Mukhang akong ewan na nakatingin sa inyong lima. Magkakasama kayo't masayang nag-uusap. Tila nakalimot na ako'y isang kaibigan.
Hindi mawari kung anong dapat maramdaman: tampo, sakit, o kawalan. Isang buwan matapos akong pansamantalang lumisan, 'di akalaing agad na akong napalitan.
Maayos naman akong nagpaalam sa inyo. Sinabi niyo pang galingan ko. Nagpalitan ng mga ngiti at tawa. Ni hindi ko namalayan ang nagbabadyang bagyo.
Dahil buhat nang ako'y bumalik, mistulang estranghero ang turing sa akin. Tila hangin na 'di nakikita. Isang bato na hindi pinapansin. Isang basurahang dinaraan-raanan lamang.
Anong nangyari? Tanong ko sa aking sarili. Halos masiraan ng ulo kaiisip. Baka ngayon lang, bukas kasama na ulit ako diyan. Baka nanibago lang, 'wag akong masyadong mag-alala. Hanggang ang positibo ay maging negatibo. Hanggang sa unti-unti akong lapitan ng kalungkutan.
Hanggang sa makita muli ang nakaraan. Na ako'y mag-isa, luhaan, at nasasaktan. Nagsimulang magdasal. Pinilit gumising upang matauhan.
Ano pa nga ba ang aking babalikan? Kung ako'y hindi na rin naman kailangan?
Kay bilis nga naman ng oras. Kay bilis nga naman ng panahon. Kay bilis umasa. Kay bilis masaktan. Kay bilis tumawa. Kay bilis lumuha. Kay bilis makahanap. Kay bilis makalimot. Kay bilis maging masaya. Ngunit kay bagal maging malungkot.
Lahat ay 'di akalain... ngunit kailangang tanggapin.
.
.
.
Sa loob ng isang buwan, maraming nagbago.
Sa loob ng isang buwan, mayroong nasaktan.
Sa loob ng isang buwan, isang tao ay naiwan.
Sa loob ng isang buwan, ako'y inyong kinalimutan.
