Bingi siya sa lahat ng tunog sa buong paligid.
Hindi niya naririnig ang awit ng koro. Hindi rin niya batid ang hagulgol ng mga tao na nakaupo sa may gawing likod; ni hindi siya lumingon upang makita kung mas malungkot tingnan ang kanilang mga mukha kaysa sa kanyang mismong nasaksihan kung paano namatay ang taong ngayon ay sama-sama nilang pinagluluhaan. Hindi rin niya namamalayan ang mismong pag luha, bagama't mugto na ang mga mata sa kaka iyak. Tahimik siyang animo’y nakikinig sa sermon ng pari, ngunit ang totoong naglalaro sa kanyang isipan ay ang mga naganap sa dapat nilang masayang bakasyon na sa halip ay siya palang huling pagsasama-sama na nila.
“Tara na,” yaya ng boses na nagmula sa kanyang gilid nang mapunang isa-isa nang nagsisitayuan ang mga tao.
Hawak ang panyo na wari’y inilubog sa tubig, pinilit niyang pigilan ang muling pag luha ng kanyang mga mata, ngunit hindi kayang itago ng tibay ng loob lamang ang lungkot na nararamdaman niya sa pagkawala ng kanyang mga kaibigan. Hiniling niyang sana’y kidlatan ang pinagmumulan ng malungkot na tugtog habang inihahatid nila ang namayapang kaibigan sa kanyang huling hantungan. Malungkot nilang binagtas ang daan mula simbahan patungong sementeryo.
Wala na sila.
Marami na siyang dinaluhang mga lamay at ilang ulit narin siyang nakipaglibing, ngunit ngayon lamang siya nanlumo nang sobra sapagkat ang mga sumakabilang buhay ay labis na malalapit sa kanya. Kunwa’y nakikiramay, sumabay ang kalangitan sa pag luha habang nagsimbukasan naman ng mga payong ang mga tao sa daan samantalang ang ibang hindi umasang uulan ay nakisilong sapagkat wala silang dala-dalang mga payong.
Kasimbagal ng pagong ang pag-usad nila sa kabila ng papalakas na ulan, bagay na dapat sana'y dahilan kung bakit dapat ay kumaripas silang lahat papunta sa masisilungan, mangyaring hindi pakikipaglibing ang kanilang pakay sa mabagal na paglakad. Mabuti nalamang at maluwag ang kanilang dinadaanan, di gaya ng sa kabila na di mahulugan ng karayom dahil sa sikip ng trapiko.
Walang nakapansin na nababasa siya ng ulan, maliban sa isang lumapit mula sa kanyang likuran na may hatid na silong. Napansin na lamang niyang hindi na siya napapatakan nang makita ang dating kasintahang pinapayungan siya. Naramdaman na lamang niya ang sariling ay kusang sumandal dito habang nakayakap sa kanyang kaliwang bisig.
“Lahat may dahilan,” mahinang sabi ng lalaki sa kanya. Maihahambing ang boses nito sa isang napakahinang bulong sapagkat bahagya lamang niya itong narinig dahil sa sobrang lakas ng ulan.
Kasalanan ko.
Sisihin man niya ang sarili, wala siyang magagawa upang ibalik ang nakaraan at baguhin ang mga pangyayari. Kunot ang noo ng sinumang taong nakarinig ng kanyang salaysay ukol sa mga tunay na naganap. Halos sarado narin ang tainga ng mga pamilyang naulila sa kadahilanang ang mga kuwento nilang dalawang nakaligtas ay lumalabas na kalahating kathang-isip at kalahating kasinungalingan – mga bagay na gawa-gawa lamang nila upang matakpan ang kung anumang ayaw nilang malaman ng mga tao.
Nandoon ako. Nagsasabi kami ng totoo. Totoo ang Tinagong Dagat.
May mangilan-ngilang tao na sumuko na at sumakay nalamang ng kani-kanilang mga sasakyan dahil tila umano’y may bagyong nataon sa libing. Ngunit sa kabila ng mga kulog at rumaragasang ulan ay patuloy siyang naglakad kasama ang dating nobyong ngayon lamang niya nakitang muli matapos ang isang taong walang komunikasyon. Kunwa’y ang pagkamatay ng kanyang mga kaibigan ang naging susi upang magtagpong muli ang kanilang landas, isang bagay na masakit sapagkat hindi niya inakalang ang pagkawala nila ang presyong kailangang bayaran para lamang makitang muli ang kaisaisahang nagpatibok ng kaniyang puso.
Walang pinagbago ang ex-boyfriend niya kahit na matagal na silang naghiwalay. Karamay niya parin siya sa lahat ng bagay. Habang naglalakad patungong sementeryo ay naisip niya kung paano nalang kapag pati si Miggy ay wala na.
Ayoko na.
Mas malakas pa sa ulan ang hagulgol ng mga tao nang umpisahan nang bigkasin ng pari ang huling mga katagang kukumpleto sa libing. Hindi nagtagal ay dumating ang punto kung saan kinailangan nang magpaalam sa huling pagkakataon ng mga nagmamahal sa pumanaw niyang kaibigan.
Sariwa pa ang mga alaala niya habang pinagmamasdan ang kabaong na dahan-dahang ibinababa sa hukay. Walang sikat ng araw na makalulusot sa kapal ng ulap ngunit minabuti niyang huwag tanggalin ang salamin upang mamaskarahan ang mga matang pagod na pagod na sa kakagawa ng luha. Inihagis niya ang hawak-hawak na bulaklak kasabay ng huling paalam sa kaisa-isahang namatay na kaibigan na nabigyan ng wastong libing.
Hindi niya magawang patawarin ang sarili habang paulit-ulit na naglalaro sa kanyang isip ang mga gunitang bumago sa pagtingin niya sa buhay.
BINABASA MO ANG
Tuloy Kayo (Ikalawang Libro)
HorrorPerpektong bakasyon - sana. Isang natitira. Tatlong patay. Tatlong nawawala. Matapos paghiwahiwalayin ng mga lihim at rebelasyon na bumabalot sa Tinagong Dagat, panahon lang ang makapagsasabi kung makakalabas man sila ng buhay o tuluyang magiging b...