ALAS KUWATRO nang madaling araw ay parang mga aso't pusang naghahabulan sa kalye ang Praning Boys at ang apat na kabataang bumubuo sa B1 Gang.
Habulan time!
Mabilis na nakasunod ang apat na lalaki sa mga kabataan. Nakalabas na sila sa tarangkahan at ngayo'y papaakyat sa tulay.
"Bilisan n'yo!" sigaw ni Gino kina Kiko, Boging at Jo.
Sabihin nang babae at bulinggit si Jo, pero mabilis itong tatakbo. Ilang distansiya lang ang layo nito mula sa likuran ni Gino.
"Bumalik kayo rito, hoy!" sigaw ng pinuno ng Praning Boys.
"Ano kami, bale? Babalik sa inyo!" hiyaw ni Jo. At nagawa pa nitong bumelat sa limang lalaking humahabol.
Ang habulan nila'y dumako sa peryahan. Doon lumusot ang apat na bata. At dahil bisperas ng piyesta, makapal ang taong naroon. Nagkahiwa-hiwalay tuloy ng landas ang apat.
Takbo rito, takbo roon. Kaya nabulabog ang mga tao sa perya. Nabubunggo nila. Nababalya. Nasasaktan. Ang iba'y nagtatakang nakatingin sa kanila. Ang iba'y galit na galit.
Hinahabol si Gino ng pinuno ng Praning Boys. Paikut-ikot sila sa Carousel. Hindi sila nagpapang-abot. Para silang nagpapatintero na hindi magkahulihan.
"Sasakalin kita kapag inabutan kita!" mapaklang sabi ng lalaki na nanggigigil kay Gino.
"Gawin mo, huwag mong sabihin!" hamon ni Gino. At doo'y binirahan niya ng takbo patungo sa gawi ng octopus.
Si Jo naman ay hinahabol ni duling. Tuluy-tuloy na tumakbo si taray papasok sa booth ni Dyesebel, ang babaing isda. Nagulo ang maraming tao sa loob.
"EEEEE!" malakas na sigaw ng mga babaing naroon.
At nagtakbuhan ang mga nanonood palabas ng booth. Tatlo na lamang ang naiwan. Ang naghahabulang sina Jo at Duling. Isama na rin natin si Dyesebel na nasa artificial pool. Galit na nakatingin sa kanila ang babaing isda.
"Kayong dalawa, anong ginagawa n'yo rito?" sita sa kanila ng sirena.
Sinagot ni Jo ang tanong ng babaing isda. "Pasensiya na, Dyesebel. Eto kasing si duling... hinahabol ako!"
Paikut-ikot ang dalawa sa loob.
"Ibibitin kita nang patiwarik pag nahuli kita!"
"Kung kaya mo!" pang-aasar ni Jo. Maliksing tinalon ni Jo ang isang kahoy na nakausli sa itaas ng kisame sa itaas ng artificial pool. Naglambitin ito.
Pilit siyang inaabot ni duling. Ang paa ng lalaki'y nakatuntong sa gilid ng artificial pool nang mawalan ito ng panimbang.
Naku! Nahulog si duling sa tubig. Paharap na lumagpak sa kinaroroonan ni Dyesebel. Talsikan ang tubig.
"Wow! Ang kinis! Ang puti!" Lalong naduling ang loko nang mapasubsob ang mukha nito sa dibdib ng sirena.
"Bastos!" Nagalit ang babaing isda. At nagpakawala ng magkakamag-anak na sampal sa mukha ni Duling.
"Aray! Aray!! Aray!!!" Bumunghalit nang tawa si Jo.
Sa galit ng sirena, naging tao ito. Hindi kababalaghan ang nangyari. Ganito iyon... tinanggal ni Dyesebel ang nakasuklob sa kanyang mga hita. Ang pekeng buntot ng isda na yari sa goma na tulad ng ginagamit sa pelikula. Pagkuwa'y tumayo na ito at naglakad nang naka-two piece bathing suit.
"Mga buwiset! Sinira n'yo ang palabas ko!" nanggagalaiting singhal ni Dyesebel bago ito tuluyang lumabas ng booth.
Napatanga sina Jo at Duling.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na Bato
Teen FictionRebultong naglalakad? Iyan ang nakakagulat na pahayag ng lola nina Gino at Jo. Mahiwaga raw ang malaking rebulto ng Igorot na nasa lumang bahay na nabili ng mga ito sa Sta.Cruz, Laguna. Ayaw na tuloy tumuntong ng lola nila sa bahay na bato dahil sa...