Chapter 6

6.8K 126 1
                                    


UNANG sesyon iyon ng rehearsal ng kasal nina Hubert at Danielle. Alas-nuwebe na nang dumating si Althea sa Barasoain Church. Naroon na si Danielle at ang ibang mga aabay sa kasal.

Karamihan sa mga naroon ay kakilala niya. At karamihan din ay napatingin sa kanya nang dumating siya. Alam niyang nagulat ang mga ito. Binale-wala na lang niya iyon.

Nilapitan niya si Danielle. “Hi!” nakangiting bati niya rito.

Ngumiti rin ito nang makita siya. Agad na tumayo ito at hinagkan siya sa pisngi. “Mabuti naman at dumating ka na,” tila nakahinga nang maluwag na sabi nito.

“So, puwede na ba tayong magsimula?”

Umiling ito. “Wala pa si Hubert, eh. Tumawag kanina, ang sabi may dadaanan lang siya. Hindi pa rin dumarating sina Karen. Pag-usapan na lang muna natin ang arrangement ng decorations nitong simbahan sa araw ng kasal.”

Naupo sila sa bandang likuran. Sinabi nito ang eksaktong ayos na nais nito. Nagtataka lang siya kung bakit tila hindi mapalagay ito.

“Are you okay? Parang ninenerbiyos ka yata,” puna niya. Ginagap niya ang kamay nito at natagpuan niyang nanlalamig iyon.

Tumigil ito sa pagsasalita, saka bumuntong-hininga. “I’m sorry. Kanina kasi, nandito ang lola ni Hubert. Ang daming sinabi, 'tapos parang binabantayan ang lahat ng kilos ko. Naiilang ako sa kanya.”

“Si Lola Josefina ba? Ganoon lang talaga iyon sa una, mukhang istrikta.”

“Ngayon ko lang kasi siya nakita. 'Tapos, wala pa si Hubert dito para ipakilala ako sa kanya.”

“Huwag mong intindihin iyon, masasanay ka rin sa kanya. At saka mabait naman si Lola Josefina,” aniya para payapain ang loob nito.

Nang dumating si Karen ay pinuntahan ito ni Danielle kaya naiwan siyang mag-isa.

Lalabas sana muna siya ng simbahan nang dumating si Hubert kasama ang ina nito. Halata ang pagkabigla sa mukha ng ginang nang makita siya. Nilampasan naman siya ni Hubert at nilapitan ang nobya nito.

Agad namang nakabawi ang ina ni Hubert. Matalim ang tinging ipinukol nito sa kanya. Marahil ay galit din ito sa kanya. Gayunpaman ay sinalubong niya ang mga mata nito.

Mayamaya ay nilapitan siya nito. “Ano’ng ginagawa mo rito?” mahina ngunit mariing tanong nito.

“She’s our wedding planner, Tita,” ani Danielle na hindi niya namalayang nasa likuran na pala niya. Katabi nito si Hubert.

“Gusto kitang makausap, Hubert,” seryosong sabi ng matandang babae. Bago ito tumalikod ay nanunuring tiningnan uli siya, pagkatapos ay nagpatiuna na ito palabas ng simbahan. Agad namang sumunod dito si Hubert.

“Althea,” nag-aalalang sambit ni Danielle.

“I’m okay. Inaasahan ko na rin naman na ganoon ang magiging reaksiyon ng mama niya kapag nakita ako rito,” aniya, saka matipid na ngumiti.

“Sa totoo lang, nagtataka ako sa nangyari.”

Kumunot ang kanyang noo. “Ano’ng ibig mong sabihin? Ano’ng nakapagtataka?”

“Nagtataka ako kung bakit wala man lang sa mga kamag-anak nila ang nagsabi kay Hubert ng totoo. Siguro naman alam nilang hindi ka naman talaga ikinasal. Imposible rin namang hindi nagtanong sa kanila si Hubert.”

Naisip na rin niya iyon noon. May nabuo nang hinala sa isip niya pero agad din niyang iwinaksi iyon. Wala naman kasi siyang makitang dahilan para gustuhin ng mga kamag-anak ni Hubert na paglayuin sila.

❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon