Kabanata 8 : MGA MAHIWAGANG LALAKI

296 11 1
                                    

BIGLANG NAWALA ang kulay sa mukha ni Jo nang maaninag ang malaking rebulto ng Igorot!

"K-Kanina nasa salas ito, a!" bulong niya sa sariling takut na takot.

Naging sunud-sunod ang paglunok ni Jo, halos pati dila ay lunukin na sa takot. Ngayon ay hindi lang tuhod ang nanginginig sa kanya kundi buong katawan. 

"Nanay ko! Mamatay na yata ako!" hiyaw niya sa kaloob-looban.

"Konting tatag pa ng loob, Diyosa... konting-konti na lang," palakas-loob pa niya sa sarili na hindi napansing sa kanyang takot ay tinawag niya ang sarili sa tunay na pangalang 'Diyosa'!

Unti-unti, pikit-mata siyang umisod. Nanlalaki ang ulo niyang dumaan sa tagiliran ng istatwa. Nangangatog. Nangingilabot.

Paglagpas ni Jo sa rebulto, kumaripas ito nang takbo.

"Nanang koo pooo!" Halos lundagin niya ang bawat madaanang sagabal sa daan. At dinala siya ng kanyang mga paa pabalik sa kanilang kuwarto. At sa bilis ng kanyang takbo, namatay ang apoy sa hawak niyang kandila.

Parang nabulag si Jo sa dilim ng kapaligiran!

Pilit na nilabanan ng dalagita ang nararamdamang pagpa-panic ng kalooban. Huminga siya nang sunud-sunod. Malalalim. Hanggang sa wakas ay unti-unting nasanay ang kanyang mga mata sa dilim. At nakita niya ang mahinang liwanag na lumulusot sa siwang ng pinto ng silid na pinanggalingan!

Tinakbo ni Jo ang pinto at nanginginig ang kamay na biglang itinulak ang pinto. Malakas na kumalabog ang pintuang kahoy nang bumalandra iyon sa dingding.

Nagulantang ang mga binatilyo sa lakas ng ingay. Sa gulat ay napabalikwas nang tayo si Kiko. Napatalon naman mula sa silya si Boging at mahigpit na napayapos kay Kiko!

Putlang-putlang napasandal si Jo sa pinto sa panghihina habang namumuo ang mga butil-butil na pawis sa mukha.

"K-Kuya..." nauutal na bungad nito.

"Jo, bakit?" tanong ni Gino na mabilis na lumapit.

Humihingal na isinalaysay ni Jo ang buong pangyayari. Nang matapos ay nagkaisa silang lumabas ng silid upang tumungo sa kumedor. To see is to believe, 'ika nga.

Nanguna si Gino na dala ang gasera habang nakahawak sa kanyang baywang si Jo. Kasunod nila si Kiko, na may hawak na maliit na flashlight, habang mahigpit na nakahawak naman sa baywang niya si Boging.

 Kasunod nila si Kiko, na may hawak na maliit na flashlight, habang mahigpit na nakahawak naman sa baywang niya si Boging

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Nasa salas pa lang ang apat nang matigilan sila.

"Ang rebulto! Narito naman, a!" turo ni Gino.

Nasa salas na nga ang rebultong Igorot. Ganoon pa rin ang pagkakaayos. Parang hindi nagalaw!

"K-Kanina nasa kumedor 'yan, e! Kitang-kita ko!" takang giit ni Jo.

"Baka nga naglalakad 'yan," sindak na sabi ni Boging.

Katahimikan.

Si Kiko ang bumasag sa katahimikang iyon. Nang itutok nito sa sahig ang flashlight ay may nakita itong mga marka. "Tingnan n'yo ang sahig."

Tumingin nga silang apat sa marmol na sahig. May dalawang pares ng guhit mula sa kinalalagyan ng rebulto patungo sa pader.

"Parang marka ng maliliit na gulong," ani Kiko. "Baka naman may gulong 'to sa ilalim?"

"Pero bakit papunta sa dingding?" tanong ni Boging.

"Teka, nga," sabi ni Gino na tumayo. Itinuon nito ang dalawang kamay sa rebulto at buong lakas na itinulak iyon.

Wala! Ni hindi umusad kahit isang pulgada ang rebulto.

"Gisingin natin si Lolo Ambo. Sabihin natin ang tungkol dito," wika ni Jo.

"Huwag na. Tulog na iyon. Isa pa'y tayo lamang muna ang dapat makaalam nito," sabi ni Gino. "Okey ba?" paniniguro niya sa isa-isa namang tumangong mga kasama.

Tahimik na nagbalik ang mga kabataan sa kanilang silid. Ngunit hindi sila makatulog. Sari-saring katanungan ang sumusuot sa isipan nila.

Nakaupo sila sa sahig habang nagkukuwento si Jo sa kanyang karanasan nang biglang tumayo si Boging. Nakakunot ang noo. Anyong may iniisip na malalim.

"Bogs, huwag mong sabihing nagugutom ka pa rin," kantiyaw ni Kiko.

"Shhh...." saway ni taba. "Parang may naririnig ako..."

"A Boging, ha! Walang takutan!" saway ni Jo.

"Ano ka! Ako pa ang mag-umpisa ng takutan?" sagot ni taba na naglalakad-lakad. Pilit na hinahanap ang pinanggagalingan ng naririnig.

Tumayo na rin si Gino at sinundan si Boging. "Teka... may naririnig din ako," sabi ni Gino.

May mga tinig ngang nagbubulungan. Mga mahihinang kaluskos. Nagkatinginan ang apat. Nagmumula iyon sa labas ng bahay. Sa dakong likuran.

Marahang gumapang si Jo palapit sa bintana upang sumilip. Bubuksan na nito nang bahagya ang bintana nang sawayin siya ng kapatid.

"Teka, Jo," pigil ni Gino. "Kiko, patayin mo muna ang gasera. Para mawala ang liwanag dito sa kuwarto."

Nagdilim ang kuwarto. Kahit sumilip silang apat ngayon ay hindi na sila makikita ng sinumang nasa labas.

Sa pagitan ng mga rehas na bakal ng bintana ay dahan-dahang dumungaw nang magkakatabi ang apat na mga ulo.

"Kuya, tingnan n'yo, o!" sumenyas ang kamay ni Jo sa tatlong kasama.

Mula sa labas, sa may pampang ng kalapit na ilog ng Sta. Cruz, nakita nila ang limang kalalakihan na pasakay sa bangka. Galing sa likuran ng bahay.

May dala ang isa sa mga ito ng maliit na lampara. May kadiliman pa rin sa tabing ilog pero malinaw sa mga mata ng apat na bata ang anino ng bangka at ang hitsura ng mga lalaki.

"Sino kaya ang mga 'yon?" Si Kiko.

"Baka mga mangingisda," sagot ni Boging. "E bakit ganyan ang hitsura nila?" pansin ni Jo dahil hindi tipong sanay sa pagbabanat ng katawan ang mga lalaking pinanonood nila.

Mukha ngang goons sa pelikula.

"At ano ang ginagawa nila sa likod bahay sa ganitong dis oras ng gabi?" agaw tanong ni Gino.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na BatoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon