MAAGANG umuwi mula sa review center si Trinity. Pagdating niya sa bahay ay nagmamadali siyang naligo at nagbihis. Maong na shorts at puting t-shirt ang isinuot niya. Binitbit niya ang bag bago siya lumabas ng silid.
“Ate, pakisabi po kina Tita may pinuntahan lang ako sandali. Babalik rin ho agad ako before dinner,” aniya sa katulong na nakasalubong.
Ginamit niya ang bike ni Zyra at muling nagbalik sa bahay na nakita niya noong Linggo. Gandang-ganda talaga siya doon kaya naisip niyang i-drawing iyon at lagyan ng kulay. Nasa kanyang bag ang binili niyang drawing materials kanina bago siya umuwi.
Wala pang gate ang bahay kaya hindi siya nahirapan sa pagpasok. At wala rin namang bahay na malapit dito kasi nasa dulo na nga ito kaya wala naman sigurong sisita sa kanya sa pagpasok niya sa bakurang ito.
Inilalabas niya ang kanyang mga gamit nang tumunog ang cellphone niya, dinukot niya iyon mula sa bulsa.“Where are you?” agad na tanong ni Candy na siyang nasa kabilang linya.
“Andito sa bahay, why?” pagsisinungaling niya.
“Gusto mo bang sumama sa Laguna, punta tayo sa Enchanted Kingdom.”
“Ha? Hindi ba’t may pasok ka bukas?”
“Yup, pero hapon pa naman ‘yun eh.”
Gusto niyang mapailing sa katwiran nito. “Ikaw talaga, kaya pa madalas kang mapagalitan ng Kuya mo eh. Masyado kasing matigas ‘yang ulo mo.”
“Pati ba naman ikaw eh kontra-bida na ngayon?”
Bahagya siyang napatawa sa sinabi nito.
“Ano sasama ka ba sa amin? Sige na, mga classmate ko ang kasama ko. Cool rin ang mga ‘yun.”
“Hindi ako pwede eh. Bukod sa may review ako ng eight o’clock bukas ng umaga, wala sina Tito at Tita kaya hindi ako makakapagpaalam.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Sige na nga! Good luck na lang sa pagrereview mo.”
“Okey. Mag-iingat kayo ha at saka magpaalam ka muna sa Kuya mo.”
“Yeah right, para hindi ako makatuloy sa gimik namin. Sige bye na at magbibihis pa ako.”
Nawala na sa kabilang linya ang babae. Pagkatapos ibulsa ang cellphone ay tiningnan niya ang suot na relos, mag-aalas singko na. Napakamot siya sa ulo, isang oras at mahigit na lang ang oras para mai-drawing niya ang bahay.
Hindi na bali, sketch ko na lang muna ng mabilisan. Babalik na lang ako rito bukas, nasabi niya sa sarili bago sinimulan ang pag-guhit.
Eksaktong alas sais ay naisilid na niya sa kanyang bag ang mga gamit niya. Papalabas na siya ng bakuran sakay ng bisekleta nang may sumalubong sa kanyang itin na sasakyan.
Napatigil siya. Pakiramdam niya ay biglang nanlamig ang kanyang katawan nang maisip na baka ito ang may-ari ng bahay.
Bumaba ang nagmamaneho ng F150.
“Ikaw? Ano’ng ginagawa mo rito?” agad na kumulo ang dugo niya nang makilala ito.“I think ako dapat ang nagtatanong niyan sa’yo. Ano’ng ginagawa mo rito sa bahay ko?” tanong ng lalaking kahawig ni Brad Pitt na siya ring dahilan kung bakit tatlong araw nang may pasa ang isa niyang tuhod.
“Sa’yo ang bahay na ito?”
“Sasabihin ko bang sa akin ‘yan kung hindi naman?” papilosopong sabi nito. “Ano’ng ginagawa mo rito?”
Titig na titig sa kanya ang lalaki, napaiwas naman siya ng tingin dito. She silently cursed. Bakit ba naman kasi sa dinami-dami ng tao ay ang lalaking kinabibwisitan pa niya ang nagkataong owner ng bahay na ito.
“N-napadaan lang ako.”
BINABASA MO ANG
❤Finally Love Has Come My Way (COMPELETED; Published under PHR)
RomanceFor Harvey Cuevas, isang malaking sakit ng ulo si Trinity Punzalan. Kahit pa ba saksakan ng ganda ang babae, ito naman ang dahilan kung bakit lalong lumaki ang problema niya sa kapatid. Konsumisyon na nga noon ang kapatid niya, lalo pang nadagdagan...