Kabanata II - Mae

1.4K 20 8
                                    

Malabo ang paningin ni Mae nang siya ay magkamalay. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na walang ulirat. Ang huli niyang naaalala ay naglalakad siya hindi kalayuan sa rest house upang magpalamig mula sa mainit nilang sagutan ni Matts.

Sinubok niyang alalahanin ang mga nangyari bago siya mawalan ng malay.

                                                                      …

Nang magpasiya na itong bumalik ay nakaramdam si Mae ng pagkilos sa likod ng mga puno. Kinabahan, bumilis ang kanyang mga hakbang papunta sa tarangkahan ngunit hindi pa man siya nakakalapit doon ay may humarang sa kanyang dalawang taong hindi niya maaninag ang mga mukha. Nakaharang ang mga ito sa daanan papasok ng gate, dahilan kung bakit napilitan si Mae na ang maging direksyon ng pagtakbo ay papalayo sa bahay. Sa kanyang pagtakbo ay naalala niya ang sinabi ni Laurence nang siya ay nagkuwento tungkol sa lugar.

Multo…

Kulto…

Tinagong Dagat…

Nag-aalay ng hindi nila mga kasapi…

           

Hindi makuhang maniwala ni Mae kanina ngunit parang gusto niyang bawiin ang mga binitiwan niyang salita. Hindi na kasi uso ang mga kwentong katatakutan sa modernong panahon na kanyang kinabibilangan at isa siya sa mga taong hindi basta-basta nagpapapaniwala, lalo na sa hindi niya kilala.

Malapit na siyang maabutan ng mga taong humahabol sa kanya. Sa kasamaang palad, nangyari sa kanya ang madalas na nakikita niya sa mga pelikula. Huli na nang malaman niyang sumabit ang kanyang paa sa isang nakaalsang ugat ng puno. Dinampot siya at  itinayo ng mga nilalang na humarang sa kanya.

Naririnig niya ang bigat ng sariling paghinga habang nagpupumiglas na makawala.

“Bitiwan niyo ako!” tutol ni Mae nang pumalibot ang mga bisig ng isa sa kanila sa kanyang braso.

Walang reaksyon ang mga ito. Nagpatuloy lamang sila sa pagtatayo sa kanya sa kabila ng kanyang pagsisisigaw.

“Matts! Matts-

Isang malakas na hampas sa ulo ang nagnakaw ng malay ni Mae. Bago niya tuluyang isinara ang mga mata ay namataan niyang hindi lamang dalawa ang dumukot sa kaniya sapagkat may mga dumating pang iba mula sa salungat na direksyon.

                                                                         …

“Pssst! Mae!” sambit ng isang boses.

“Mae!”

Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Mae nang marinig ang mga tawag sa kanyang pangalan.

Sa pagliliwaliw ng kanyang mga mata ay nakita niyang nasa loob siya ng isang kubo na ang tanging liwanag na pinagmumulan ay isang lamparang nakasabit sa dingding. Paikut-ikot rito ay isang gamu-gamo na paulit-ulit na bumubunggo sa salamin habang naaakit sa apoy. Sarado ang pinto maging ang bintana at nang subukang tumayo ni Mae ay nabigo siya. Saka lamang niya napagtanto na nakatali siya sa isang posteng kawayan sa gitna ng kwarto.

“Mae!” muling tawag sa kanya sa gitna ng rumaragasang ulan sa labas.

Paglingon ni Mae sa kanyang kanan ay nakita niya ang tatlo pang poste na ang dalawa ay pinagtalian ng mga taong pamilyar sa kanya. Mula sa mahigpit na pagkakagapos ay tumatawag sa kanya ang dalawa sa kanyang mga kaibigan na kapwa bihag kagaya niya.

Tuloy Kayo (Ikalawang Libro)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon