KAKATAPOS LANG NG PUTUKAN. Balot ng makapal at maitim na usok ang kalangitan dulot ng walang habas na putukan kagabi. Mabilis na naglakbay ang hapdi sa mukha ko dahil sa nakakasilaw na sinag ng araw mula sa marahang pagbubukangliwayway.
Ako nga pala si Red Alonzo. Kadalasang Red ang tawag sa akin ng buong pamilya at ng mga malalapit na kakilala sa buhay. Taglay ko ang mga nangungusap at mapupungay na mga mata na namana ko pa daw sa ama ko. Hindi naman ako kagwapuhan, hindi din naman ako pangit. Sabi nga nila sa biro "sakto lang".
Ilang taon ko na ring sinalubong ang bagong taon dito sa memorial park kung saan nakalibing si Lance. Tahimik kong tinatanaw ang malamlam na pagbubukang liwayway habang hawak-hawak ang pangpitong bote ng beer na binitbit ko pa mula pa sa bar na pinaginuman ko kagabi. Kaharap ko ngayon ang puntod ng isa sa mga lalaking minsang gumuhit ng mga ngiti at nagbigay ng pait sa labi ko. Ang lalaking nagbigay sa akin ng mga masasayang alaala na kailanman ay mananatiling pilat sa buo kong pagkatao. Mga masasayang alaala na nauwi sa matinding pangungulila. Ang lalaking kailanman ay hahanap-hanapin pa rin ng buo kong sistema sa bawat pagbangon ko sa umaga. Naiwan na naman akong nakatulala habang pinakawalan ang isang malalim na buntong hininga saka nagsimulang magsalita.
"Magtatatlong taon na nung pumanaw ka Lance pero bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapatawad ang sarili ko sa pagkawala mo? Naaalala pa din kita sa lahat ng mga bagay at lahat ng lugar na madalas nating puntahan noong andito ka pa. Hindi ko pa din mawaglit sa ulo ko ang maamo mong mukha simula nung huli ko itong nasilayan nung ika'y nakahimlay." Hinaing ko sa kawalan habang humahagulgol sa paanan ng puntod niya.
"Ilang taon pa ba dapat Lance? Ilang taon pa ba ang kailangan para mawala lahat ng ng pait na dulot ng pagkawala mo? Ilang taon pa ba bago mawala sa sistema ko ang mga biglaang pagkatulala sa kawalan sa tuwing naaalala ko ang mga masasaya nating mga alaala. Ilang taon ko pa dapat sisisihin ang sarili ko sa pagkawala mo?" Tanging usal ko sa sarili habang kausap ko ang puntod niya sa papaliwanag na at nakabibinging katahimikang kinasasadlakan ko.
"Alam mo Lance namimiss pa rin kita. Alam mo ba yun? Lahat ng kung anong meron tayo bago ka tuluyang nawala. Gusto kitang mayakap muling mahagkan sa huling pagkakataon. Pero paano?" Hagulgol ko habang kumuha ulit ng hangin habang hindi na tumigil sa kakahagulgol.
Bahagya akong napahinto at muling nagsalita.
"Pero gusto ko ng makalimot Lance, pero hindi ko talaga kaya eh. Gusto ko ng mawala lahat ng sakit na dulot ng mga alaala natin. Kailan mo ba ako papatawarin sa lahat Lance? Ang daya mo kasi eh, kung kailan tayo natanggap ni Daddy saka mo naman ako iniwan. Pagod na pagod na akong umasang babalik ka pa kasi alam kong malabo na yun. Pero umaasa pa din ako Lance. Nagbabakasakali sasagutin mo ako at umaasang maipaliwanag lahat sayo ang lahat pati ang katotohanan kung gaano kahirap ang mabuhay simula nung nawala ka." Tuloy-tuloy kong sambit.
Samantala, ilang metro mula sa kinaroroonan ko ay may natanaw akong paparating na sasakyan. Maya-maya lang ay isang matangkad na lalaki ang naaaninag kong bumaba mula rito. Mabilis niyang tinahak ang sementadong daan papunta sa kinaroroonan ko. Hindi na ako nagtaka kung sino yung nakita kong paparating. Hindi na rin kasi bago sakin ang pagsundo ni Daddy Winston sa lugar na yun. Kumaway ito mula sa kalayuan.
"Sinasabi ko na nga ba at dito lang kita makikitang bata ka." Bungad niya sa akin.
Alam na kasi nila lahat sa bahay kung saan ako mahahanap kapag nawawala ako ng ganun katagal, maliban na lang kung inabutan akong lasing sa inuman kapag sumasapit ang mga petsang parehos na naging mahalaga sa amin ni Lance noong buhay pa siya. Isang mahigpit na yakap ang sumalubong sa akin na bumuhat sa akin patayo para alalayan ang bigat ko buhat ng kalasingan ko.
"Tahan na Red, andito na si Daddy."
"Uwi na tayo anak, kagabi ka pa namin hinahanap sa bahay, kung kani-kanino na kami napatawag kakahanap sayo Noong hindi ka talaga namin mahanap ay nagbaka-sakali na ako na puntahan ka dito. Alalang-alala na kasi kami ng mommy mo, baka kung napano ka ng bata ka. " Ang alalang sambit ni Daddy.
Ngunit sadyang matigas ang ulo ko at muli kong isinalampak ang sarili ko sa harap ng lapida ni Lance.
"Tama na yan Red, matagal ka ng napatawad ni Lance anak." Kalmado niyang pag-aalo.
"D-daddy, pagod na po akong mabuhay. Wala na rin naman si Lance, kaya wala na din namang silbi itong buhay ko!" Sambit ko habang humagulgol sa balikat ng ama ko.
"Red, anak tama na. Ilang taon na rin anak. Alam naman nating lahat na matagal ka ng napatawad ni Lance. Alam naman ni Lance na hindi mo kasalanan ang nangyari sa kanya." Pagpapakalma niya sa akin habang hinihimas ang likuran ko.
"Tahan na Red. Hindi mo kasalanan ang pagkawala ni Lance anak. Nakakasiguro akong masaya na siya kung nasaan man siya ngayon. Alam ko na kung nasaan man siya ngayon ay hangad niya ding makapagsimula ka ulit ng bagong buhay." Dagdag niyang tugon habang mahigpit pa ding nakayakap sa akin.
"Alam mo anak nasasaktan ako bilang ama mo sa tuwing nakikita kitang nagkakaganyan ka. Alam mo ba kung bakit? Sa ilang taon mo ba namang pilit na ipinaintindi at ipinaglaban yang pagmamahalan niyong dalawa ni Lance para matanggap namin ay hanggang ngayon andito ka pa rin para ipaglaban siya. Anak pagpahingahin mo na yang puso mo at isuko mo na siya." Kalmadong tugon ni Winston sa anak niyang hanggang ngayon ay humihikbi pa din sa mga braso niya.
"Panahon na para mamaalam ka ng tuluyan kay Lance anak. Andito lang kami ni Mommy mo na hindi kailanman magsasawang alalayan ka. Huwag kang mawalan ng pag-asang magsimulang muli dahil andito kami, kaya lumaban ka. Hindi lang para kay Lance ang laban na to anak, kundi para na rin sa sarili mo. Alam mo anak namimiss ko na yung dating Red na masayahin." Mahaba niyang tugon habang hinahaplos pa rin ang likod ko na ngayon ay nakasalampak na naman sa paanan ng puntod ni Lance.
Ramdam ko pa din yung pagkahilo dulot ng tama ng alak. Tanging mga hikbi ko lang ang naitugon ko sa pag-aalo ng ama ko na pilit pinapalakas ang loob ko. Tanging ang malalalim na paghahabol ko ng hangin ang tangi kong naisukli dahil sa sobrang paghihinagpis. Kaagad niya akong inalalayan patayo at walang paabisong isinampa sa mga balikat niya. Para akong gusgusing paslit na karga-karga ng ama ko patungo sa sasakyan niya.
"Ang bigat mo na anak ah, hiyang ka ba sa stress at lumalaki ka lalo. Naalala ko tuloy kung gaano ka kacute noong bata ka pa. Ang liit-liit mo pa noon pero tingnan mo naman ngayon ang laking bulas mo na. Dati laruan at suntukan lang yung iniiyakan mo. Ngayon lalaki na." Paglalambing niyang biro sa akin.
"Sorry na Daddy, pinapangako ko sayo Daddy na muli kong bubuohin ang sarili ko at ibabalik ko ang dating Red." Pilit at matipid kong ngiti habang pilit pa ring kumalas sa pagkakabuhat niya sa akin na hindi niya pinagbigyan hanggang sa narating namin ang nakaparada niyang sasakyan.
"Basta lagi mong tandaan na andito lang kami lagi sa tabi mo. Hinding-hindi ka namin iiwanan anak." Sambit ni daddy na ngayo'y inaalalayan akong makapasok sa sasakyan.
Lango man ng mga oras na yun ay nagulat ako ng may nasinghot akong kakaibang halimuyak na sumisiksik sa ilong ko habang binuksan ni Daddy ang pintuan ng sasakyan. Yung halimuyak na yun. Nagtataka ako kung paano napunta yun sa sasakyan ni Daddy. Hindi ako pwedeng magkamali. Alam na alam ko kung kanino yung pabangong yun kahit na nakapikit pa ako. Pero bakit? Andito ba siya?
Laking gulat ko nalang ng may biglang nagsalita sa drivers seat ng sasakyan habang inaayos ko ang sarili ko sa likod ng sasakyan.
"Red!" Tawag sa pangalan ko ng isang matikas na boses na nagdulot na hilab sa aking pakiramdam. Isang boses na noon pa man ay hindi ko matanggal-tanggal sa mga panaginip ko.
Isang boses na muling bumuhay sa akin.
Isang boses na minsan ng nagdulot ng bangungot sa buong pagkatao ko.
Isang boses na minsan ay hinayaan kong angkinin ang kabuoan ko.
Isang sabik na boses na nagbigay ng kakaibang kurot sa mga laman ko.
Hindi ako pwedeng magkamali. Hanggang sa dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko, hanggang sa rumehistro ang isang pamilyar na mukha.
"Red? Anong nangyari sayo?" Sambit niya na parang gulat na gulat sa nakita niyang kalagayan ko.
Napabuntong hininga nalang ako kasabay ng muling pag-agos ng luha sa aking mga pisngi habang sambit- sambit ang pangalan niya.
"Tttt-ti-ti- to Denver." Ang pautal-utal kong tugon.
BINABASA MO ANG
Confessions
RomancePaano ka makakatakas sa bangungot ng nakalipas? Paano mo lalabanan ang iyong kasalukuyan kung paulit-ulit ka lang dinadala ng mga paa mo sa nakaraan. Tunghayan natin kung paano haharapin ni Red ang magulong mundo ng pag-ibig at pagnanasa sa buhay n...