Chapter 8

6.1K 140 2
                                    

NAPAHINGA si Trinity nang malalim habang tinitingnan ang canvass na nasa kanyang harapan. Tatlong araw lamang niyang ipininta ang bahay na ipinagawa ni Harvey, ito ang kauna-unahang beses na nakatapos siyang mag-paint sa loob lamang ng napakaikling panahon.

Iba talaga kapag inspired, napangiti siya sa naisip niyang iyon.

Inaayos niya ang kanyang mga paint brush at watercolors nang dumating si Zyra buhat sa eskwelahan.

“Hindi ka pumasok sa review center?” tanong nito habang naghahanap ng damit sa cabinet.

“Wala kaming pasok, mag-self review daw muna kami kasi next week na ang pre-board namin.”

Napatango-tango ito. Nahagip ng mga mata nito ang painting na ginawa niya. Napalapit dito ang babae at kunot-noong tinitigan ito.

“Parang nakita ko na ang bahay na ito somewhere.”

Sinulyapan niya ang babae pero hindi siya nagsalita.

“Alam ko na! Ito ‘yung bahay na pinagawa ni Kuya Harvey ‘di ba?”

Tumango siya.

“Ano nga pala ‘yung pinag-usapan ninyo ni Kuya Harvey noong isang araw, n’ung andun tayo sa resort?”

Napatingin siya rito. “Ha?”

“Nakita raw kayo ni Luis na naglalakad n’ung Saturday night, mukhang seryoso daw ang pinag-uusapan ninyo.”

Napalunok siya. “Ahm, tinanong ko lang siya kung bakit hindi niya isinama si Candy.”

Nakita niya ang pagtaas ng kilay ng babae. Napaiwas siya ng tingin.
“Ang tagal daw ninyong magkasama eh, don’t tell me iyon lang ang pinag-usapan ninyo.”

“Iyon lang naman talaga eh,” aniya na kunwari ay patay-malisya.

Hindi kumibo si Zyra. Pagkatapos niyang ilagay sa cabinet ang mga painting materials niya ay nagtungo siya sa banyo para maghugas ng kamay.

“Eh bakit ang sabi ni Luis parang nag-kiss daw kayo.”

Natigilan siya, dama niya ang biglang pagbilis ng pintig ng kanyang dibdib. Napahinga siya ng malalim.
Relax ka lang, Trinity. Malay mo ba kung nanghuhuli lang ang pinsan mong ‘yan, alam mo namang may pagka-luka-luka ang pinsan mong iyan eh, bulong niya sa sarili.

Tinapos niya ang paghuhugas ng kamay at saka lumabas ng banyo. “Nagpapaniwala ka naman kay Luis, alam mo namang may sira rin iyon katulad mo.”

Nagkibit-balikat lang ang babae.

“Kukuha muna ako ng meryenda sa ibaba, nagugutom na ako eh,” aniya bago lumabas ng silid.

Kalalabas lang niya ng silid nang eksakto namang tumunog ang cellphone niya. Dinampot iyon ni Zyra mula sa kanilang study table, napataas ang kilay nito nang makita kung sino ang tumatawag.

“Hello,” ani Zyra.

“Hi, Gorgeous. How was your day?” tanong ni Harvey.

Lalong napataas ang kilay ni Zyra. Naisip nitong huwag sabihin sa lalaki na hindi siya ang kausap nito. Tutal ay medyo magkaboses naman sila naisip nitong magpanggap na siya, hindi naman siguro mahahalata ito ni Harvey.

“Okey lang, katatapos ko lang mag-review. How about you?” sagot ng pinsan niya.

“Nakakapagod dito sa opisina pero siguro kapag nakita kita mawawala na ito. Puwede ba tayong magkita tonight? Mag-dinner tayo.”

“Okey, sunduin mo ako dito sa bahay.”

“Great. I’ll be there before seven, okey ba ‘yun?”

❤Finally Love Has Come My Way (COMPELETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon