Kabanata 14 : HALAKHAK SA DILIM

294 12 1
                                    

GABI NA NAMAN. Madilim... Tahimik...

At sa loob ng lumang bahay, ang apat na bata lang ang naroon. Si Lolo Ambo ay biglaang sinundo ng kumpare niya upang makipaglamay sa isang kakilala nilang namatay na taga-Siniloan.

Etong si Itoy, ewan kung saan nagsuot.

Mahilig kasi itong tumakas kapag may lakad si

Lolo Ambo. At kapag nahuhuli, ayun... nakikipagpekwa lang pala sa bayan. Lagi tuloy nasesermonan.

Okey lang naman kina Gino na iwanan sila dahil hindi na sila naiilang sa bahay. At hindi na rin sila natatakot ngayon dahil ang namumuong paniwala nila'y walang hiwaga ang bahay na bato.

Na gawa-gawa lang ng tao ang mga kababalaghang nangyayari!

Malakas ang palitan ng kokak ng mga palaka sa labas at pagsagitsit ng mga kuliglig. Pero dinadaig iyon ng mga boses ng mga kabataan sa loob ng kanilang silid.

"Ang ibig mong sabihin, Gino, sina Lolo Ambo at Itoy ang pinaghihinalaan ninyo ni Kiko na may kagagawan ng mga 'hiwaga' dito?"

"Sa malamang, Boging. Ang puwede lang gumawa ng mga ganyang bagay ay 'yung kabisado ang pasikut-sikot sa malaking bahay na 'to. Kaya nakakakilos sila nang mabilis at palihim. At dalawa lang ang posibleng gumawa no'n, 'di ba?" ani Gino.

Katahimikan.

"'Di ba't sa bawat pagkakataon na may hiwagang nangyayari e narito rin sila sa bahay," habol pa ni Gino.

"Oo nga 'no!" bulalas ni Jo. "Nandito sila noong atakihin sa puso si Lola Concha at noong makita ko si Agginsood sa komedor!"

"Teka, tulog na sina Lolo at Itoy noon a!" kontra ni Boging na hindi ganap na naniniwalang ang mga ito nga ang salarin. "Saka nakita rin naman ninyo ang gayak ng dalawa na may tali pang panyo sa ulo. Mas takot pa sila kaysa sa akin a!"

"Maaaring palabas at props lang nila 'yon para mailigaw tayo. Saka puwede naman silang lumabas uli ng kuwarto, 'di ba?" ganting tanong ni Kiko sa pag-aalinlangan ng kasama.

"Nandito rin sila noong nagulo ang kusina nang wala man lang tayong narinig na kahit anong ingay. At si Itoy na rin ang biglang nagsabing si Agginsood ang may kagagawan noon," patuloy ni Gino.

"At si Itoy din nga pala ang nagwalis sa semento kaya nabura ang mga bakas na sinusundan natin patungo sa bahay..," nagkakamot ng ulong naalala ni Jo.

"Teka. Teka. Time first," awat ni Boging sa usapan na magkadikit ang nakabukang mga kamay na hawig sa letrang 'T'.

"Gusto ninyong maniwala akong si Itoy at si Lolo lang ang bumubuhat sa mabigat na rebulto mula sa salas papunta sa komedor. Tapos ibabalik ulit nila nang hindi man lang sila napapagod o pinapawisan!" hamon nito.

"Malay natin kung may kasama silang iba," kibit-balikat na sagot ni Jo pero kahit ito man ay hindi kuntento sa sinabi.

"Baka nga! Baka kakutsaba nila ang mga lalaking nakita natin sa pampang," bulalas ni Kiko.

"Saka huwag ninyong kalimutan na dalawang rebulto pala ang inukit ni Lolo Andres," paalala ni Gino. "At malakas ang kutob ko na narito rin sa bahay na ito ang isa pang rebulto ni Agginsood," dagdag pa nito.

"Pero bakit?" tanong pa rin ni Boging. "Ano ang motibo nila para takutin tayo?"

"Tinatakot nila tayo para sabihin natin kina Lola Concha na totoo ngang may maligno dito," sagot ni Kiko.

"At para huwag nang bilihin nina Lola ang bahay na ito!" habol ni Jo.

"Hindi naman sa nagiging makulit ako, pero bakit ulit ang tanong ko," pilit ni Boging.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na BatoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon