Kabanata 12 : ANG MATANDANG MANG-UUKIT

311 12 1
                                    

PAETE, LAGUNA. Iyon ang pook na pupuntahan ng B1 Gang ngayon. Karatig bayan ito ng Sta. Cruz at kilala sa pagiging creative at artistic ang mga taga-Paete. Lalo na sa larangan ng pagpinta at pag-ukit sa kahoy.

Kinulit kasi ng apat na bata si Lolo Ambo kung saan nanggaling ang rebultong Igorot. Ang sagot ng matanda'y sadyang pinaukit ng dating may-ari ng bahay ang rebulto. Pero hindi niya kilala kung sino mismo ang umukit.

Ngunit sa malamang daw, baka sa Paete inukit ang rebulto dahil iyon ang bayan ng mga mang-uukit. Hindi lang iyon. Nakahingi pa sila ng larawan ng dating may-ari ng bahay. At sa background ng larawan ay ang rebulto.

Kaya ayun, maagang nagsigising ang mga kabataan upang tuntunin sa Paete ang umukit sa estatwang Igorot at kanilang makapanayam.

Sa palengke ng Sta. Cruz, kung saan nakaparada ang mga dyip na papuntang Paete, naghanap ng masasakyan ang mga kabataan. Si Itoy ang ginawa nilang guide. Magkakatabi ang apat na taga-Maynila sa loob ng sasakyan. Pero si Itoy, napahiwalay ng upo. Katabi ito ng tsuper.

"Bakit kaya tinawag na Paete ang bayang 'yon?" ani Jo habang hawak ang buhok. Mabilis ang takbo ng dyip. Ang malakas na hangi'y sumasalpok sa kanyang mukha.

"Siguro, galing iyon sa paborito nilang ulam... sa papaitan!" sagot ni Boging na hinahaplos ang mabilog at usli niyang tiyan. Mukhang ginutom si taba sa kanyang sinabi.

"Umarangkada na naman po ang matakaw!" sabi ni Jo. Silang dalawa kasi ang magkatabi.

"Nagmula iyon, Bogs, sa salitang 'paet.' 'Yung ginagamit nila sa pag-uukit ng kahoy at hindi sa pagkain," paliwanag ni Kiko.

Saglit pa, sumigaw ang drayber. "Iyong mga bababa ng Paete... puwede na!"

Sa tapat sila ng Centerpoint, isang may kalakihang department store, bumaba. Katabi noon ang maraming magkakatabing tindahan ng mga ukit.

Kung sanay ka sa pasikut-sikot at itsura ng Maynila, parang nakarating ka na rin sa Paete. Kung hindi lang sa matataas na bundok ng Sierra Madre Mountain Range na halos nakadikit sa bayan ng Paete, hindi na masasabing probinsiya ang lugar na ito.

Dikit-dikit ang mga bahay sa magkabilang panig ng makikitid na kalye na kundi yari sa kahoy ay sa semento. Iyon nga lang ang kaibahan dito, karamihan sa mga bahay ay may silong kung saan gumagawa ang mga nag-uukit.

"Saan tayo magsisimula sa paghahanap?" tanong ni Itoy.

"Sa mga tindahan ng wood carvings," sagot ni Gino. "Sila ang pagtanungan natin."

Naki-usyoso muna ang mga bata. Pumasok sila sa isang tindahan. Bumutingting ng mga panindang naroon.

May napansin sila, mas marami pa ang mga panindang papier mache kaysa sa mga ukit na kahoy ang naka-display sa tindahan.

"Bakit ho?" tanong ni Gino sa tindera. "May log ban na kasi. Madalas na maharang sa mga check points ang mga kahoy na dinadala rito mula sa Quezon."

"Ibig sabihin ho, wala nang umuukit ng mga malalaking rebulto?" si Kiko.

"Madalang na madalang na, iho. Puslit na lang nga siguro dahil sa kakulangan ng kahoy," sagot ng tindera.

Tatangu-tango ang mga kabataan sa babae. Bumaling si Gino sa mga kasama. "Good news 'yon. Wala na palang umuukit ng rebulto kaya hindi tayo mahihirapang hanapin ang umukit ng rebulto sa bahay na bato."

Inilabas ni Jo ang litrato ng rebultong igorot. Ipinakita sa tindera. "Makikilala ba ho ninyo kung sino ang umukit kung makikita ninyo ang inukit?" tanong niya.

"Naku, mahirap 'yon, Ineng. Hindi tulad ng paintings na madaling makilala ang istilo ng gumawa. Sa pag-ukit kasi e kinokopya lang nila ang pinauukit ng kostumer.

"Lalo na ang mga malalaking rebulto na tulad niyan. Pasadya ang mga ganyan e. Isa pa, mukhang luma na 'yan. Baka patay na nga ang umukit n'yan."

"Trouble tayo! Dead end pa yata agad ang paghahanap natin," sabi ni Kiko.

"Saan ho kaya kami puwedeng magtanong tungkol sa mga umuukit ng malalaking rebulto?" pilit na tanong ni Gino sa babae.

Nag-isip ang babae. "Meron kaming community library diyan sa tabi ng health center. Baka makatulong sila sa inyo," mungkahi ng tindera na nakaturo sa isang kalsada.

"Sige po. Maraming salamat ho," paalam ng mga kabataan bago nila tinungo ang dakong itinuro ng babae.

Madaling natunton ng mga ito ang maliit na aklatan. Isang kuwarto lang ito pero komportable at maayos ang loob. Dinatnan nila roon ang isang babae; ang librarian.

"Sandali ha. Maupo muna kayo," sabi ng babae nang marinig ang sadya ng mga kabataan. Pumunta ito sa isang eskaparate at may hinanap na mga lumang magazines.

Sandali pa at bumalik ito sa grupo.

"Eto ang mga souvenir programs ng aming taunang kapistahan dito sa Paete. May mga artikulo dito ukol sa mga artists ng aming bayan. Pag-ingatan lang ninyo at luma na ang mga ito."

Pinaghatian nila ang mga babasahin. Naghari ang katahimikan sa loob ng mahigit na kalahating oras habang natuon ang atensiyon ng mga ito sa ginagawa.

"Eto! May binanggit na nag-uukit ng mga rebulto," masayang sabi ni Jo. "Isang Andres Santiago na taga-Paete Bangkusay ang humuhurma ng mga kagila-gilalas na estatwang malaki pa sa tao."

Pinaikutan ng mga binatilyo si Jo. "At eto pa ang larawan ng rebulto!" masayang sabi ni Kiko na nakaturo sa isang pahina na naninilaw na sa katandaan.

Inihambing nila ang larawan na iyon sa dala nilang litrato. Pareho nga!

"Okey!" nakangiting bulalas ni Gino. "Buhay na naman ang trail natin!"

"Pero paano kung patay na nga si Mang Andres?" tanong ni Itoy sa grupo. "Lumang-luma na 'tong magasin a. Mukhang ten years ago na!""

"Itoy, huwag kang negative thinker," payo ni Boging. "Ang sikreto ng matatagumpay na tao, tulad ng mga mahuhusay na investigative journalists, ay ang pagiging positive thinker nila."

Nagtanguan sina Gino sa pagsang-ayon sa sinabi ni tabatsoy. "Ngayon lang ako bumilib sa sinabi mo, 'tsong!" sabi ni Jo na nakataas pa ang hinlalaki ng kanang kamay na parang si Pres. Ramos: Approved, 'ika niya.

Muli silang humingi ng direksiyon sa librarian kung paano mapupuntahan ang bahay ni Mang Andres.

Makaraan ng mga sampung minutong paglalakad ay narating nila ang bahay nito. Dalawang palapag ang bahay. Semento ang ibaba. Tabla ang itaas. Luma na ito't bakbak na ang pintura sa labas.

"Dito ba nakatira si Mang Andres Santiago?" Si Gino ang nagtanong sa dalagitang nagbukas ng pintuan.

"Mang Andres...? Baka si Lolo Andres?" "Si Lolo Andres mo ba e mang-uukit ng rebultong kahoy?" tanong naman ni Jo.

"A oo!" sagot agad ng tinanong.

"Siya na nga ang hinahanap namin. Narito ba siya? Puwede ba siyang makausap?" sunud-sunod na tanong ni Kiko.

"Naku, wala na si Lolo. Nasa itaas na siya," medyo huminang sabi ng dalagita.

"Ano?! Patay na si Lolo Andres! Pero hindi siya puwedeng mamatay... siya lang ang tanging lead namin sa mahiwagang rebulto," bulalas ni Boging na daig pa ang pinagsamang drama ng mag-inang Nora Aunor at Ian de Leon.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na BatoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon