MAGKAHALONG kaba at excitement ang nararamdaman ni Sam habang nasa daan sila ni Ivan patungo sa Corona Tower. Doon sila hihintayin ng iba pa nilang mga makakasama sa pagpunta ng Calaguas Island sa Camarines Norte.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Ivan.
Tiningnan niya ito.
“Kanina ka pa tahimik,” dagdag nito.
“Naalala ko kasi 'yong unang beses na nakita ako nina Ma’am Kara. Nakakahiya talaga ang ayos ko no’n.” Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi mawala sa isip niya kung paano siya noon tiningnan ni Kara.
Ngumiti si Ivan at hinawakan nito ang kamay niya na nakapatong sa kanyang hita. “Relax, you’ll be fine. Tiyak na matutuwa si Kara kapag nakita ka niya.”
Pinilit niyang ngumiti. “Sana nga.”
Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa Corona Tower. Nasa labas na ng gusali sina Wynona at iba pang staff na makakasama nila. Isinasakay na ng mga ito ang mga gamit sa dalawang van. Ayon kay Ivan ay magko-convoy sila patungo sa Bicol. Magkasabay silang bumaba mula sa Honda CR-V ng binata.
“Mabuti naman at dumating na kayo. Inihahanda—” Napahinto sa pagsasalita si Wynona nang dumako ang mga mata nito sa kanya. “Oh, my God!” Pumalatak pa ito at tumingin kay Ivan.
“Si Samara 'yan,” nangingiting sabi ni Ivan.
Tiningnan uli siya ni Wynona. “Wala akong masabi, Ivan.”
Nangingiting nagkatinginan sila ng binata. Napansin niyang nakatingin din sa kanya ang iba pang mga kasamahan ni Ivan. Mababakas sa mga ito ang pagkagulat sa nakitang pagbabago niya.
“Ang ganda mo, girl,” sabi sa kanya ni Andy. “Tiyak na nganga si Ma’am Kara kapag nakita ka.”
“Nasaan na nga pala si Kara?” tanong ni Ivan. “I thought six o’clock ang departure time natin.”
“Nasa itaas pa, pababa na rin iyon,” tugon ni Wynona.
Ilang sandali pa ay nakita na nila si Kara na papalabas ng building. Nakasunod dito ang alalay nito na may bitbit ng bag nito.
“Are you guys ready?” tanong nito nang makalapit sa kanila. Nang mabaling ang tingin nito sa kanya ay bahagyang napaawang ang bibig nito.
Naramdaman niya ang mahinang pagsiko sa kanya ni Andy. Nang tingnan niya ito ay nakita niya ang pilyang ngiti nito. Hindi rin niya mapigilan ang mapangiti.
Hinagod uli siya ni Kara ng tingin. Pero hindi gaya ng ekspresyon nito noon, halatang natuwa ito sa nakita nito ngayon. “Well, kung okay na kayo, umalis na tayo. We should be at Paracale before eight tomorrow morning. Hihintayin tayo sa port ng mga bangka na maghahatid sa atin sa isla.”
Bumalik na sila ni Ivan sa sasakyan. Kasunod nila si Andy at ang isa pang katrabaho ng binata na si Miggy; sa kanila sasabay ang dalawa. Magkatabi sila ni Andy sa backseat at sila Ivan at Miggy naman ang nasa unahan.
****
NAGISING si Sam nang maramdaman ang mahinang yugyog sa kanyang mga balikat. Pagdilat niya ay si Ivan ang nakita niya. Napatingin siya sa kanyang tabi, wala na roon si Andy.
“Nasaan na tayo?” tanong niya sa binata.“'Andito na tayo sa Paracale,” sagot ni Ivan.
Tiningnan niya ang suot na relos. Alas-sais na ng umaga. “Kanina pa ba tayo nakarating dito? Sina Andy?”
“Mga around five yata tayo nakarating dito. Kasama nila Wynona si Andy, naglilibot dito sa bayan. Mamimili na rin sila ng supplies natin. Halika na, mag-almusal ka na.”
Walang kibong bumaba siya ng sasakyan at sumunod sa lalaki. Pumasok sila sa isang maliit na karinderya. Naabutan nila roon sina Kara na nag-aalmusal.
BINABASA MO ANG
❤Finding Samara (COMPLETED; Published under PHR)
Romance"Sana ang puso katulad ng kotse na puwedeng mag-detour. Para kapag nahihirapan nang dumaan sa highway, puwedeng umiwas." Desperado na si Ivan na makakita ng perpektong modelo para sa bagong magazine na ilo-launch ng kanilang kompanya. Ilang baguhang...