Kabanata IV - Camille

1.1K 17 2
                                    

Pinili ni Angela na huwag tingnan ang matarik na babagsakan kaya’t nanatiling sarado ang kanyang mga mata kahit naramdaman niyang wala nang tinutuntungan ang dalawang gulong sa harap. Tinangka niyang hugutin ang susi kanina ngunit ayaw nitong maalis sa kinalalagyan.

Ganito akong mamamatay.

Walang makakaalam.

Namangha siya sa sarili nang mapansing hindi siya sumisigaw habang nahuhulog ang sasakyan. 

Inisip niyang kasama ang mga kaibigan gaya noon.

Inisip niyang nasa roller coaster lamang sila.

Magkakasama gaya nung huling punta nila sa Enchanted Kingdom.

Inisip niyang sabay-sabay silang uuwi nang may ngiti sa kanilang mga mukha.

See you guys.

                                                                                 …

Hindi sigurado si Angela kung nawalan siya ng malay. Pagdilat ng kanyang mga mata, masakit ang kanyang katawan at mainit ang paligid. Bahagyang nayupi ang harapan at kanang bahagi ng sasakyan sa pagkakabagsak nito. Tagilid ang kotse at maswerte siyang nasa kabilang panig nang mahulog sa bangin. Kung hindi, malamang ay sumunod na siya kina Dianna. Malakas parin ang ulan ngunit hindi ito sapat upang matupok ang apoy ng nagliliyab na makina. Sa pagkakataong ito, hindi nagmatigas ang kanyang seatbelt at nakalas niya ito.

Baliw lamang ang bibilang ng bubog mula sa nabasag na mga bintana kaya hindi siya nag-aksaya ng oras sa loob ng nag-aapoy na sasakyan.

Nanatiling sarado ang pinto sa kabila ng disgrasya kaya’t napilitan siyang lumabas sa bintana. Nang makaapak sa lupang batuhan ay tumingala siya upang makita kung gaano kataas ang kanyang ikinabagsak. Hindi niya inisip na bubuhayin pa siya ng nangyari.

Dama niyang hindi niya kakayaning umakyat muli sa napakatarik na bangin kaya’t minabuti niyang humanap ng ibang ruta.

Nagsimula siyang maglakad.

Patuloy siyang naglakad nang walang direksyon hanggang pinalad na nakabalik sa kalsada nang biglang may narinig siyang isang malakas na pagsabog. Napatigil si Angela sandali nang nabigong mamaskarahan ng ulan ang ingay na nanggaling sa kung saan bumagsak ang sasakyan kanina.

 Nagpatuloy siya sa pagbagtas ng daang di niya alam kung saan siya dadalhin.

Sakaling matunton niya ang pinagdalhan sa mga kaibigan, ililigtas niya sila.

Mangyaring dalhin siya ng landas palabas ng bayan, uuwi siya at hihingi ng tulong.

Kumpulan man ang mga puno sa gilid ng kalsada, kulang ang kapal ng mga dahon upang hindi siya mabasa. Mabigat ang kanyang mga damit habang iniinda ang sakit ng katawan na natamo sa pagkahulog. Sinadya niyang lumayo ng kaunti sa mismong daan upang hindi makita ninuman.

Hindi niya alam kung sino ang pwedeng pagkatiwalaan at kung sino ang hindi.

Nangangapa si Angela sa sobrang dilim, nangunguna sa harap ang kamay upang maiwasang mabunggo sa mga puno. Maputik ang inaapakang lupa sanhi ng malakas na ulan na unti-unting tumila nang maawa ito sa kanya.

Wow. Kung kailan ako nasa silong dun walang ulan. Just wow.

Banas na banas siya sa tuwing bubunggo sa mga sangang hindi niya makita. Hindi siya sanay sa madahong kapaligiran na kung maaari lang niyang pitasin isa-isa ang mga dahon sa galit at inis ay gagawin niya. Ang mamasa-masang nilalakaran ang talagang nagpapainit ng kanyang ulo, palibhasa’y di sanay sa ganoong kapaligiran. Dinig niya ang bawat yapak sapagkat ang kanyang mga paa ay bahagyang lumulubog sa nadiligang lupa.

Tuloy Kayo (Ikalawang Libro)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon