Chapter 2

5.7K 122 1
                                    

"ANO KAYA'NG nangyari sa talent competition ni Mira?" tanong ni Samara habang ibinabalik nila sa bookshelf ang mga librong katatapos lang nilang balutan ng plastic cover.


Bakasyon na at sinamantala nila iyon upang ayusin ang mga libro sa library ng Mababang Paaralan ng Del Pilar. Isa siya sa mga teacher na nag-volunteer para gawin iyon. Tatlong taon na siyang nagtuturo doon sa mga grade three student.

"Hindi ka sumama ro'n, 'tapos ngayon mag-iisip ka," sabi sa kanya ng matalik niyang kaibigan na si Telai.

"Nakapangako kasi ako kay Ma'am Barizo na tutulong ako dito ngayon. Kunsabagay, tiyak namang kukunan ni Kuya ng video si Mira."

Tumawa si Telai. "Alalang-alala ka kasi ikaw ang nagturo kay Mira ng sasayawin niya."

Napangiti siya sa sinabi nito.

"Bakit ba hindi ka rin sumasali sa mga beauty contest?" suhestiyon pa nito. "Maganda ka rin naman, matalino, at may talent."

"Tigilan mo ako. Para ka ring sila Inay, eh."

"Isa lang ang wala sa 'yo," patuloy na sabi nito at napailing. "Self-confidence!"

Hindi umimik si Samara. Marahil nga ay tama si Telai. Kulang nga siya ng kompiyansa sa sarili. Mahina kasi talaga ang loob niya sa mga ganoong bagay.

"At saka matuto kang mag-ayos! Pumapasok ka nang nakapolbo lang. Lagyan mo kaya ng kaunting kulay ang mukha mo. At saka alisin mo 'yang eyeglasses mo, nagmumukha kang manang diyan, eh."

"Malabo nga ang mga mata ko, 'di ba?" katwiran niya.

"Kaya nga naimbento ang contact lens, eh. Hay, naku!"

Sasagot pa sana siya pero narinig niya ang pagtawag ng kasamahan nilang guro na si Rizza.

"Telai, Sam, halina kayo! Bukas na natin ituloy iyan. Umuwi na tayo!"

Tinapos na nila ang paglalagay ng ilan pang mga libro sa shelf bago sila sumunod kay Rizza. Pagkatapos kunin ang kanilang bag at payong ay umalis na sila. Hindi naman gaanong malayo sa eskuwelahan ang bahay nila kaya naglakad na lamang sila. Bukod sa magkasama sa trabaho, magkapitbahay rin sila ni Telai.

"Siyanga pala, may ipinapatanong si Sir Leo," sabi ni Telai habang naglalakad sila. "Ano na raw ba'ng lagay niya sa 'yo?"

Hindi siya umimik. Si Leo ay tulad din nilang teacher at nag-iisa niyang masugid na manliligaw.

"Hoy, ano? Wala ba talagang pag-asa?"

"Telai!"

Pilyang ngumiti ito. "Hindi ka ba naaawa do'n sa tao? Aba'y isang taon na siyang nanliligaw sa 'yo."

"Ilang beses ko na kasing sinabing tumigil na siya, eh," pairap na sabi niya.

"Bakit ba ayaw mo kay Sir? Mabait naman 'yong tao."

"Para ko na kayang tatay 'yon. Alam mo namang limang taon lang ang tanda sa kanya ni Itay, eh. Kilabutan ka nga!"

Napabunghalit ng tawa si Telai. "Ikaw kasi mukha kang manang kaya hayan, mga tanders at biyudo ang nanliligaw sa 'yo."

Pinaikot niya ang kanyang mga mata. "Puwede ba, tumigil ka na. Pagod ako, wala ako sa mood."

Hindi na nga ito nagsalita pero ngingiti-ngiti pa rin.



*****

"KUMUSTA ang pagsasayaw mo?" tanong ni Samara kay Mira. Naabutan niya ito at ang buong pamilya nila sa sala. Nagme-merienda ang mga ito habang nakikinig sa kuwento ni Mira. Mukhang kauuwi lang din ng mga ito buhat sa sports complex.

❤Finding Samara (COMPLETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon