Chapter 9

5.3K 111 1
                                    

ABALA sina Samara at Mrs. Quintela sa pagluluto. Wala siyang ginagawa kaya naisip niyang tulungan ang ginang sa paghahanda ng tanghalian nila.

"Nakakatuwa ka naman, magaling ka pa lang magluto," ani Mrs. Quintela habang pinapanood siya sa pagluluto ng beef casserole. "Sina Tiffany, kahit paghihiwa ng karne o paglilinis ng isda, hindi marunong."

"Bata pa po ako ay tinuruan na ako ni Inay na magluto," nakangiting sabi niya.

"Tinuruan ko rin sina Tiffany at Eunice, hindi nga lang sila natuto. Mabuti pa nga si Ivan kahit pa'no natuto."

Napatingin siya rito. "Marunong pong magluto si Ivan?"

"Oo. Kapag nandito siya, siya ang katulong ko sa pagluluto. Kaya lang, bihira siyang umuwi rito."

Hindi siya umimik.

"Mabuti nga ngayon kahit papaano dito siya tumutuloy. Kung hindi ka pa dumating, siguro hindi rin siya palaging nandito. Mula kasi nang magkaroon siya ng sariling condo, once a week na lang kung umuwi siya sa amin. Bago ka nga dumating dito, halos isang buwan siyang hindi dumalaw, eh."

"Busy ho kasi siya sa office."

Magsasalita pa sana si Mrs. Quintela nang may magsalita mula sa pintuan ng kusina.

"Good morning, Tita!"

Magkasabay silang napalingon ng ginang sa pinto. Nakatayo roon si Atasha at may dala-dalang kahon at dalawang shopping bag. Wala pa ring ipinagbago ang mukha ng babae. Sa katunayan ay lalo pa nga itong gumanda.

"Atasha, kailan ka pa dumating?" tanong ni Mrs. Quintela.

Lumapit si Atasha at hinagkan ang ginang sa pisngi. "Kagabi lang po."

"Kumusta ang show mo sa Paris?"

"Okay naman po. Nakakapagod pero enjoy din naman. Kumusta po kayo?" nakangiti pa ring tanong ni Atasha.

"Maayos naman kami. Anyway, si Sam nga pala," pakilala sa kanya ni Mrs. Quintela na tiningnan pa siya.

Pinilit niyang ngumiti. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin niya. Paano nga ba niya pakikiharapan ang babaeng ito.

"Do you still remember her?" dagdag pa ni Mrs. Quintela.

Tiningnan siya ni Atasha. Hindi nakaligtas sa kanya ang mapanuring tingin nito. Pagkatapos ay binalingan nito ang ginang. "Of course, Tita, I remember her," nakangiting sabi nito.

Napapihit si Samara at ibinalik ang pansin sa niluluto. Hindi niya kayang tingnan nang matagal si Atasha. Nadarama niya ang bumabangong galit sa dibdib niya para dito.

"Siya 'yong kapatid ni Rafael na nilolokong weirdo ng mga kaeskuwela namin. Pero tingnan mo nga naman, ang laki na ng ipinagbago niya," sabi ni Atasha.

"Oo nga, ang ganda-ganda na niya, 'di ba?" puri sa kanya ni Mrs. Quintela.

Nilingon niya si Atasha upang makita ang ekspresyon nito sa sinabi ng ginang. Nakita niya ang plastic na ngiti nito habang tumatango.

"Pasalubong ko nga pala para sa inyo ni Tito." Iniabot ni Atasha sa ginang ang mga shopping bag. "At saka nagdala rin po ako ng cake."

"Naku, hija, nag-abala ka pa."

"Naalala ko ho kasi kayo no'ng makita ko 'yang bag na iyan sa Paris," sabi ni Atasha na lalo pang pinalambing ang boses.

"Sandali at iaakyat ko muna ito. Sam, ikaw na muna ang bahala sa niluluto natin," ani Mrs. Quintela.

"Opo," matipid na sagot niya. Pagkaalis ng ginang ay naramdaman niya ang paglapit ni Atasha sa kanya. Tumigil ito malapit sa kanya.

"Tingnan mo nga naman ang nagagawa ng makeup. Akalain mong nabago ang hitsura mo," nang-iinsultong sabi nito.

❤Finding Samara (COMPLETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon