Kabanata VIII - Jaira

890 12 0
                                    

Mag-aalas kwatro na nang bumaba sila mula sa kampanilya. Di man sila ang pinahirapan ay walang makakatunaw ng imahe ng naganap sa kanilang mga isipan. Panghabambuhay na itong dala-dala nila, laging maiisip sa bawat gawain.

“Kayong apat, sumunod kayo sakin,” yaya ng pari kina sa mga bagong dating, “Grace, sumama ka.”

“Saan po tayo pupunta?” tanong ni Marian na wari’y nakita na lahat maging ang mga dapat na hindi nila makita nang gabing yon.

“May mahalaga akong ipapakita sa inyo.”

Tinahak nila ang parehong daan papunta sa silid kanina ngunit imbis na sa pinto ay diretsong naglakad ang pari palabas. Tumigil ito sa harap ng isang pahigang bukasan, “Lahat ng tao dito sa simbahan ay alam ito,” pambungad ng padre sa kanila habang nakatingin sa bukasan, “Hindi ko alam ang mangyayari sa hinaharap, kaya’t sinasabi ko ito sa inyo ngayon.”

Hinila ng pari ang pinto papunta sa kanila at ipinakita ang isang madilim na lagusan kina Angela.

“Walang ibang nakakaalam ng lagusang ito maliban sa ating mga nasa simbahan. Hindi ko masasabi kong hanggang kailan tayo poprotektahan ng mga pinto ng simbahang ito kaya’t inihahanda ko kayong lahat,” sabi ng padre sa kanila.

“Saan po papunta yan?” tanong ni Marian.

“Tagos ito malapit sa dagat,” turo ni Fr. Balmas sa mga babae, “Itinuro ito ng dating kura paroko ng bayang ito bago ako. Ginamit daw umano ito noong panahon ng digmaan. Ngayon, ginagamit namin ito paminsan-minsan upang mangolekta ng tubig-dagat.”

“Ha? Ano po? Anong ginagawa ninyo sa tubig galing sa dagat?”

“Asin. Hindi naman masyadong matabang ang kinain ninyo kanina hindi ba? Ngayon, sinasabi ko ito sa inyo upang alam niyo kung saan kayo pupunta sa oras na mapasok nila ang simbahang ito. Sa awa ng Diyos, hangga’t sarado ang mga pintuan ay hindi sila makakapasok. Pero malay natin, isang araw…”

“Wag naman sana,” dasal ni Grace, tutol na maging sakripisyo gaya ng mga babaeng nakita nila kanina.

“Sandaling lakad lamang at nasa dagat na kayo. Malapit lang dito yun sa simbahan,” dagdag ng pari nang biglang dumaing si Jaira sa likuran, hawak ang tiyan na mukhang sumakit nanaman gaya kanina sa bayan, “Kailangan ko na yatang magpahinga,” mungkahi ni Jaira sa kanila.

“Ilang buwan na ‘yan anak?” tanong ng pari sa kanya.

“Maglilima po.”

Huminga ng malalim ang padre at nagpasalamat sa Diyos nang maalalang may doktor silang kasama sa simbahan, “O siya, magpahinga ka na at baka kung ano pa ang mangyari sa baby mo. Masama sa buntis ang napapagod masyado. Kayong tatlo matulog na rin. Ikaw din Grace,” humikab ang padre bago pumanhik sa loob upang makapagpahinga narin.

“Paano kaya sina Matts? Saan kayo nagkahiwalay?” tanong ni Marian kay Angela na halos hindi siya matingnan sa mata nung sumagot.

“Paglabas namin gate, nagkahiwalay kami. Sandali kong nakasama si Chi pero pagdating namin sa gubat hindi ko na siya makita,” pagsisinungaling nito sa kaibigan, “Sana okay lang sila,” hiling niya kahit alam niyang wala na sila.

Matapos ang sandaling usapan ay isa-isang nakatulog ang magkakaibigan. Hindi na nila kaya pang labanan ang antok at wala rin silang planong labanan ito. Halos hindi pa nakakaikot ang segundos na kamay ng orasan ay tuluyan nang nakatulog sina Marian, bagay na hinihintay ng isa sa kanila upang tumigil sa pagkukunwaring tulog. Nilapitan nito ang isang babaeng mahimbing na ring namamahinga matapos ang mga pangyayari.

“Jamaya,” madahang gising nito sa babae, “Jamaya, gising.”

Tuloy Kayo (Ikalawang Libro)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon