Nagugumilihanan

2 0 0
                                    


Alas-kuwatro pa lang ng umaga, gising na ako. Naghanda muna ako ng almusal bilang pasasalamat sa pagpapatuloy nila sa akin. Sa tuwing dito ako matutulog, ako palagi ang maghahanda ng almusal para naman kahit papaano'y maipakita ko ang pasasalamat.


"Ang aga ng gising mo ah." Puna ni Hero habang kinukusot-kusot ang kanyang mga mata. Kasalukuyan siyang humihigop ng sopas na niluto ko kanina lang.


"Hindi kasi ako makatulog kagabi." Sagot ko habang pinagpapatuloy ang pagtitimpla ng kape.


"Bakit? Masyado bang malakas humarok si ate?" Napatawa na lang kaming dalawa sa sinabi niya. Kadalasan, si ate Harry ang topic namin kapag wala kaming mapag usapan. At kapag naman kami ni ate Harry ang magkausap, siya naman ang ginagawa naming topic.


Sabado ngayon at wala naman kaming klase kaya napagdesisyunan namin na pumunta muna sa malapit na mall. Dahil maaga pa, naglakad-lakad muna kami sa parke.


"Aya" Napahinto ako sa paghigop ng dala kong kape. Tinitigan ko lang siya at hinintay kung anong sasabihin niya.


"Anong gusto mo sa isang lalaki?" Dahil sa pagkabigla sa tanong niya, hindi ko napigilang ibuga ang iniinom kong kape sa mukha niya.


"Ano ba naman 'yan, Aya!" Kasalukuyan niyang pinupunasan ang jacket niya gamit ang panyong ibinigay ko sa kanya noong bata pa lang kami.


"Ginagamit mo pa rin pala 'yan, Hero." Napatigil siya sa ginagawa niya saka ako nginitian.


"Siyempre, galing sa'yo yung panyo kaya kahit sira na'to, gagamitin ko pa rin." Hindi ko alam kung bakit, pero biglang tumambol ang puso ko. Sobrang bilis nito na hindi na ako makahinga ng ayos.


"Ayos ka lang ba? Bakit parang nanahimik ka?" Sabat niya habang ipinipitik ang dalawang daliri sa harap ng mukha ko.


"A-ayos lang. Tara na, alas nuebe na pala oh. Ang tagal na nating nagpaikot-ikot dito." Sumang ayon naman siya saka kami naglakad papuntang mall.


Sa pagpasok namin sa mall, hindi ko maiwasang mailang dahil sa titig na ipinupukol ng mga sales lady sa aming dalawa. Bukod kasi sa gwapo ang kasama ko, may pagkamatipuno rin ito kaya takaw-tingin kapag lumalabas.


Naglalakad lang kami kahit hindi alam kung saan pupunta.
Nadaanan na namin yung men's apparel,  hindi na masyadong nakakailang kasi puro lalaki naman ang nandoon, at paniguradong wala nang titingin sa kanya.


At heto na kami.. maglalakad sa woman's clothing side.


"Ang gwapo naman niya!"


"Nakakaloka! Ang hot niya."


"Magpapicture na tayo, beshie."


"Ang gwapo ni sir!"


"Kagwapong binata."


Nakaririnding bulungan ang naririnig ko habang dumadaan kami. Naeksaktuhan pang maraming namimili doon kaya talagang eksena ang nangyari. Kagaya ng inaasahan ko, maraming nagpakuha ng litrato kasama si Hero. May mga nakiusap pa sa akin na ako na lang daw ang humawak ng camera para lahat sila kasama.


Dahil sa nangyari, napagod kaming dalawa kaya napagdesisyunan naming kumain muna sa paborito naming kainan, ang Chowking.


Matapos naming kumain, pumunta naman kami sa National Bookstore na katapat lang rin ng kainan.


"The last boy and girl in the world!" Kaagad kong kinuha ang libro sa estante. Ito ang matagal ko nang gustong bilhin pero dahil sa kamahalan ng libro, hindi ko mabili-bili.


Dahil nag iisa na lamang ito, tiningnan ko muna kung magkano pa ba ang pera ko sa bulsa. Nakapanlulumo man, ibinalik ko na ang libro sa estante.


Siguro hindi talaga para sa akin ang librong iyon. Kailangan ko ring bilhin ang mas kailangan ko kaysa sa bagay na gusto ko lang.


Matapos namin sa National bookstore, naggala-gala muna kami hanggang sa mapagpasyahan naming umuwi na. Bukod kasi sa maghahapon na, ilang missed calls na rin ang natanggap ko mula kay Vic.


Naglalakad kami sa side walk nang may ilabas siyang maliit na kulay dilaw na paper bag.


"Advance happy birthday, Aya." Nanlaki ang mata ko sa iniregalo niya sa akin. Hindi ko sukat akalain na ibibili niya ako ng ganito. Bukod kasi sa pagiging kuripot niya, hindi naman niya ugaling magregalo sa kahit na sino.


"Salamat talaga Hero! Ang mahal kaya nito pero ibinili mo pa rin ako. Maraming-maraming salamat talaga!" Hindi ko na napigilan ang sarili kong yakapin siya.


"Nakakaawa ka kasi kanina. Parang paiyak kana kaya binili ko na 'yang librong 'yan. Kahit pa mahal, alam ko namang magiging masaya ka kapag nakatanggap ka niyan. Kaya ayos lang na gumastos paminsan-minsan kung para naman ito sa ikasasaya ng taong mahalaga sa'yo." Hindi ako tao kung hindi ko mararamdaman ang kakaibang bilis ng tibok ng puso ko dahil sa mga sinabi niya.


Nakakagumilihanan man ang nararamdaman ko ngayon, hindi man ako sigurado kung ano nga ba ito..


Basta ang alam ko, masaya ako.


Hindi ko namalayan na nakabitaw na pala ako sa pagkakayakap sa kanya. Nakatulala lamang ako sa kanina pa niyang nang aasar na mukha. Hindi ko pa rin maiwaksi sa isipan ko ang mga huling salitang sinabi niya.


"Kaya ayos lang na gumastos paminsan-minsan kung para naman ito sa ikasasaya ng taong mahalaga sa'yo."


Nakauwi na kami sa sari-sarili naming bahay. Tahimik kong pinihit ang seradura ng pinto, pagkapasok ko'y nakita ko si Vic na nag iimpake ng mga damit at kagamitan sa bahay. Mukhang pugtong-pugto ang mga mata niya dahil sa pag iyak. Nilapitan ko siya at niyakap ng mahigpit.


"Anong problema?" tanong ko.


Sasagot pa sana ito nang makita ko ang mga papeles na nagkalat sa ibabaw ng lamesa.


"Kuya, bakit?! Bakit pumirma ka sa kontrata nila?!" Tuluyan na akong humagulgol habang hawak-hawak ko pa rin ang papel na alam kong magbabago sa normal na pamumuhay naming dalawa.


Alam kong sa oras na tumapak ako papalabas ng bahay, iba na ang magiging buhay naming dalawa.

Bahala ka. Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon