Para sa mga taong ginawang mundo ang isang taong dapat ay tao lang.❝Mundo❞
Ang saya mo,
Dahil sa wakas ay binigyan ka ng basbas ng mga magulang ko.
Pinagmasdan kita,
Kitang kita ang saya sa'yong mga mata.
Siguro nga, sobrang halaga para sa'yo ng bagay na 'to,
Na sa hinaba-haba ng panahon na hinintay, dumating din ito.Bawat araw, oras na kasama kita ramdam kong mahal mo'ko.
Ayaw na ayaw mong nawawala ako sa paningin mo.
Palagi mong hawak ang mga kamay ko at tila ba ayaw mo ng bitawan ito.
Palagi mong pinapanatiling ligtas ako.
At gusto mong nakikitang palagi akong nakangiti sa'yo.Masaya ang bawat minuto na kasama ka.
Pero bakit parang ngayon unti-unti na itong nawawala?
Oo, mahal mo'ko kaya gusto mong lagi akong nasa tabi mo.
Pero habang nasa tabi mo'ko tila nauubos ang mga tao sa paligid ko.
Lumiliit ang mundo ko,
Dahil nga ba sa'yo?
Dapat pa nga ba akong maging masaya?
Kahit na naaagaw ng oras mo ang mga taong sa'kin ay mahalaga?Kapag magkasama tayong dalawa,
Parati mong pinapanatiling sa'king labi ay may tuwa.
Ngunit ngayo'y nagbago na,
Oo, nakikita mong bago ka umalis ay may tuwa sa'king labi.
Pero pagsapit ng gabi,
Ako na nama'y humihikbi.
Bakit?
Bakit ang kapalit ng pagiging masaya ko sa piling mo,
Ay unti-unting paglayo ng mga taong mahal ko.
Totoo ba ang sinabi nilang "Sa kaniya nalang umiikot ang mundo mo."Hindi ko alam ang gagawin ko,
Dapat ba akong mamili?
Hindi, hindi ako dapat mamili,
Lalo pa't pare-parehas silang mahalaga sa buhay ko.
Pero anong gagawin ko?
'Di ko namamalayan na dahil sa kaniya nalang umiikot ang mundo ko,
Nasasakal na ako.
At tila ba nakakulong ako sa isang kwartong puro siya lang ang nakikita ko.
Nauubos na ko,
Dahil ibinibigay ang lahat kahit wala ng matira sa sarili ko.Kung dati'y mawala ka lang halos mabaliw na 'ko.
Subalit ngayon?
Gusto ko ng makalaya.
Pagiging makasarili ba ang tawag dito?
Gusto ko lang naman makalaya--
Sa relasyong kahit masaya--
Nakakasawa.