MARK JASON ang totoo niyang pangalan. Pero Hero ang tawag namin sa kanya dahil Bayani ang kanyang apelyido. Noong bago pa lang siya sa team ube, 'di ko siya gaanong pinapansin. Mukha kasing maangas. Parang 'di ko makakasundo. Para rin siyang bisor, kung saan-saan nakararating. Ang hilig kasing mag-floorwalk. Palibhasa mabilis siyang mag-process kaya agad ding nakaka-quota. Kaya ayun, ikot nang ikot ang bata.
Tama.
Bata pa siya.
Fresh grad. First job.
Kaya makikita mo sa kanya yung pagkamasigasig. Makikita mong gusto niyang matuto. Marami siyang gustong gawin. Mas marami ang gusto niyang patunayan. Kahit late na siyang umuwi, siguradong napakaaga pa rin niyang papasok kinabukasan. Hindi nga siya nale-late. Ah, minsan na-late na pala siya. Pero dalawa o tatlong minuto lang yata. Basta, madalas nabibigyan siya ng CP points dahil sa perfect attendance niya at punctuality. Yun ang dalawang bagay na di ko talaga ma-achieve. Pero nagagawa niya nang madali at madalas.
Yung CP points, parang reward yun na binibigay ng mga lead tapos pag nakaipon ka ng sapat na points, pwede mong ipalit yun ng kung-anu-anong gamit, appliances, gift certificates, at iba pa. May mga leads na bonggang magbigay ng CP points. Meron din namang makunat pa sa belekoy.
Akala ko talaga 'di ko makakasundo si Hero. Hanggang minsan nalaman ko na magkalapit lang pala kami ng inuuwian. Hindi naman magkapitbahay, pero kung masipag kang maglakad, kayang lakarin mula sa inuuwian ko hanggang sa bahay nila. Mula nun, sabay na kaming umuwi. At dun ko na rin nag-umpisang makasundo ko siya. At nakilala ko siya at ang totoong siya.
Panganay siya sa limang magkapatid na apat ang lalaki. Kung titingnan mo si Hero, parang easy go lucky lang. Walang pakialam sa mundo. Parang ang buhay sa kanya ay puro kalokohan lang. Kasi yun talaga ang makikita mo sa kanya. Pero sa sandaling nag-uusap na kami na kaming dalawa lang, wala siyang bukambibig kundi ang mga gusto niyang gawin sa buhay para matulungan ang kanyang mga magulang. Nung unang sweldo nga niya, nagbigay siya agad ng pera sa papa at mama niya. Ang saya-saya niya dahil masaya ang mga magulang niya dahil nakakatulong na siya sa kanila. Basta tuwing susweldo siya, hindi niya kinalilimutang mag-abot sa kanila. Iba pa siyempre yung treat niya sa kanyang mga kapatid. Inililibre niya ang mga ito saan mang fast food restaurant.
Ganun siya sa pamilya niya. At gusto niyang ibigay sa kanila ang higit pa dun. Kaya naman todo sikap siya para mapagbuti ang trabaho. Gusto niyang ma-regular. Ayaw niyang mawala ang unang trabahong nagbigay sa kanya ng pagkakataong magkaroon ng perang ang halaga ay di pa niya nahawakan kahit minsan.
Masayahin si Hero. Maloko. Pero sa mga sandaling kailangang magseryoso, makikita mo ang sinseridad ng kanyang pagkatao.
Nung minsan nagkatampuhan sila ni Josh. Maliit na bagay lang yun. Di nagkaintindihan. Naging umpisa ng cold war sa pagitan nila. LQ, sabi namin, na tumagal rin ng ilang linggo dahil wala isa man sa kanila ang may gustong mag-umpisang bumati sa isa't -isa para maputol na ang pagkailang sa pagitan nilang dalawa. Sinubukan ko pa silang kausapin at pagbatiin pero ayaw talaga kaya pinabayaan ko na lang. Pasasaan ba't magbabati rin ang dalawang kumag na ito. Kababata pa eh ang tataas na ng pride!
Pero sabi nga, time heals all wounds. Ngayon, ay okay na okay na sila ulit pagkatapos ng maraming pagkakakataon ng dedmahan.
USERID: BAYAMARS
Lahat ay excited sa unang team building activity ng team ube. Sa Robinsons Pioneer ang meeting place. Medyo matagal din kaming naghintay dun. Wala pa kasi yung van. Nakapag-grocery na kami ng mga kakainin sa outing. Mula sa chichirya, hanggang sa mga iinumin at mga lulutuin para sa isang magdamagang pagliliwaliw, ready na ang lahat.
Si Hero, nagutom na. Kaya pumuwesto siya sa isang sulok sa labas ng mall malapit sa waiting area at pumapak ng kanin at ulam. Isa ang kumuha ng litrato niya habang kumakain, dedma lang ang bata. Isang litrato pa. Dedma ulit. Tuloy lang siya sa pagkain.

BINABASA MO ANG
TEAM TAYO: Mga Kwentong Ube
Short Story"Totoong ang mabubuting kaibigan ay mahirap hanapin, di madaling iwanan, at imposibleng makalimutan." ALL RIGHTS RESERVED. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electric or mechanical, including photocopy...