Nakatingin lang ako sa pisarang naglalaman ng mga gaganap na aktor at aktres sa gaganaping pagsasadula.
Hindi na ako nag-abala pang hanapin ang pangalan ko dahil sigurado naman akong hindi ako kabilang sa mga gaganap.
Nasa likod lagi ng kamera ang importansya ko.
Lagi na lang.
Minsan, iniisip ko... 'Kailan kaya ako mapapansin ng mga ito?'
Ngunit agad ko itong babawiin dahil alam ko namang walang espesyal sa akin maliban sa talino't ugali ko.
Hindi kasi ako kagandahan. Hindi rin tulad ng ibang mga kasabayan ko na kahit anong anggulo ng kamera, maganda pa rin at hindi mukhang ewan.
Tanggap ko naman. Hindi ko lang talaga minsan maiwasan mapaisip.
Maayos naman ang tono ng boses ko. Kaya ko siyang ililok sa paraang hinihingi ng dula. Madali naman akong makamemorya. Tiyak na hindi na ako gaanong mahihirapan sa mga linya. Mahusay naman daw akong umarte; sabi ng mga kaibigan ko. Naipapakita ko naman daw ang lungkot at saya kung kinakailangan sa mukha ko.
Pero kulang pa iyon.
Hindi kasi maganda ang postura ko. Baka mapagkamalan pa akong lola o matanda kaysa bata kung aarte ako. At tulad nga ng binanggit ko kanina, hindi naman ako kagandahan. Minsan tuloy, iniisip ko lang kung dahil lang sa paggalang kaya tinatawag akong maganda ng iba.
Grabe 'no? Matalino naman ako't lahat-lahat pero pinoproblema ko pa rin mukha ko.
Gusto ko lang namang ipakita na hindi lang sa likod ng kamera ako may pakinabang. Na hindi lang ako basta matalino lang. Na kaya ko rin. Na may iba rin akong talentong nais kumawala at magpasikat.
De seryoso na. Gusto ko lang naman talagang sabihin na mahilig din akong umarte kahit hindi halata.
Walang nakakaalam. Wala naman kasing nagtatanong. Kung mayroon nga lamang akong sapat na lakas ng loob, ako na lang ang gagawa ng paraan para ipakita 'yun sa kanila.
Kaso... natatakot ako. Nahihiya. Dahil alam kong masyado na akong maarte. Oo, aminado ako. Masyado akong mababaw.
.
.
.
Aish! Huwag na nga. Ang babaw ko. Kalimutan niyo na lang ang mga sinabi ko kanina.
Hay. Dapat talaga makuntento na lang ako sa likod ng kamera.
