Kabanata 4 : ANG BAHAY NA BATO

333 11 1
                                    

"SINO KAYO!? Anong ginagawa n'yo rito!?" sita sa kanila ng isang binatilyong kasing idad nila; si Itoy. Tila galit na nakatitig sa apat na makulit habang may sukbit sa kaliwang balikat na rolyo ng water hose na gamit sa pandilig.

Si Itoy ang apo ng tagapamahala sa lumang bahay. Aba! Look-a-like pala siya ni Boging. Magkapatid sila sa katawan. Parehong malusog. Sa isang salita, mataba. Iyon nga lang at malaki ang mga mata nito't sunog ang balat sa araw. Hindi gaya ni Boging na tsinito at maputi.

Umingos si taray. Sa isip niya: "Ang yabang ng biik na 'to! Akala mo kung sino a!"

Pero tanong din ang itinugon ni Jo. "E ikaw, sino ka?"

"Ako si Itoy. Apo ni Lolo Ambo. Kami ang caretaker ng bahay na ito."

Si Gino ang mahinahong nagsalita para sa grupo. "Apo ako nina Don Manuel at Donya Concha. Ito si Jo, ang aking kapatid. At ito naman ang aming mga kaibigan, si Kiko... at si Boging..," isa-isa niyang ipinakilala kay Itoy ang mga kasama.

Nakangiti na si Itoy nang muling magsalita. "Apo kayo ng nakabili ng bahay? Pasensiya na kayo, ha? Akala ko'y kung sinong mga pangahas ang pumasok dito."

"Sarado kasi ang gate, e. Inakyat na lang namin ang bakod kasi hindi namin alam na may tao pala," paliwanag ni Kiko. "Kami nga ang dapat humingi ng paumanhin sa iyo."

"Wala na 'yon," mabilis na sagot ni Itoy. Kapagkuwa'y nagkatinginan ang dalawang mataba. At ang kanilang mga mata, nangungusap: "Pareho pala tayo. Parehong napag-iwanan sa kusina." Kung nasabi nila iyon nang malakas, tiyak na lulutang ang malulutong na tawanan. Pero simpleng nagngitian lang ang dalawa.

"Talagang kinakandado namin ang gate. Kaya lang dala ni Lolo ang susi sa pintuan ng bahay. Doon na muna kayo maupo sa veranda. Susunod ako sa inyo," sabi ni Itoy.

Doon na nga sila nagpalipas ng oras. Nagkani-kanyang puwesto sa mga upuang naroon. Ang mga binatilyo ay nakaharap sa hardin, si Jo ay sa bahay. Nakaramdam ng pamimitig ng paa si Jo kaya ipinatong niya iyon sa ibabaw ng mesita.

Saglit pa at pumanhik na rin si Itoy sa veranda. At sa tuwa ng mga taga-Maynila, may dala na itong isang bungkos ng rambutan.

"Nasaan ang lolo mo?" tanong ni Jo.

"Nasa palengke, namimili."

Biglang singit si Boging. "...ng pagkain?" Tumango si Itoy. Nanlaki ang mga mata ni Boging sa katuwaan. Pagkain kasi ang narinig. Gayong inuumpisahan nang kainin ang mga rambutang kinuha ni Itoy sa puno.

"Over ka talaga, Bogs---" pag-uumpisa ni Jo nang bigla siyang mapatigil. Kumunot ang noo niya. Bahagyang nalito. Parang may nakita siyang aninong mabilis na nagdaan sa may bintana sa ikalawang palapag ng bahay!

Sabi kanina ni Itoy, sarado ang bahay. Ibig sabihin, walang tao sa loob. Pero ano 'yong nakita ko, naisip ni Jo.

Sinarili na lang muna ni Jo ang bagay na iyon. Baka guniguni lang niya iyon e makakantiyawan lang siya ng tatlong unggoy na nag-iilusyon.

"Matagal na ba kayong naninilbihan dito?" Si Gino naman ang nagtanong kay Itoy.

"Oo! Dito na ako lumaki, e," pagkuwa'y may inilabas pang biskwit si Itoy mula sa bulsa ng kanyang shorts. Inalok ang mga bisita. Si Boging lang ang kumuha ng dalawang piraso.

Napailing sina Gino, Kiko at Jo. Ibig nilang matawa. Wala ngang ipinagkaiba si Itoy kay Boging. Love na love ang pagkain.

Tanong dito. Tanong doon. Sikat na sikat si Itoy sa kai-interview ng B1 Gang. Hanggang sa lumawig ang kanilang kuwentuhan. At dumako sa mas kapanapanabik na paksa: ang lumang bahay na yari sa bato.

"Hindi kayo nakatira rito?" gulat na reaksiyon ni Kiko sa sinabi ng bagong kaibigan.

"Hindi a! Hindi kami tatagal ni lolo dito! Doon kami sa bahay namin sa bukid," madiing sabi ni Itoy.

Nagkatinginan ang mga taga-Maynila. May naaamoy silang hiwaga. Lalo na si Jo, parang kinutuban ito na hindi mawari kung ano.

"Bakit naman?" si Gino ang unang nakabawi sa pagkagulat. "May lumalabas bang bampira dito?" nagbibiro niyang sabi sa nakakatakot at pinababang boses.

Hindi tumawa sa biro si Itoy. Ni hindi ito ngumiti. Medyo namutla pa nga ang moreno at bilugang mukha nito.

"Huwag kang magbiro nang ganyan. Sa totoo lang, kahit kanino n'yo ipagtanong, kilala ang lumang bahay na ito... M-May nagmumulto rito!" Walang gatol na pahayag ni Itoy.

Nagtaasan ang mga kilay ng apat at namilog ang mata. Alam kaya nina Lolo Manuel ang tsismis na 'to? naisip nila.

"Bakit, Itoy, may nakita ka na bang multo rito?" hamon ni Kiko na hindi naniniwala.

"Nakita wala... pero madalas akong makarinig ng mga yabag, halakhak ng tila baliw na babae, mahihinang taghoy ng tila nahihirapang tao mula diyan sa loob ng bahay!"

"Ows?" hindi rin makapaniwalang ani Gino.

"Oo, sumpa man!" mabilis na sagot ni Itoy na pinagkuwit ang dalawang hintuturo at animong dinuraan pa iyon. "At hindi lang iyon, may naririnig din akong mga nag-uusap na boses sa wikang hapones!"

Nagtayuan ang balahibo sa batok ni Jo nang marinig ang salitang 'hapones'. Di ba't naging kuta raw ng mga Hapones ang bahay na ito?

"E bakit kayo nagtitiyagang maging caretaker kung natatakot kayo?" tanong ni Kiko.

"Una, sayang daw ang kikitain, sabi ni Lolo. Saka marami naman kaming bakanteng oras. Isa pa, hindi naman kami sinasaktan ng mga multo..," paliwanag nito.

Huminga muna nang malalim si Itoy bago nagpatuloy. "Pero alam ba ninyong hinding-hindi kami nagpapaabot ng dilim dito ni Lolo? Tuwing umaga lang kami naglilinis ng bakuran at nagdidilig ng mga halaman tapos aalis na kami.

"At saka kahit ang ibang tao, umiiwas sa bahay na ito pagsapit nang gabi! Kailan lang, may nagsabing may mga mata raw silang nakitang nakasilip sa mga bintanang 'yan!" Itinuro pa ni Itoy ang bintanang may rehas sa ikalawang palapag.

Sa narinig na iyon ng apat, nakaramdam sila ng takot. Ginapangan sila ng kung anong lamig sa katawan. At sa kanilang isipan, may naiwang katanungan: Totoo nga kayang may nagmumulto sa lumang bahay na nabili nina Lolo Manuel?

B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na BatoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon