PAKIRAMDAM ni Hubert ay namanhid ang buong katawan niya pagkatapos niyang basahin ang sulat. Samut-saring damdamin ang nararamdaman niya—galit para sa ina, pasasalamat kay Danielle, hiya sa kanyang sarili at ang tuwa dahil may pag-asa pa sila ni Althea.
“Karen, nasaan na sina Danielle? Bakit hindi pa sila dumarating? Kanina pa kami naghihintay sa kanila,” tanong ng kanyang mama kay Karen. Hindi niya namalayang nasa likuran na pala niya ito.
Hinarap niya ito. “Hindi na darating sina Danielle, Mama.”
“What?! Pero bakit? Paano na ang kasal ninyo?”
“Walang magaganap na kasalan. At marami kayong dapat ipaliwanag sa akin,” mariing sabi niya. “Pero saka na lang natin pag-usapan iyon.”
Ang una niyang gustong gawin ay hanapin si Althea. Marami pang oras para sa pagtutuos nila ng ina.
Akmang tatalikod na siya nang pigilan siya ni Karen. “Ipinabibigay rin niya ito.” Inilagay nito sa kamay niya ang singsing na ibinigay niya kay Danielle noong isang gabi.
Napatitig siya roon. “Sabihin mo sa kanya na maraming salamat. Kapag natapos ko na ang lahat, mag-uusap kami. Kailangang personal ko pa rin siyang pasalamatan sa lahat ng kabutihan niya.”
Hindi niya alam kung saan siya magsisimula sa paghahanap kay Althea. Pero kahit saang sulok ng Pilipinas pa naroon ito, desidido siyang hanapin ito.
*****
LUMABAS na si Althea ng silid. Uuwi na sila sa Manila nang araw na iyon. Naghihintay na sa kanya sina Lawrence at Clarisse sa labas.
“Sigurado ka bang gusto mo nang bumalik sa Manila? Mas makakabuti sa iyo kung mananatili ka muna rito nang mga ilang araw,” nag-aalalang sabi ni Tita Ella sa kanya.
“Hindi ko ho puwedeng iwan nang matagal ang shop, marami kasing trabaho,” aniya na matamlay pa rin ang tinig.
Niyakap siya nito nang mahigpit. “Mawawala rin iyang nararamdaman mo.”
“Sana nga po.”
Inihatid siya nito at ni Maricar sa labas ng bahay. Kapagkuwan ay nagpaalam na siya sa mga ito.
Pasakay na sana sa kotse niya si Clarisse nang pigilan niya ito. “Okay lang ba kung doon ka na lang sa kotse ni Lawrence sumakay? G-gusto ko kasing mapag-isa,” pakiusap niya rito.
Naunawaan naman siya nito.
Pagsakay niya sa kotse ay agad na rin niyang pinaandar iyon. Nakasunod naman sa likuran niya ang kotse ni Lawrence.
Habang nagmamaneho ay hindi niya maiwasang maalala si Hubert. Naglalaro sa isip niya ang kasal nito at ni Danielle. Marahil ay nanunumpa na ang mga ito sa harap ng altar.
Ipinilig niya ang ulo upang alisin ang isiping iyon.
Ngunit parang tukso namang lalo pang nagsumiksik iyon sa isip niya. Para ngang may narinig pa siyang kalembang ng mga kampana.
Itinuon niya ang pansin sa pagmamaneho. Binilisan niya ang pagpapatakbo ng kotse.
****
KAGAGALING lang ni Hubert sa shop ni Althea pero wala ito roon. Kahit anong pilit niya sa mga tauhan nito na sabihin sa kanya kung nasaan ito ay walang maisagot ang mga ito.
Pumunta rin siya sa bahay nito sa Las Piñas. Abot- langit ang dasal niya na sana ay abutan niya ito roon pero wala rin doon ang dalaga. Katulong lang ang naabutan niya.
“Wala po rito sina Ma’am Althea at Sir Lawrence. Umalis po sila noong isang araw pa,” sabi sa kanya ng katulong.
“Sinabi ba kung kailan sila babalik?”
BINABASA MO ANG
❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)
RomanceBago nagkahiwalay sina Althea at Hubert ay nangako sila na hindi kakalimutan ang isa't-isa. Nakahanda rin si Althea na maghintay sa pagbabalik nito. And she remained true to her promise. Ngunit sa kung anong dahilan ay bigla na lang nawalan sila ng...