Chapter 5

6.9K 151 0
                                    

NANANAKIT ang ulo ni Althea nang bumangon siya kinabukasan. Nagtungo siya sa banyo para maghilamos. Pagkatapos magbihis ay bumaba na siya sa dining room para mananghalian.

Naabutan niyang kumakain si Lawrence. Walang kibong naupo siya sa isang upuan at kumain na rin.

“Bakit namumugto na naman ang mga mata mo?” tanong nito.

Inaasahan na niyang magtatanong ito tungkol doon pero hinintay muna nitong pareho silang tapos nang kumain bago ito nagtanong.

Hindi siya sumagot.

“Sabi ni Manang, lumabas daw kayo nina Karen kagabi. Kasama ba ninyo si Hubert?”

Marahan lang siyang tumango bilang tugon.

“Ano’ng nangyari sa lakad ninyo? Nag-usap ba kayo ni Hubert? Siya na naman ba ang iniyakan mo, Ate?” sunud-sunod na tanong nito.

Muli ay hindi siya kumibo.

“Ate, alam kong may problema ka. Come on, tell me. Alam mong lagi akong handang makinig. Hindi makakabuti kung itatago mo ang lahat sa sarili mo.”

Napahinga siya nang malalim. “Alam ko na kung bakit galit na galit sa akin si Hubert. Ang buong akala niya ay niloko ko siya. Ang alam niya ay nagpakasal ako sa ibang lalaki.”

Nagsalubong ang mga kilay nito. “Paano mo nalaman iyon?”

“Pinuntahan ako ni Geraldine. Sa kanya ko nalaman ang lahat. Pauwi na raw dapat dito si Hubert nang makarating sa kanila ang balita na nag-asawa na ako.”

“Sino namang gago ang nagsabi sa kanila ng kalokohang iyon?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko alam.”

“Pero dapat nalaman ni Hubert na hindi iyon totoo. Dapat kinausap ka niya noon. Dapat nagtanong siya sa iyo. At saka 'yong mga kamag-anak niya, dapat ay sinabi nila ang totoo.”

“Iyon na nga rin ang hindi ko maintindihan, eh.”

Sinabi niya rito ang lahat pati na rin ang nangyari sa pagitan nila ni Hubert nang nagdaang gabi.

“Buo na ang desisyon ko, Lawrence. Hindi na ako ang mag-aayos ng kasal nila.”

Napatitig ito sa kanya.

“Hindi ko na pipilitin ang sarili ko na gawin ang bagay na sa huli ay pagsisisihan ko rin. Ibibigay ko kay Danielle bukas ang mga natapos kong arrangement. Bahala na sila sa iba,” patuloy niya.

“Hindi, Ate. Tatapusin mo ang trabaho mo sa kanila.”

Napatingin siya rito. Ibig niyang isiping nagbibiro lang ito pero seryoso ang mukha nito. “Nakikinig ka ba sa mga sinabi ko kanina?”

Tumango ito. “Oo. Pero ito ang gusto kong gawin mo. Ikaw ang mag-aayos ng kasal nila.”

“Hindi mo ba naiintindihan? Hindi ko kayang ayusin ang kasal sa iba ng lalaking pinakamamahal ko. Hindi ko na kayang makita pa siya. Hindi ko na kaya ang sakit na nararamdaman ko!” nangingilid ang mga luhang sabi niya.

Hinawakan nito ang isang kamay niya. Bakas sa mukha nito ang awa para sa kanya. “Alam ko iyon. Pero sa gagawin mo, ikaw ang talo. Iisipin ni Hubert na iniiwasan mo siya, na hindi mo siya kayang harapin at ang mga sumbat niya. Tapusin mo ang trabaho mo, tutal, ilang linggo na lang naman at ikakasal na sila.”

Patuloy lang siya sa paghikbi. Sa isang banda ay naisip niyang may punto ito.

“Pinanindigan mo na rin naman na may asawa ka na, panindigan mo rin na hindi ka apektado sa nangyayari ngayon. Ipakita mo sa kanya na bale-wala na talaga siya sa iyo.” Tumayo na ito at iniwan siya.

❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon