ILANG araw ding walang narinig si Althea mula kay Hubert. Hindi rin niya masyadong naiisip ito dahil abala siya nang mga nagdaang araw. Katatapos lang ng isang kasal na inayos niya. At pitong araw mula ngayon ay ang kasal naman nina Danielle at Hubert ang gaganapin.
Nahiga siya sa kama. Nananakit ang katawan niya dahil sa pagod. Ipipikit na sana niya ang mga mata nang tumunog ang telepono sa bedside table.
Dinampot niya iyon. “Hello.”
“Althea,” anang nasa kabilang linya.
Natigilan siya nang makilala ang boses ni Hubert. “What do you want?” tanong niya kapagkuwan.
“Hindi ba ako nakakaistorbo sa tulog ninyong mag-asawa?” tanong nito.
“He’s not here at hindi pa rin naman ako natutulog.”
“Can I invite you out tonight?” diretsang tanong nito.
Hindi agad siya nakasagot. “Hubert, I—”
“Althea, please, ngayon lang. Pagbigyan mo na ako,” pakiusap nito.
Gusto na niyang madala sa pakiusap nito pero tumututol ang kanyang isip. Paano kung sa pag-aaway na naman mauwi ang pagkikita nila?
“Kung iniisip mo na aawayin na naman kita at susumbatan, nagkakamali ka. I promise, hindi na uli mangyayari iyon,” anito nang hindi siya sumagot.
“Huwag na lang, Hubert. Ayoko na ng—”
“I realize na wala na ring mangyayari kung patuloy kitang susumbatan. Hindi na natin maibabalik ang mga nangyari,” putol nito sa pagsasalita niya.
Hinintay lang uli niyang magsalita ito.
“Gusto lang kitang makasama sa huling pagkakataon,” pakiusap nito.
Parang piniga ang puso niya sa narinig.
Bakit hindi mo siya pagbigyan? Tulad nga ng sabi niya, ito na ang huli, anang isang bahagi ng isip niya.
Bumuntong-hininga siya bago nagsalita. “Okay.”
“Thank you. Susunduin kita. I’ll be there in thirty minutes,” sabi nito bago nawala sa kabilang linya.
Kahit pagod ay bumangon siya at muling nagbihis. Nag-ayos lang siya nang kaunti bago lumabas at tinungo ang gate para doon hintayin si Hubert. Mas mabuting hindi na ito pumasok sa kanilang bahay dahil baka makita pa ito ni Lawrence. Nangangamba siya sa maaaring gawin ng kanyang kapatid. Isa pa, tiyak na magagalit ito sa pagsama niya kay Hubert.
Ilang minuto lang na naghintay siya. Mayamaya lang ay dumating na ito. Mabilis na sumakay siya sa kotse nito.
“Saan mo gustong pumunta?” tanong nito habang bumibiyahe sila.
Nagkibit-balikat siya. “Ikaw na ang bahala.”
Pareho silang naging tahimik pagkatapos niyon.
Sa isang comedy bar sa Malate sila humantong.
“Siguradong mag-e-enjoy tayo rito,” nakangiting sabi nito nang pagbuksan siya nito ng pinto ng kotse.
Isang matipid na ngiti lang ang naging tugon niya.
Nakaalalay ito sa kanya habang papasok sila sa bar. Iginiya siya nito patungo sa isang mesa.
Pagkatapos um-order ay ibinaling niya ang pansin sa tatlong gay performers na nasa entablado.
Ang totoo ay hindi siya masyadong makapag-concentrate sa pinanonood dahil naiilang siya. Hindi lingid sa kanya ang madalas na pagsulyap ni Hubert sa kanya.
BINABASA MO ANG
❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)
RomanceBago nagkahiwalay sina Althea at Hubert ay nangako sila na hindi kakalimutan ang isa't-isa. Nakahanda rin si Althea na maghintay sa pagbabalik nito. And she remained true to her promise. Ngunit sa kung anong dahilan ay bigla na lang nawalan sila ng...