Kabanata V - Jamaya

1K 14 0
                                    

Kundi dahil sa lamparang mula sa kubong pinagtalian sa kanila kanina, nagmistula sana silang mga bulag na turistang paikut-ikot sa gubat. Sandali pa silang naglakad nang may namataan ang isa sa kanila.

Girls, look,” turo ni Mae.

Tinapat ni Marian ang lampara sa direksyong tinutukoy ni Mae subalit sa mga oras ding iyon ay naubusan ito ng langis Pinagmasdan nilang lamunin ng dilim ang kapiranggot na ilaw na nagmumula rito, paliit nang paliit hanggang sa wala na. Mabuti nalamang at ilang hakbang palabas sa kumpulang mga puno ay nakita nila ang bayang nadaanan kaninang umaga nang lulan sila ng sasakyan ni Dianna. Nabuhayan sila ng loob ngayong may susundan na silang kalsada palabas sa impyernong pinagdalhan sa kanila ng site na nakita ni Angela sa internet.

Wala pang sampung minuto silang naglalakad ay napansin agad nilang di pangkaraniwan ang atmospera ng bayan nang gabing iyon. Ang pag-asang ibinigay ng pagdating nila sa sibilisadong lugar ay unti-unting nawala habang ang kanilang mga yapak lamang ang madidinig kapag walang nagsasalita. Hindi dahilan sa ibang lugar ang pagsapit ng madaling araw upang kahit saan sila lumingon ay wala maski kandilang nakasindi.

“Ang dilim dilim naman…” dinig ni Angelang sambit ng isa sa kanila ngunit hindi niya alam kung sino. Sa ibang bagay nakatuon ang kanyang isip. Wala pa sa plano niyang aminin sa mga ito na patay na ang tatlo sa kanila.

Isang malamig na ihip ang panandaliang sumipol nang umapak sila sa sementong daan. Hindi maipaliwanag ang kakaibang atmospera ng lugar. Kapansin-pansin ang kawalan ng ilaw ng mga tahanan o anumang gusaling makikita. Kapuna-puna rin ang katahimikang pumupukaw sa kaba ng bawat hakbang ng magkakaibigan. Kunwa’y bawat hakbang nila sa madilim na kalsada ay nagpapalala ng kanilang takot – takot na hindi makauwi, takot na mahuling muli, pag-aalala sa mga kaibigang ipinagdadasal na sana’y ligtas, bagay na isa sa kanila’y hindi magagawa.

Camille…

Marian…

Mae…

Sorry talaga…hindi ko alam kung pano ko sasabihin.

“Pamilyar ba ang lugar? Dito ba tayo dumaan kanina?” tanong ni Camille nang mawaring pareparehas silang walang kamuwang-muwang kung aling direksyon ang magdadala sa kanila pauwi.

“Hindi ko na talaga maalala,” palingun-lingon si Angelang naghanap ng signs na maaaring makapagturo ng daan palabas ng bayan.

Hindi normal sa kanilang pakiramdam na sa sobrang tahimik ay naririnig nila ang paghinga ng bawat isa. Marahil ay resulta ng kaba, ngunit hindi talaga matawag na bayan ang komunidad na napuntahan nila sapagkat ultimong mga ilaw ng daan o ni isang taong naglalakad maliban sa kanila ay walang matatagpuan.

Animo’y ang tanging may buhay lamang sa bayang iyon ay sila.

Ni asong gala ay wala.

May dumaang malakas na hangin na nagpalipad ng ilang mga plastic at dahong nakakalat sa tabing kalsada. Walang mga ilaw sa poste datapwa’t may mga kable ng kuryenteng nagsasangahan sa mga ito. Bahagyang basa parin ang mga damit ni Angela na siyang ikinainis niya sapagkat tuwing tatamaan siya ng hangin ay nakararanas siya ng ginaw.

“Ughh,” daing ni Jaira habang sila naglalakad. Nakahawak ito sa tiyan at wari’y namimilipit sa sakit. Tumigil sila sa paglalakad nang mapansin nilang naiwan ito sa likod.

“Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni Camille sa kanya, “Anong problema?”

“Wala ‘to,” pumwersa ng ngiti si Jaira upang hindi mabahala ang mga kasama, “Bawal kasi akong mapagod.”

Tuloy Kayo (Ikalawang Libro)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon