Chapter 5

5.1K 118 0
                                    

MAAGANG umuwi si Ivan mula sa trabaho. Agad siyang dumeretso sa bahay ng mga magulang niya para makita si Samara. Pagdating doon ay ang mga magulang lang niya ang naabutan niya. Naiinip na tiningnan niya ang suot na relos. Mag-aalas-sais na pero hindi pa dumarating sina Eunice at Sam. Nang tawagan niya ang kapatid kanina ay sinabi nitong pauwi na ang mga ito mula sa mall.

“Bakit ba hindi ka mapalagay diyan?” tila hindi nakatiis na tanong ng mama niya.

Kanina pa siya hindi mapakali kaya panay ang tayo at upo niya sa sofa sa sala. Naroon din ang mga magulang niya at kasalukuyang naglalaro ng chess, ang paboritong libangan ng mga ito.

Muli siyang naupo sa sofa. “Ang tagal kasi nila Eunice.”

“Ganoon naman talaga ang mga babae, 'di ba? Kung minsan ay halos tumira na sa mga parlor o sa mall,” nangingiting sabi ng kanyang papa. “Ano ba’ng problema?”

“Kailangan kong siguruhing ready na si Sam, lalo pa’t sasama sa amin si Kara bukas patungo sa Bicol,” tugon niya.

Kumunot ang noo ng papa niya. “Bicol? Hindi ba ang sabi mo ay sa La Union kayo pupunta?”

Napakibit-balikat siya. “Kapag si Kara ang boss mo, hindi na nakakagulat kung sa last minute ay biglang magbabago ang plano.”

Umiling ang kanyang mama. “Kung sana, tinutulungan mo na lang kami ng papa mo sa negosyo, wala ka sanang aalalahanin na ganyang klase ng boss.”

Hindi siya umimik. Matagal na siyang kinukulit ng kanyang ina na tumigil sa pagtatrabaho at mag-concentrate na lamang sa kanilang negosyo pero ayaw niya.

“Amelia,” saway ng papa niya sa mama niya.

“Bakit?” patay-malisyang tanong ng mama niya.

“Tigilan mo na nga 'yan. Hayaan mo ang mga anak mong magdesisyon para sa sarili nila. Hindi naman basta mawawala ang negosyo natin. Kahit anong oras ay puwede silang mag-take over doon kapag handa na sila,” sabi naman ng papa niya.

Napabuntong-hininga ang ginang. “Siya, magkampihan na naman kayong mag-ama.”

Nakangiting kinindatan ni Ivan ang papa niya. Iyon ang gusto niya rito, nakasuporta ito sa anumang gusto nilang magkakapatid. Napaayos siya ng upo nang may marinig na dumating na sasakyan.

“'Andiyan na yata sina Sam,” sabi ng papa niya.

Tumayo siya at naglakad patungo sa pinto. Pero nakakailang hakbang pa lang siya ay bigla siyang napatda. Pumasok sa pinto si Eunice at kasunod nito si Sam. Naitanong niya sa sarili kung si Samara Benitez nga ba ang nakikita niya. Hindi na wavy ang buhok nito, sa halip ay tuwid na tuwid na iyon. Hindi rin nito suot ang mga salamin nito sa mata. She was wearing light makeup which was just enough to enhance her beauty. Nakasuot ito ng turtle-necked sleeveless blouse at maong na shorts na nagpalabas sa magagandang hita nito.

“Dyaraa—n!” malakas na sabi ni Eunice. “So, Kuya, ano’ng masasabi mo?”

Hindi makaimik si Ivan. Titig na titig lang siya sa mukha ni Sam. Sa ayos nitong iyon ay lalong lumutang ang ganda nito kaysa noong makita niya itong kumakanta sa Del Pilar.

“You look so beautiful, hija,” sabi ng papa niya na nakatayo rin at nakatingin sa dalaga.

“Ano ba’ng sinasabi mong beautiful? She’s stunning!” pagtatama naman ng mama niya. Pumalatak pa ito.

Napatingin siya sa kanyang ina. Noon lang niya ito narinig na pinuri ang isang babae. Sila lamang magkakapatid ang nakakarinig ng ganoong klaseng papuri mula sa ina.

Nilapitan ng mama niya si Sam at tiningnang mabuti, saka siya nakangiting binalingan. “Hindi na ako nagtataka kung bakit siya ang nagustuhan ni Kara.”

❤Finding Samara (COMPLETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon