NASAPO ni Althea ang kanyang noo nang marinig ang sinabi ng kaibigang si Karen. Pigil niya ang sarili na sigawan ito o pagbagsakan ng telepono. “Bakit mo naman ginawa iyon? Isinusubo mo ako sa alanganin, eh!” nasabi na lamang niya.
“Don’t tell me tatanggi ka? Trabaho rin iyon, 'no!” anito.
“Alam kong trabaho iyon, pero alam mo ring marami akong ginagawa ngayon, 'tapos, gusto mo pang dagdagan.” Inis na inis talaga siya rito. Hindi na nga niya malaman kung paano tatapusin ang tambak na trabaho niya, isisingit pa nito ngayon ang pinsan nito.
“Thea, please huwag mo naman akong ipahiya sa pinsan ko. Ang sabi ko kasi sa kanya, sigurado na iyon. Nakakahiya naman kung babawiin ko pa ang sinabi ko. Sabi ko pa naman sa kanya hindi mo ako matatanggihan,” pagsusumamo nito.
Napabuntong-hininga siya, hindi malaman ang sasabihin dito. Hindi rin niya alam kung pagbibigyan niya ito, parang hindi rin naman niya maaatim na mapahiya ito. Napailing siya, kung bakit kasi napaka-atribida ng kaibigan niyang ito.
“Just say ‘yes,’ please.”
Hindi siya sumagot.
“Friend, please. Ngayon lang ako makiki-usap ng ganito sa iyo. Alam mo namang mahirap maghanap ng magaling na planner, eh,” pangungulit pa rin nito.
Napabuntong-hinga siya. “Okay,” napipilitang sagot niya pagkalipas ng ilang sandali. “Kung hindi lang talaga dahil sa iyo, hindi ko tatanggapin iyan. Pero sa susunod na gawin mo uli ang ganyan, hindi na talaga kita pagbibigyan kahit magmakaawa ka pa sa harapan ko!”
“Thank you so much!” tuwang-tuwang sabi nito. “Pupunta kami ng pinsan ko bukas sa shop mo para mapag-usapan ninyong dalawa ang mga details ng kasal nila.”
“Okay. Sige na, marami pa akong ginagawa. Magkita na lang tayo bukas. Bye.” Ibinaba na niya ang telepono.
Napatingin siya sa drawing pad na nasa ibabaw ng kanyang mesa. Naipikit niya ang kanyang mga mata. “Hindi ko pa nga tapos ang wedding gown at iba pang kailangan sa kasal ni Jane, may dumagdag na kaagad,” naisaloob niya. “Paano ko tatapusin ang lahat ng ito?”
Wedding organizer siya at may-ari ng isang wedding shop. Apat na taon na siya sa ganoong negosyo. Paminsan-minsan ay nag-o-organize din siya ng mga parties at iba pang events. Tapos siya ng kursong Business Administration pero nakahiligan din niya ang magdisenyo ng mga damit at mag-organize ng mga parties kaya iyon ang naisip niyang negosyo.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at nag-inat ng katawan. Lumabas siya ng kanyang silid at bumaba sa kusina para kumuha ng maiinom. Pabalik na siya sa kuwarto ng maisip niyang magpahangin sandali sa kanilang terrace.
Pinuno niya ng hangin hangin ang dibdib at saka dahan-dahang ibinuga iyon. Inilibot niya ang tingin, malalim na ang gabi at tahimik ang paligid. Dama niya ang masuyong haplos ng malamig na hangin sa kanyang balat. Muli siyang napahinga ng malalim. Pakiramdam niya ay unti-unting nare-refresh at nakakalma ang isip niya.
Napakislot siya nang maramdamang may tao sa kanyang likuran. Humarap siya at nakita ang nakababatang kapatid na si Lawrence na papalapit sa kanya.
“Bakit gising ka pa?” tanong niya rito.
“Wala naman akong pasok bukas kaya okay lang kahit mapuyat ako. Ikaw, ano’ng ginagawa mo dito? Ba’t hindi ka pa natutulog?”
“Lumabas lang ako sandali para magpahangin. Tinatapos ko pa kasi iyong design ng wedding gown ng Ate Jane mo. Gusto niyang dagdagan pa ng kaunting design.”
Tumabi ito sa kanya. Ngumiti ito at saka tumingin sa kawalan. “Parang kailan lang, magkakalaro pa tayong magpipinsan at magkakasamang gumagawa ng kalokohan. Ngayon, apat na ang may asawa, 'tapos, si Ate Jane, ikakasal na rin.”
BINABASA MO ANG
❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)
RomanceBago nagkahiwalay sina Althea at Hubert ay nangako sila na hindi kakalimutan ang isa't-isa. Nakahanda rin si Althea na maghintay sa pagbabalik nito. And she remained true to her promise. Ngunit sa kung anong dahilan ay bigla na lang nawalan sila ng...