NAG-AALMUSAL na sila ni Aira nang bumaba si Candy, bihis na bihis na ito para sa pagpasok sa eskwela.
“Good morning,” masiglang bati nito bago naupo sa harap ng hapag para saluhan sila.
Huminto siya sa pagkain at tiningnan lang ang babae. Hinihintay kasi niyang ito ang maunang magsalita at humingi ng paumanhin sa hindi nito pagtupad sa usapan.
“Saan ka ba nanggaling kagabi?” tanong niya nang makaraan ang ilang sandali na hindi pa rin nagsalita si Candy.
“Gumimik, ipinagpaalam naman ako sa’yo ni Ate Eden ‘di ba?”
Magsasalita sana siya nang tumayo naman si Aira at dinampot ang mga librong ipinatong nito sa lamesa kanina bago kumain.
“Papasok na ako, Kuya,” sabi ni Aira.
“Hintayin mo na ako, sabay na tayong pumasok,” ani Candy na bumilis ang pagsubo.
“Maiwan ka rito, mag-uusap pa tayo,” aniya dito bago binalingan ang bunsong kapatid. “Sige na Aira, mauna ka ng pumasok.”
Tumango naman si Aira at tumalikod na.
“Kuya, mamaya na natin pag-usapan ang kung anumang sasabihin mo,” ani Candy. Tinungga nito ang juice at akma na sanang tatayo.
“Ngayon tayo mag-uusap,” matigas na sabi niya.
“Pero Kuya mali-late na ako sa klase ko.”
"Kasalanan mo ‘yun. Kung hindi ka sana nagpuyat hindi ka tatanghaliin ng gising. Maupo ka diyan, hindi ka aalis hanggat hindi tayo natatapos mag-usap,” puno ng awtoridad na sabi niya sa kapatid.
Napabuntong-hininga si Candy. “Ano ba kasi ang sasabihin mo?”
“Anong oras ang sinabi sa’yo ng Ate Eden mo na time na dapat narito ka na sa bahay?”
“One or two o’clock,” bakas ang pagkayamot sa tinig nito.
“At anong oras ka umuwi?”
Sasagot pa lang sana ito pero inunahan rin niya agad ang babae.
“Huwag kang magkakamaling magsinungaling, alam kong hindi ka dumating sa oras na sinabi kong pag-uwi mo. Alas tres na ako nakatulog sa paghihintay sa’yo.”Napayuko ito.
“Anong oras ka dumating kanina?”
“Quarter to four,” mahinang sabi nito.
Napailing siya. “Alam mo bang iyan ang dahilan kung bakit halos ayaw kitang payagan kapag nagpapaalam ka. The problem with you is masyado kang umaabuso kapag pinagbibigyan ka.”
Hindi kumibo ang babae.
“Alam mo bang kung hindi lang dahil kay Eden, hindi sana talaga kita papayagan kagabi?”
“Nakakainis ka naman, Kuya eh.”
Nagsalubong ang dalawang kilay niya. “Ako pa ang nakakainis ngayon?”
“Masyado ka kasi eh. Kung magsalita ka para ba namang hindi ka inuumaga sa mga gimiks mo.”
Pigil niya ang sarili na batukan ang kapatid, napakagaling talaga nitong mag-isip ng isasagot.
“Candy, bukod sa may trabaho na ako at wala na akong studies na dapat unahin, lalaki ako kaya walang problema abutin man ako ng umaga sa paglalakwatsa. Samantalang ikaw, nag-aaral ka pa at hindi magandang tingnan na kadalaga mong tao ay inaabot ka ng umaga sa labas ng bahay.”
Napa-ismid ito. “Dinaan mo na naman sa pagiging lalaki mo.”
Napahinga siya ng malalim. “Para rin naman sa’yo ang ginagawa ko eh.”
BINABASA MO ANG
❤Finally Love Has Come My Way (COMPELETED; Published under PHR)
RomanceFor Harvey Cuevas, isang malaking sakit ng ulo si Trinity Punzalan. Kahit pa ba saksakan ng ganda ang babae, ito naman ang dahilan kung bakit lalong lumaki ang problema niya sa kapatid. Konsumisyon na nga noon ang kapatid niya, lalo pang nadagdagan...