“MABUTI na lang napadaan kayo, akala ko maglalakad na kami hanggang sa amin,” narinig ni Ivan na sabi ng kasamang babae ni Samara. Naalala niyang ito si Telai, ito rin ang kasa-kasama palagi ni Samara noon.
“Hindi na sana kayo umalis sa complex kanina, para hindi na kayo napagod,” sabi niya habang nagmamaneho.
“Kumusta na, Telai?” tanong ni Melvin sa babae.
“Heto, maganda pa rin,” sagot ni Telai na sinundan pa nito ng tawa.
Sinulyapan niya ang rearview mirror at nakita niyang walang kaimik-imik si Samara. Kagat-kagat nito ang ibabang labi habang bahagyang nakayuko. Wala pa ring ipinagbago ang babae, tahimik pa rin ito. “Natatandaan mo pa ba kami, Sam?” hindi nakatiis na tanong niya rito.
Nag-angat ng tingin ang dalaga. “Oo naman,” sabi nito, saka ngumiti nang matipid.
“Hindi ba ikaw 'yong kumanta kanina?” tanong uli niya.
“Oo,” tugon nito na marahan pang tumango.
“Panalo ang boses, 'di ba?” sabad ni Telai.
“Yeah. Wala kasi siyang suot na eyeglasses kanina kaya hindi ko kaagad siya nakilala,” aniya na muling sinulyapan sa salamin si Samara. Nakatingin din ito sa salamin pero agad ding nag-iwas nang ngitian niya.
“Saan nga pala kayo nagtatrabaho ngayon?” tanong ni Melvin.
“Dito lang. Teacher kami diyan sa elementary school. Kayo, saan na kayo ngayon?” usisa ni Telai.
“Dito lang din ako,” ani Melvin. “Ako ngayon ang nagma-manage ng piggery namin. Itong si Ivan naman, doon sa Manila.”
“Ano’ng trabaho mo ro’n?” tanong sa kanya ni Telai.
“Nasa printing company ako,” sagot ni Ivan, saka muling sinulyapan si Samara. “Umuwi lang ako dito para doon sa beauty contest at saka nagbabaka-sakali ring matagpuan ko rito 'yong hinahanap ko.”
“Hinahanap na ano?” nakakunot-noong tanong ni Telai.
“May ilo-launch kasi kami na bagong magazine, naghahanap ako ng cover girl. New discovery kasi ang gusto ng boss ko, eh,” paliwanag niya.
Napatango-tango si Telai.
“Ikaw, Sam, baka interesado ka,” sabi niya.
Nag-angat uli ito ng tingin. “A-ako?”
Tumango siya at nakangiting tiningnan ito sa salamin. Nakita niya ang marahang pag-iling nito.
“Wala naman akong alam sa pagko-cover girl,” mahinang sabi nito.
Hindi na siya umimik. Patuloy na nag-usap sina Melvin at Telai. Hanggang sa makarating sila sa bahay nina Sam ay hindi na nagsalita ang babae. Pagdating doon ay inasikaso na ng dalaga ang mga bisita kaya hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong lapitan at muling kausapin ito. Si Rafael at ang mga magulang nito ang nag-estima sa kanila ng pinsan niya.
*****
“DID YOU see the pictures?” tanong ni Ivan kay Wynona nang tawagan niya ito. Pagkagaling niya sa mga Benitez ay agad niyang i-s-in-ave sa laptop ang mga litrato ni Samara, pagkatapos ay ipinadala iyon sa e-mail address nina Kara at Wynona. I-t-in-ext niya ang dalawa na may mga litrato pa siyang ipinadala at pagkalipas nga ng mga beinte minutos ay tinawagan niya si Wynona.
“Yes, maganda siya,” sagot ni Wynona. “May mga pinagpipilian na rin kami doon sa nauna mong ipinadalang pictures. Contestant din ba siya? Parang magkahawig sila n’ong contestant number twelve, 'yong Mira.”
BINABASA MO ANG
❤Finding Samara (COMPLETED; Published under PHR)
Romance"Sana ang puso katulad ng kotse na puwedeng mag-detour. Para kapag nahihirapan nang dumaan sa highway, puwedeng umiwas." Desperado na si Ivan na makakita ng perpektong modelo para sa bagong magazine na ilo-launch ng kanilang kompanya. Ilang baguhang...