Chapter 25: Finale

10.1K 182 26
                                    

— Mabs —
   

    “Ang sabi ko, maghahanap ako ng trabaho pero ikaw lang din naman pala ang magbibigay sa ‘kin,” sabi ko habang naglilibot ng paningin dito sa kompanyang pinuntahan namin ni Vlad.
   
    Binigyan niya kasi ako ng position dito, Brand Manager. Ang hirap tanggihan kasi hindi talaga siya pumapayag.
   
    “Ayaw mo ba? Bakante naman kasi ang posisyong ‘yon,” kibit balikat niyang sagot at inakbayan pa ‘ko. “Tsaka mas gusto kong kasama ka sa trabaho. Atleast ‘di ba, kahit nagtatrabaho tayo, nakikita pa rin kita palagi.” Nginisihan niya ako.
   
    Sabay kaming naglakad-lakad. Hindi ko na lang pinansin ang ibang empleyadong napapatingin sa amin. Hindi na rin ako umangal pa at tinanggap na nga ang trabahong binibigay niya. Ang sabi niya kasi ay dito na rin muna siya magwo-work habang hindi pa siya nagiging doctor.
   
    “Mag-start ka na tomorrow, ha?” sabi niya na ikinatango ko. “Goods. Magpapabili ako ng lunch, sa office na tayo kumain.”
   
    Ngumiti lang ako. Bumalik kami sa malaki niyang opisina. May bedroom pa nga ang office na ‘to, sariling banyo, at maliit na open kitchen. Parang bahay na talaga.
   
    Madalas daw kasing mag-overtime ang daddy niya kaya nagpagawa na rin ito ng kuwarto rito. Isa ang kompanyang ‘to sa mga pinahawak agad sa kaniya.
   
    “Mayaman na ba talaga kayo bago ka mabuhay sa mundong ‘to?” tanong ko at umupo sa couch.
   
    Natawa siya nang mahina at umupo rin sa tabi ko. “Yes. Pinaghirapan nina mom and dad ang lahat. Nagsimula raw sila sa maliit na negosyo, hanggang sa lumaki nang lumaki. Hindi sumuko si daddy noong namatay si mom, itinuloy niya ang nasimulan nila kasi nangako siyang bibigyan niya ako ng magandang buhay.”
   
    “Wow…” Nakakamangha naman ang parents niya. “Ang suwerte mo naman.”
   
    Tumango-tango siya at napatitig sa akin. “Oo at gusto kong i-share ang swerteng ‘yon. Hindi lang sa ‘yo kun’di kahit sa kaninong may kailangan.”
   
    Napangiti ako sa sinasabi niya. “Like?”
   
    “May mga tinutulungang charity na noon si Dad, ako na rin ang nagtutuloy ngayon,” sagot niya habang nangingiti na rin. “Alam mo ba kung bakit wala akong naging girlfriends bukod sa busy ako sa study?”
   
    Umiling ako. “Ano?” May iba pa palang dahilan?
   
    “I had flings pero hindi nagtatagal. Alam ko kasing pera lang habol nila sa ‘kin.”
   
    Tumaas ang kilay ko. “Sa guwapo mong ‘yan, pineperahan ka lang?”
   
    Naitikom niya ang bibig niya. Umayos siya ng upo, itinukod ang siko niya sa sandalan, at doon nangalumbaba habang nakatitig sa ‘kin.
   
    “Guwapo ako?” ngiting ngiting tanong niya.
   
    Natawa ako nang mahina at tumango. “Oo, hindi lang sa labas. Ang guwapo ng buong pagkatao mo, Vlad.”
   
    Nakagat niya ang labi niya at hindi nakapagsalita. Ngumiti lang ako habang nakikipagtitigan sa kaniya. Napansin kong namumula ang tenga niya kaya hinawakan ko ‘yon.
   
    “Bakit namumula?” tanong ko. Kanina naman kasi ay hindi ‘yon gano’n kapula.
   
    Umiling siya. “Hulaan mo.”
   
    Inirapan ko na lang siya. Mayamaya lang ay dumating na ang mga pagkaing pinabili niya.
   
    May pizza, lutong ulam, kanin, at ice cream na pinalagay niya muna sa mini refrigerator dito.
   
    Sabay kaming naghanda at pinagsaluhan ang mga ‘yon.
   
    “Kailan kaya matatapos ang Annulment?” mahinang tanong ko habang ngumunguya at nakatitig sa pagkain ko.
   
    “Sa dami ng case ngayon sa court at kulang pa ng judges, siguradong aabutin ng one to three years ang process niyan,” sagot ni Vlad kaya napatingin ako sa kaniya.
   
    Sumimangot ako. Ang tagal naman kasi, e.
   
    Kumain na lang ulit ako habang si Vlad ay naglabas ng cellphone at may tinitingnan doon. Naibaba niya bigla ang kutsara niya at kumunot ang noo.
   
    “Bakit?” tanong ko.
   
    Mabilis niyang itinago ang phone at tumingin sa ‘kin. Napalabi siya’t huminga nang malalim.
   
    “Nakaburol si Cally, pangatlong araw na ngayon.”
   
    “A-Ano?!”
   
    Bigla ko ring nabitiwan ang kubyertos ko at yumuko. Napahilot ako sa sentido ko at maang na pumikit.
   
    Paanong patay na si Cally? Bakit? Ano’ng nangyari?
   
    Ano na naman ba ‘to?
   
    Sunod-sunod akong napahinga nang malalim bago tumingin muli kay Vlad. “Saan siya nakaburol?”
   
    “Aalamin ko mamaya.” Hinawakan niya ang kamay ko at pinisil ito. “For now, finish your food.”
   
    Tumango na lamang ako at mabagal na kumain muli.
   
    Hindi ko alam kung bakit ako nababahala sa pagkamatay ng kabit ng asawa ko. Siguro dahil hindi ito ang katapusang inaasahan kong mangyari sa kanila.
   
    Paano ang anak nila? Naipanganak ba? Kung nabuhay nga ang bata, kawawa naman siya dahil wala na siyang ina.
   
    Kahit kailan ay hindi ko hiniling na sana mamatay na lang sila o ang kahit isa sa kanila. Ang gusto ko lang ay mahirapan sila.
   
    Naging tahimik na ‘ko hanggang sa maggabi. Nandito pa rin ako sa office ni Vlad, nag-stay ako rito habang siya ay nagtatrabaho. Tinambayan ko ang kuwartong nandito.
   
    “Mabs, I’m done working!” malakas na sabi ni Vlad at pumasok dito. “Let’s go home?”
   
    Tumayo ako at lumapit sa kaniya. “Ayoko pang umuwi.”
   
    Kumunot ang noo niya. “Why? May gusto ka pa bang puntahan? Tara.”
   
    “Sasamahan mo ‘ko kahit pagod ka na kakatrabaho?” mahinang tanong ko na mabilis niyang ikinatango.
   
    “Oo naman. Tsaka kapag nakikita kita, hindi ako pagod.” Ngumiti siya at kinurot ang pisngi ko. “So, ano? Saan tayo?”
   
    Binasa ko muna ang labi ko. “Alam mo na ba kung saan nakaburol si Cally?”
   
    Napatitig siya sa ‘kin saglit bago dahan-dahang tumango. “Oo… wait, doon mo ba gustong pumunta?”
   
    “Oo.”
   
    Tumango na lang ulit siya at naglahad ng kamay sa harap ko. Humawak ako ro’n. Sabay kaming naglakad palabas ng opisina at ng company.
   
    Hindi na kami nag-abalang magpalit ng damit. Dederetso na agad kami ro’n.
   
    “Bakit parang kanina ka pa tahimik simula no’ng nalaman mong patay na si Cally?” tanong niya sa gitna ng byahe. “Naaawa ka ba?”
   
    Lumunok ako at nanatiling nakatingin sa kalsada. “Naaawa ako sa baby.”
   
    Hindi na lang siya nagsalita pa at namayani muli ang katahimikan.
   
    Pupunta lang naman ako ro’n para makumpirma kung anong nangyari at anong lagay nila. Malakas ang loob kong pumunta sa burol dahil alam kong wala akong ginawang kasalanan sa kanila.
   
    Napatingin ako sa Chapel na hinintuan namin. Bumaba si Vlad at umikot para pagbuksan ako.
   
    Hawak niya pa rin ang kamay ko nang pumasok kami sa loob.
   
    Mula rito sa pinto ay dalawang likod lamang ng tao ang nakikita ko. Isang babae at isang lalaki.
   
    Kilala ko na agad kung sino ‘yung lalaking nasa harapan. Nagkatinginan muna kami ni Vlad bago itinuloy ang paglakad papasok.
   
    Binitiwan niya ang kamay ko kaya napatingin ako sa kaniya. Tinanguan niya ako na parang sinasabing lumapit na ‘ko ro’n.
   
    Tumango rin ako at mag-isang naglakad nang mabagal papunta sa kabaong.
   
    Umawang na lang ang bibig ko matapos makitang si Cally nga ang nakaburol. Nag-iba ang itsura niya rito pero maganda pa rin siya.
   
    Nilingon ko si Felix na nakaupo sa harapan. Napakurap-kurap ako dahil hindi lang pala siya ang nandito.
   
    May karga-karga siyang sanggol. Mahimbing itong natutulog sa bisig niya.
   
    Wala sa akin ang paningin niya kun’di nasa malaking picture ni Cally.
   
    Huminga muna ako nang malalim bago lumapit at umupo sa tabi niya. Hindi niya pa rin ako tinitingnan pero nakikita ko ang pagod sa mga mata niya.
   
    “Pangalawang babaeng ibunurol ko ngayong taon…” mahinang sambit niya habang nakatitig pa rin doon.
   
    Nanikip ang dibdib ko habang tinitingnan siya. Nakikita ko ang panunubig ng mga mata niya pero mabilis siyang tumingala para pigilan ‘yon.
   
    “Nandito ka ba para pagtawanan kami?” mahina niyang tanong na ikinakunot ng noo ko. “M-Masaya ka na bang ito ang nangyari sa amin?”
   
    Nilingon niya ako. Umiling agad ako sa kaniya. Napatitig naman ako sa mga mata niyang hinding hindi na maitago ang sakit at pagod na nararamdaman niya.
   
    Nakikita ko ang mga mata ko noon sa mga mata niya ngayon.
   
    Hindi ko alam kung anong mas masakit, ang ginawa niya ba sa ‘kin o ang pagkamatay ng dalawang babae sa buhay niya, pero alam ko kung gaano kasakit.
   
    “I lost you, my mother, and the mother of my child.”
   
    At hindi na niya napigilan pa ang luha niya. Yumuko siya para tingnan ang anak niya.
   
    “If these are the consequences of my mistakes and sins, then I’ll accept it.” Nagsimulang manginig ang balikat niya. “Wala akong ibang magagawa kun’di tanggapin.”
   
    Umiwas ako ng tingin at sumandal. Tiningnan ko muli ang kabaong at napabuntong-hininga na lang.
   
    Ito na nga siguro ang kapalit ng lahat.
   
    “K-Kung maibabalik ko lang ang oras…”
   
    “Anong gagawin mo?” tanong ko at nanatiling nasa harapan ang tingin.
   
    “H-Hindi kita lolokohin. Pipilitin ko na lang, pipilitin ko na lang maging masaya ulit sa ‘yo, pipilitin ko na lang na mahalin ka ulit. Hinayaan ko na lang sana ‘yung frustration na naramdaman ko dahil hindi tayo magkaanak. I’m sorry… I’m sorry.”
   
    Hindi ako sumagot at pinakinggan na lang ang mahinang pag-iyak niya sa tabi ko. Mariin kong kinagat ang labi ko. Pati pakiramdam ko ay nabibigatan.
   
    Pero hindi mo na maibabalik ang panahon, Felix. Hindi mo na mababawi ang lahat ng nagbago at nagawa mo.
   
    “Hindi na sana nadamay pa si Cally,” dugtong niya at malakas na suminghot. “G-Gusto ko ring sabihin sa ‘yo na wala naman talaga siyang kasalanan. Ako lang ‘yung nagloko, ako lang ‘yung nagpilit.”
   
    Napalingon na naman ako sa kaniya. Nakatingin na ulit siya sa harapan habang walang tigil pa rin ang luha niya sa pag-agos.
   
    “S-Sinabi kong s-single ako, niligawan ko siya, sinagot niya ‘ko nang hindi alam na may asawa ako,” paliwanag niya.
   
    “Alam ko na ‘yan.”
   
    Lumingon siya sa ‘kin pero napaiwas lang ako ng tingin dahil hindi ko yata kayang makita ang namumula at umiiyak niyang mata.
   
    “Bago mo kami makita sa office, nakipaghiwalay siya sa ‘kin kasi nakonsensya siya. Nagalit din siya sa ‘kin dahil hindi ko sinabi ang totoo,” dugtong niya. “Pero ako ‘yung nagpumilit. Pinilit ko siya. Pinilit ko ‘yung amin. Hindi niya talaga ako babalikan pero nalaman niyang buntis siya.”
   
    Napatango-tango ako at pilit na ngumiti. “Minahal mo nga talaga siya…” mahinang sambit ko.
   
    Kasi hindi naman niya ipipilit ang kanila kung hindi niya minahal si Cally.
   
    “Sa ‘kin ka lang magalit, Mabs,” sambit niya sa paos na boses.
   
    Pagak akong natawa at tumayo na.  Bumuga ako ng isang malalim na hininga bago yumuko para tingnan siya.
   
    “Oo, galit na galit ako sa ‘yo— sa ginawa mo at sa pagkatao mo.”
   
    Suminghap siya at yumuko ulit. Napabuntong-hininga na lang ako nang nagising ang anak niya at gumalaw-galaw.
   
    Agad inayos ni Felix ang pagkakakarga sa baby at niyakap ito. Rinig na rinig ko pa rin ang pag-iyak, paghikbi, at pagsinghot niya.
   
    Tiningnan ko sa huling sandali si Cally bago ako mabilis na naglakad palayo. Sinalubong ako ni Vlad at sumabay sa ‘kin palabas.
   
    Bago sumakay sa sasakyan, sinulyapan ko muli ang Chapel.
   
    Cally, naiintindihan kong minahal mo lang din ang asawa ko kaya hindi mo naiwasang balikan siya. Naramdaman ko ring may pag-aalala ka sa ‘kin noon, hindi ko makakalimutan ‘yon. Alam kong biktima ka lang din ni Felix pero patawarin ka sana ng Diyos sa pagiging kabit ng dalawang lalaki. May you rest in peace.

———

Omg, pa-goodbye na tayo.
JenyxViolet

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon