Hindi natigil ang kalangitan sa kakaiyak.
Wari’y resulta ito umano ng matagal na pagkakaipon ng lungkot ng mga ulap na ngayon lamang bumigay at nagpasyang huwag ibuhos itong lahat. Halos walang maitulong ang wiper ng windshield sa sobrang lakas ng ulan. Napakalakas nito na animo’y wala naring silbi ang mga ilaw ng sasakyan, dagdag pa ang maya’t mayang nakabubulag na kidlat.
Sa kabila ng baku-bakong daanan, mabilis ang pagpapatakbo ng nagmamaneho sa sasakyan.
Medyo hindi siya pamilyar sa kotseng gamit sapagkat hindi kanya ito. Nasanay siya sa kanyang convertible na BMW kaya naman hirap siya sa pagkalkula ng kilos ng paa at kamay habang nagmamaneho.
Ngayon lamang niya nalaman na maaari palang magsabay ang hamog at ulan. Hindi malinaw sa kanyang paningin ang tinatahak na daan dahil sa mistulang ulap na nakabalot sa buong paligid. Ang diretsong daan ay naging kurbada nang siya ay makalayo sa rest house, at pagkatapos ay naging diretsong muli, bagay na ikinataka niya dahil hindi niya matandaan ito nang sila ay papunta palamang, sanhi kung bakit siya ay nangambang naliligaw. Ang kaninang bilog na buwan ay natabunan ng madidilim na ulap kaya’t headlights lamang at kidlat ang nagbibigay liwanag sa lugar.
Hindi niya alam kung ano ang uunahin - iligtas ang mga kaibigan na hindi niya alam kung nasaan, o iligtas ang sarili at iwanan sila sa kamay ng mga hindi pa niya nakikitang tinatakbuhan? Alinman sa dalawa ay wala siyang kaideideya kung paano sisimulan.
Makapal ang kumpol ng mga puno na nasa magkabilang gilid ng daan. Hanggang ngayon ay hindi parin humuhupa ang ulan, na siyang kanyang ipinagtataka sapagkat kalakip nito ay isang hamog na nagpapahirap sa kanya sa pagtantiya ng dinadaanan. Nakadikit ang kanyang mga kamay sa manibela kaya’t hindi niya magawang patayin ang aircon kahit sobrang lamig na.
Pataluntalon ang sasakyan sa mga pinaghalong nakaalsang mga bato at lubak. Hindi lang taon ang bibilangin upang mabura niya sa kanyang isipan ang mga imahe ng mga kaibigang iniwan niyang patay sa inupahan nilang bahay. Hindi niya makakalimutan kung paano pumanaw si Dianna na hanggang ngayon ay hindi parin malinaw sa kanyang isip kung bakit nahulog ito mula sa kanilang kwarto. Hindi rin maalis sa isipan niya kung paano niyang nanginginig na dinukot ang susi mula sa bulsa ng kaibigan niyang si Chi habang nakalubog sila ni Matts sa bath tub sa sariling dugo.
Walang direksyon si Angela.
Ni hindi niya alam kung ang binabaybay niyang daan ay ang parehong dinaanan nila kaninang umaga. Dahil sa kaba marahil kaya’t magulo ang kanyang isip at hindi na niya maalala kung ano ang itsura ng kanilang dinaanan nang sila ay papunta pa lamang.
Sa kalagitnaan ng halos mag-iisang oras nang pagkabig ng manibela, dahan-dahang humina ang makina ng sasakyan hanggang sa tuluyan itong huminto sa gitna ng madilim at lubak-lubak na daan. Naiwang nangingibabaw ang tunog ng mga patak na tumatama sa bubungan ng sasakyan at kulog na susundan ng sanga-sangang kidlat sa madilim na langit.
Naubusan siya ng gasolina.
Bakit ngayon pa? Tanong si Angela sa sarili habang iniisip kung anong nagawa niya upang malasin ng ganun kabigat.
Naisip tuloy niya na mukhang mas ligtas pa siya doon sa bahay, ngunit sumalungat sa naturang kaisapan nang mapagtantong ang nagpakilalang lalaki sa kanila habang sila ay nasa pampang ay siya palang kaluluwang natawag nila noong pinaglaruan nila ang Ouija ni Matts.
Ngayon, nakatunganga siya sa loob ng sasakyang walang planong umandar sa gitna ng isang napakadilim na lugar na hindi alam ni Angela kung saang lupalop naroon.
Sa labis na takot ay hindi na niya namalayang umiiyak na pala siya.
Nagmamaktol, pilit na pinaandar ni Angela ang sasakyan sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpihit sa susi.
Wala siyang magawa sapagkat mukhang gasolina ang problema. Datapwat bihasa sa pagkukumpuni ng mga sasakyan, walang maitutulong ang kanyang pagiging paham sa makina kung ang hinihingi ng sasakyan ay hindi mahahagilap sa malapit lamang. Wala siyang namataang gasoline station kanina kahit sa mismong bayan. Malapit na niyang paganahin ang kahibangan at maisipang itulak ang sasakyan.
Malakas parin ang ulan.
Sa inis, pinalo ni Angela ang manibela na animo’y batang pinapagalitan sa pagiging makulit. Sa paghawi niya ng kamay, napakunot ang kanyang noo. Ngayon lamang niya napansin ang hiningang ibinubuga niya ay katulad nung siya ay nasa Baguio - puting usok na resulta ng lamig. Ngunit hindi ito kaagad nawawala sapagkat nang tumingin siya sa kanyang gilid ay puno na ng parehong usok ang buong sasakyan.
Doon laman niya napansin na hindi pala ang panahon ang kakaiba. Bagama’t kumbinsido siyang nagsasabay ang hamog at ulan, ulan lamang pala ang nasa labas.
.
.
.
Ang hamog ay nasa loob ng sasakyan lamang.
Sa kagustuhang lumabas ang usok, kusang pumunta ang kanyang kamay sa pindutan upang ibukas ang bintana ngunit hindi ito gumana, kunwa’y may pumipigil sa pagbaba nito. Sinubukan niya ang kabila ngunit ganun din ang nangyari. Ayaw din nitong bumukas.
Nagsisi si Angela nang siya ay napasulyap sa rearview mirror ng sasakyan.
May kakaibang lamig na gumapang sa kanyang likuran nang sa pinakadulong upuan ay mayroon siyang nakitang nakaupo. Hindi maaninag ni Angela ang itsura ngunit sigurado siyang ang mga mata nito ay nakatingin sa kanya sa salamin. Pero hindi rin nagtagal ang kanilang titigan nang bigla itong mawala sa kanyang paningin. Nilingon niya ito upang makasigurong hindi na ito nagmamasid mula sa likod.
Inisip niyang ang nakita ay bunga lamang ng kanyang imahinasyon at takot sapagkat wala na ito nang lingunin niya. Hindi niya masisisi ang sarili kung ang sariling isipan ay pinaglalaruan siya sapagkat ang kanyang mga nasaksihan ngayong gabi ay hindi biro na agad-agad nalamang mawawala kapag napagsawaang pagtawanan. Nagsimula na siyang kumalma nang masigurado niyang siya ay nag-iisa. Ngunit ang hindi pagkawala ng hamog sa loob ng sasakyan ang tunay na bumagabag sa kanya.
Nang ibaling niyang muli ang direksyon ng kanyang ulo sa daanan ay nahagip ng kanyang mga mata ang upuang nasa kanan ng kanya.
Ang kaninang nasa likuran ay katabi na niya.
Hindi niya ito tinitingnan ngunit alam niyang nakaupo ito sa kanyang gawing kanan. Nagmistula siyang gawa sa yelo, sobrang lamig at sobrang tigas na hindi niya maigalaw ang anumang parte ng katawan niya. Ang tanging malaya lamang na nakakakilos ay ang kanyang mga mata subalit hindi rin niya magawang ibaling ang paningin sa katabi dahil sa sindak.
Pakiramdam ni Angela ay tumigil ang oras. Maihahambing niya ang sarili sa isang bato na walang pakialam sa mundo na naghihintay madurog. Hindi niya makuhang gumalaw.
Wari’y nabasa nito ang kanyang iniisip, bago pa man siya magkaroon ng lakas ng loob na buksan ang pinto ay narinig niyang naglock ito nang kusa kasabay ang lahat ng mga pintuan ng sasakyan.
BINABASA MO ANG
Tuloy Kayo (Ikalawang Libro)
TerrorPerpektong bakasyon - sana. Isang natitira. Tatlong patay. Tatlong nawawala. Matapos paghiwahiwalayin ng mga lihim at rebelasyon na bumabalot sa Tinagong Dagat, panahon lang ang makapagsasabi kung makakalabas man sila ng buhay o tuluyang magiging b...