Kabanata 2 : MASAMANG BALITA

479 14 2
                                    

PAWISANG-PAWISAN si Boging. Malalalim at sunud-sunod ang paghinga nito. Kailangang makawala siya! Siya lang ang tanging inaasahan nina Gino at Kiko. Mahigpit na nakagapos ang matabang binatilyo sa silyang kinauupuan.

Luminga-linga si taba. Naghahanap ng saklolo. Pero alam niyang walang maaaring tumulong upang makakalas siya sa pagkakatali.

Muling binalingan ni Boging ang lubid na nakapulupot sa kanyang bilugang katawan pababa hanggang sa mga matatabang binti.

Mahigpit ang pagkakatali sa kanya sa silya at halos hindi siya makahinga nang maayos. Sumasakit na nga ang kanyang balat dahil sa pagkakabaon ng magaspang na lubid sa kanyang nag-uumapaw na bilbil sa baywang.

Kailangang ibuhos na niya ang kanyang lakas! Kaya kahit hirap, pinilit nitong bumunot ng isang malalim na hininga at saka sumigaw ng... "Kawabannngggaaa!!!"

Hindi lang iyon. Buong lakas pang nagpapalag si Boging. At nagkakawag! Ngunit sa ginawa, biglang nabuwal si taba na kasama ang silya! At sa inis ng binatilyong tsinoy, ni hindi man lang lumuwag ang pagkakatali niya.

Napayukong napailing si Gino sa nangyari sa kaibigan. Pati si Kiko ay napangiwi. Wala! Hindi yata makakawala si taba. Mukhang hindi sila makakalusot ngayon sa gusot na ito.

"S-Suko na 'ko!" talunang amin ni Boging. "Ano?!" magkasabay na bulalas nina Gino at Kiko na kapwa biglang napatayo. "Kaya mo pa 'yan, Bogs. Huwag mo kaming ipahamak!"

"S-Sorry, Gino, Kiko. Pero talagang suko na 'ko," humihingal na ulit ni Boging na namumula ang maputing mukha dahil sa hirap. "Saka nagugutom na 'ko, e."

Isang malapad at nakakalokong ngiti ang namuo sa mukha ni Jo nang marinig ang sinabi ni Boging.

"'Yan! Ang yayabang kasi!" mataray na kantiyaw ng dalagita sa tatlo kasunod ng biglang paghimas sa tiyan. "Parang gusto kong kumain ng... banana-cue... at ng binatog. Tapos, para huwag bumara sa lalamunan ko, itutulak ko ng iced tea---"

"Saan naman kami bibili ng binatog?" putol ni Gino sa pagpaparinig ng nakababatang kapatid.

"At pa-iced tea-iced tea ka pa ngayon. Gulaman lang ang dati mong iniinom a!" dagdag pa ni Kiko.

"E sa gusto ko e! Bakit ba marunong pa kayo? Saka ang talunan, walang karapatang magreklamo sa panalo--"

"A, mga kasama! Mga kaibigan!" singit ni Boging na nakahiga pang nakatali sa sahig ng garahe nina Gino. "Mawalang-galang na po! Puwede bang pakawalan muna ninyo 'ko rito bago tayo magsingilan ng pusta?"

"Ay, oo nga pala!" sabi ni Jo na mabilis na lumapit kay taba.

"Sorry, ha. Kasi naman itong mga kakampi mo, Bogs, inis-talo. Mga pikon," tuloy pa rin sa kantiyaw si Jo habang niluluwagan ang mga ginawang buhol sa lubid.

Nagpustahan kasi ang apat. Nabanggit ni Jo na isa siya sa pinakamagaling sa knot tying sa girl scout troop niya. At tulad ng dati, nagkatuwaang maliitin ng tatlong binatilyo ang kakayahan ng nakababatang dalagita. Hanggang sa magpustahan sila. Na hindi makakawala ang sinumang igagapos ni Jo. Si Boging nga ang napili at meryenda ang pusta.

Hinimas ni Boging ang kanyang mga braso habang tinatanggal ni Jo ang buhol sa hita niya. "Sumakit ang mga muscles ko a."

"Muscle?! Anong muscle?" nakakunot-noong tanong ni Kiko. Pinisil-pisil nito ang kanang braso ni Bogs. "Puro tabang-hangin lang 'tong nakakapa ko a!"

Sasagot pa sana si Boging nang biglang dumungaw si Aling Linda, ang ina nina Gino at Jo.

"O, ano na naman 'yang ginagawa n'yo kay Boging?" nagtatakang tanong nito nang makitang nakatali at nakahilata sa sementong sahig si taba.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na BatoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon