Lahat tayo may kanya-kanyang love story sa bawat naging jowa naten sa buhay. Yung iba nauuwi sa kasalan, yung iba sa kasalanan — yung tipong may ganitong sinasabi na "It's not you. It's me." at ang daming kemeru sa buhay-buhay.
May kanya-kanya din tayong naranasan kung paano pakiligin ng mga tao sa buhay naten, ultimo nga kahit corny na pick-up-line napapa-ngisi ka minsan pa nga pabebe pa kapag kinikilig.
So, ako? Paano nga ba nag-umpisa yung istorya na'to. Simple lang, nag-umpisa sa "Friend Request sa Facebook."
Umaga, malamig ang simoy ng hangin kasi katatapos lang ng December. Katatapos ko lang mag-linis sa napakalaking bahay ng lola ko. Wala kasing katulong si Lola, tsaka matanda na kaya tinutulungan ko pero syempre binibigyan niya din kasi ako ng pera, nakakahiya naman kasi kung simpleng pag-linis lang di ko pa magawa.
Nagscr-scroll ako sa facebook non, nagbabasa nang kung anu-ano, inis-stalk si Taylor Swift, Selena Gomez, Hailee Steinfeld tapos yung mga street style nilang outfit ganun.
Tapos biglang tumunog notification ko. Kasi nga may nag-friend request sa Facebook. Yung tipong: "**** sent you a friend request." tapos may dalawang choices it's either accept or delete. Syempre, bago mag-accept tinignan ko muna yung mutual friends. Tapos ini-stalk ko din kung kilala kita.
At, Oo kilala nga kita. Kasi crush ka ng kapatid ko. Crush din naman kita dati. Pwede bang ganito nalang? Crush-ed kita para past tense. Kaso ang sagwa. Mas okay pa yung naging crush kita.
Black and white pa profile picture mo non. Tutal kilala din naman kita at wala lang saken yung paga-add mo in-accept kita.
Kalalabas ko lang ng cr, galing sa meeting sa toilet bowl at medyo na hot sit. Kinuha ko ang phone ko tsaka ko i-on ang WiFi, tapos may nagchat saken. Bigla-bigla profile pic mong black and white ang nakita ko tapos yung pangalan mo na may limang letra.
Alam ko uso na ang paandar ng wave-wave ng messenger noon. Kaya I waved back.
Tapos tsaka ka nag-hello. Edi nag-hi naman ako. Kasi ang redundant naman kung maghe-hello ulit ako diba?Kamustahan lang naman tayo. Kung anong year na, saan nag-aaral mga ganoong bagay ba. Hanggang sa tinanong mo sa akin kung ano ang number ko. Sinagot ko naman, ang sabi ko pa nga 27. Medyo nalito ka kaya inulit mo ang tanong pero mas naging malinaw naman, phone number ko pala ang hinihingi ko, pero ang sinabi mo talaga ay hihiramin mo ang phone number ko. Kaso di ko binigay kasi, hindi ako nagpapahiram ng phone number baka kasi di mo na ibalik.
Di ko na matandaan ang sinabi mo noon. Pero ang alam ko ini-stalk mo ko, kasi di ka makapaniwala sa isa pang sinabi ko.
May boyfriend na ako.