HABANG pinag-uusapan kanina ang kasal nina Hubert at Danielle, hindi makapag-isip nang matino si Althea. Hanggang sa makaalis ang mga ito ay magulo pa rin ang isip niya.
Dinampot niya ang kanyang bag bago lumabas ng opisina. “Jasmine, kayo na muna ang bahala rito. Uuwi na ako.”
Dire-diretso siya sa pinto.
“Ma’am, paano po iyong appointment ninyo with Mrs. Enriquez?” tanong nito.
“I-cancel mo na lang o kung gusto mo, ikaw ang pumunta roon para makipag-meet sa kanya. Ikaw na ang bahala, Jasmine.”
“Pero hindi ko po—”
“Jasmine, puwede ba? Matuto naman kayong magdesisyon paminsan-minsan, hindi iyong kailangan ko pang iutos sa inyo ang lahat ng dapat ninyong gawin!” iritadong sabi niya.
Hindi ito nakakibo.
Sumakay na siya sa kanyang kotse at mabilis na pinaandar iyon. Pagdating niya sa bahay nila sa Las Piñas ay nakasalubong niya si Lawrence na papaalis naman patungo sa eskuwelahan.
“Ate, bakit ganyan ang ayos mo? Ano ba’ng nangyari sa iyo?” nakakunot ang noong tanong nito.
Noon bumigay ang mga tuhod niya na kanina pa nanghihina. Natumba siya. At kung hindi siya nasalo ng kapatid ay tiyak na napasubsob na siya. Binuhat siya nito at iniupo sa sofa.
“Ano ba’ng nangyari sa iyo?” tanong uli nito sa kanya.
“Si Hubert, Lawrence.” Nangilid ang kanyang mga luha.
Lalong kumunot ang noo nito. “Bakit? May balita ka na ba sa kanya?”
Umiling siya. “Nagkita kami. Nakita ko siya.”
“Saan? Kailan?”
“Kanina lang, sa shop. Pumunta siya roon.”
Ngumiti ito. “Mabuti naman at bumalik na siya. Ang tagal—”
“Ikakasal na siya, Lawrence.”
Natigilan ito, agad na nawala ang ngiti sa mga labi. Tinitigan siya nito na tila nais maniguro sa katotohanan ng kanyang sinabi.
“Siya ang mapapangasawa ng bago kong kliyente, 'yong pinsan ni Karen. Nagpunta siya sa shop para asikasuhin ang kasal nila.” Napaiyak na naman siya.
Niyakap siya nito. Batid niyang naintindihan nito ang nararamdaman niya. Alam nito kung gaano kasakit sa kanya na tanggapin ang nalaman. Hinayaan lang siya nito hanggang sa tumigil siya sa pag-iyak. Nanghihinang isinandal niya ang ulo sa likod ng sofa.
“Umakyat ka muna sa kuwarto mo, Ate. Magpahinga ka na roon,” anito pagkalipas ng ilang sandali.
Hindi siya kumibo.
“Alam kong hindi madaling tanggapin iyon pero huwag mong pahirapan ang sarili mo. Hayaan mo siya kung iyon ang gusto niya.”
“Hindi ko maintindihan kung paano niya ito nagawa sa akin. Lahat ginawa ko noon para sa kanya. Nagmukha na akong tanga sa paghihintay sa kanya, 'tapos, ito pa ang igaganti niya,” aniya sa pagitan ng pagsinghot.
“Sinabi ko na sa iyo noon na darating ang ganitong pagkakataon. Ate, maraming taon ka niyang pinabayaan. Ikaw lang naman itong ayaw makinig sa akin, eh.”
Muling tumulo ang mga luha niya.
Muli ay niyakap din siya nito. “Tama na. Kahit gaano katagal mo pa siyang iyakan, hindi mo na mababago ang mga nangyari. Hindi mo na siya mababawi.”
BINABASA MO ANG
❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)
RomanceBago nagkahiwalay sina Althea at Hubert ay nangako sila na hindi kakalimutan ang isa't-isa. Nakahanda rin si Althea na maghintay sa pagbabalik nito. And she remained true to her promise. Ngunit sa kung anong dahilan ay bigla na lang nawalan sila ng...