Chapter 3

7.2K 146 3
                                    

NAPUTOL ang pagbabalik-tanaw ni Althea nang tumunog ang cellphone niya. Pinahid niya ang kanyang mga luha bago sinagot ang tawag.

“Althea, nakarating na ba sa iyo ang balita?” Tinig ni Clarisse ang nasa kabilang linya. Isa ito sa mga matalik na kaibigan niya. Taga-Bulacan din ito pero sa Manila nagtatrabaho at nakatira.

Kumunot ang kanyang noo. “Tungkol saan?”

“Tumawag si Noemi sa akin kanina. Dumating na raw si Hubert sabi sa kanya ng pinsan niya.”

Napahinga siya nang malalim. “Alam kong nakabalik na si Hubert. Kahapon pa,” matamlay na sabi niya.

“Thea, are you okay?”

Hindi siya sumagot. Kagat niya ang labi upang mapigil ang sariling muling mapaiyak.

“Thea...” Bakas sa tinig nito ang pag-aalala.

“Clarisse, may gagawin ka ba mamayang gabi?”

“Wala naman.”

“Puwede ka bang pumunta sa bahay mamaya? Kailangan ko lang ng kausap. Magdala ka ng damit, doon ka na lang matulog,” pakiusap niya.

“Mukhang mahabang usapan iyan, ah. Sige, pupunta ako sa inyo ng before eight.”

Ilang ulit siyang huminga nang malalim nang matapos ang pag-uusap nila. Hindi na siya makapaghintay na makausap ang kaibigan. Gusto na niyang ilabas ang sama ng loob na nararamdaman niya dahil pakiramdam niya ay malapit na siyang sumabog.

****

“ANO BA’NG nangyari sa iyo?” agad na tanong ni Clarisse pagpasok pa lang nito sa bahay nina Althea.

“Mamaya na natin pag-usapan iyon, kumain muna tayo. Nagpahanda na ako ng hapunan.” Nagpatiuna na siya sa pagpunta sa dining room.

Pagkatapos nilang kumain ay umakyat na sila sa silid niya.

“Paano mo nga pala nalaman na nandito na si Hubert? Tinawagan ka ba niya bago siya umuwi rito?” tanong nito habang nagbibihis ito sa loob ng banyo.

Hindi siya sumagot.

“Ang taong iyon, walong taon na ngang nawala at hindi nagpaparamdam, 'tapos, ngayong bumalik na nga pero wala man lang kapasa-pasabi. 'Tapos, isa ka pa, hindi mo man lang ikinuwento agad sa amin.”

“Hindi ko rin alam na darating siya. Kahapon ko rin lang nalaman na narito na siya. Matagal na siyang hindi tumatawag sa akin, remember?”

Lumabas na ito ng banyo. “Eh, paano mo nalaman na nandito na siya?”

“Nagkita kami kahapon sa shop.”

Ngumiti ito. “Bongga ang lolo, gusto niya, grand effect. Gusto pang manorpresa!”

“Actually, pareho kaming nasorpresa sa pagkikita namin kahapon. Pareho naming hindi inaasahan iyon,” mapait na sabi niya.

Kumunot ang noo nito. “Hindi kita maintindihan. Ano’ng ibig mong sa—”

“Siya ang mapapangasawa ng bago kong kliyente, Clarisse.”

Nanlaki ang mga mata nito. “Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Hindi magandang biro iyan, Althea.”

Marahan siyang tumango bilang tugon.

“Oh, my God!”

Nagbaba siya ng tingin. Ayaw niyang makita nito ang paghihirap ng kalooban niya. Pero wala ring nangyari. Hindi pa rin niya napigil ang kanyang emosyon. Napaiyak siya.

Agad na nilapitan siya nito at niyakap.

“Nang makita ko siya kahapon ako na yata ang pinakamasayang babae. Akala ko, binalikan na niya ako. Pero nang malaman ko na siya ang pakakasalan ni Danielle, parang gumuho ang mundo ko,” umiiyak na pagkukuwento niya.

❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon