papa. Bago kasi siya mamatay, sinabi niya sa amin na tumingin lang daw kami sa mga bituin dahil isa siya sa mga 'yun. At dahil bata pa naman ako noon, akala ko na kapag lumapit ako sa bituin, makikita ko muli si papa. Pero hindi pala dahil kahit gaano man ako lumapit doon, hindi nito maiaalis ang reyalidad sa buhay ko; sa buhay namin." Pilit siyang ngumiti at ipinikit ang kanyang mga mata.
Hindi katulad ni ate Harry, masyadong malihim si Hero sa nararamdaman niya. Palagi lamang niyang kinakanya ang mga problema niya. Magpahanggang ngayon, kahit ilang taon pa ang nakakaraan, at sa tagal na pinagsamahan namin, hindi ko pa siya nakikitang magbukas ng saloobin niya. Oo, nag uusap kami at nagkikwentuhan, pero hindi ko pa rin alam kung ano ba talaga ang mga persepsyon niya sa buhay.
Kaya nagtataka ako kung talaga bang pinagkakatiwalaan ako ni Hero.