— Mabs —
“Kung hindi mo ‘ko pinigilan kanina, baka nasuntok ko na ‘yong bastos mong asawa!” malakas na asik ni Vlad habang palakad-lakad sa harap ko at nakapamewang.
Bumuntong-hininga ako at sumandal. Hindi na lang ako nagsalita.
“Ang gaspang ng ugali.”
Pero itong si Vlad ay hindi pa rin humihinahon. Kanina pa kami iniwan ni Felix dito pero hindi pa rin talaga nawawala ang inis ni Vlad. Ako rin naman, hindi pa rin nawawala ang sakit.
Kung pag-isipan niya ako ay para akong isang malandi at makating babae.
Kapag may boyfriend o asawa na ba, hindi na puwedeng makipagkaibigan sa lalaki? Lalo na kung nakakatulong naman ang kaibigan na ‘yon sa ‘yo? Palibhasa hindi niya alam ang nararamdaman ko kapag mag-isa lang ako, wala siya habang nahihirapan ako rito.
“Sabihin mo na kaya sa kaniya ang sakit mo?” suhestiyon niya. “Para naman hindi ka na niya gaguhin. Alam mo, sigurado akong magbabago ‘yan kapag nalaman niyang may taning ka na.”
Tumango ako. Naisip ko na rin kasi ‘yan pero nagdadalawang isip pa rin ako.
“Vlad, umuwi ka muna,” sabi ko na ikinatigil niya sa paglakad-lakad. “Aalis lang ako.”
Kumunot ang noo niya at mabilis na umupo sa tabi ko. “Ano? Saan ka pupunta? Maayos na ba ang pakiramdam mo? Paano kung atakihin ka, manghina, mahimatay o—”
“Shh…” Hinawakan ko siya sa braso na ikinatahimik niya. “Kaya ko na. Salamat na lang sa concern, Vlad.”
Nagtitigan kami. Nakikita ko sa mga mata niyang tumututol siya pero tinatagan ko ang pagtitig sa mga mata niya para siguraduhin sa kaniyang ayos lang ako. Bumuka nang maliit ang labi niya at unti-unting bumaba ang tingin sa labi ko.
Umiwas siya ng tingin at medyo lumayo. Tinanggal niya rin ang kamay kong nasa braso niya. Napansin ko pa ang paglunok niya bago siya tumayo at hindi nakatingin sa ‘king tumango.
“O-Okay, mag-iingat ka.”
Napatayo ako nang mabilis siyang naglakad palabas ng bahay.
Hindi ko na lang inisip ang naging kilos niya. Umakyat agad ako sa taas para makaligo at makapag-ayos ng sarili.
Saglit lang akong naligo. Nagbihis ako ng simpleng V-neck shirt at jeans. Ipinony tail ko lang ang buhok ko bago kinuha ang bag at lumabas.
Pupuntahan ko siya ngayon. Basta hahanapin ko siya. Tama si Vlad, dapat ko na ngang sabihin sa kaniya ang tungkol sa kondisyon ko. Kung ito lang ang paraan para tumigil siya sa pananakit sa ‘kin, sige, sasabihin ko na.
Nag-taxi ako papunta sa kompanyang pinagtatrabauhan niya. Sinabi sa ‘kin ng isang kilala kong workmate niya na nasa opisina siya.
Mabuti na lang, hindi ko na kailangang maghanap kung saan-saan.
Malakas ang kabog ng puso ko habang nasa elevator. Mas lumakas pa ito habang naglalakad na ako papunta sa department niya.
Kailangan kong lakasan ang loob ko. Siguradong babalik na siya sa ‘kin kapag nalaman niya ang totoo dahil wala na rin naman sila ni Cally. Maaawa ‘yon sa ‘kin, sigurado ako.
“M-Mabegail, ikaw pala!” bungad sa akin ni Diego, workmate ni Felix na kakilala ko rin dahil madalas din ako dati rito no’ng wala pa ‘kong sakit.
“Kakausapin ko lang ang asawa ko,” sabi ko at papasok na sana pero bigla siyang humarang. Kumunot ang kilay ko. “Bakit?”
Kinamot niya ang ulo niya at umiling. “Nasa labas pa kasi si Felix—”
“Hihintayin ko siya sa office niya,” agad kong tugon.
Sinubukan kong lagpasan siya pero humarang na naman ito. “Matatagalan daw siya—”
“Papasukin mo ako.” Diniinan ko ang pagsasalita. Nakakainis kasi ang pagharang-harang niya.
Napayuko siya at dahan-dahan ngang tumabi. Mabilis akong naglakad papasok at dumiretso sa office ni Felix. Hindi ko na rin kinatok pa dahil bukas naman ito.
Pagkasara ko ng pinto, natigilan din agad ako dahil sa mga papel na nakita kong nagkalat sa sahig. Tumaas ang tingin ko sa desk na wala nang nakapatong. Nagkalat sa sahig ang lahat ng gamit na galing sa desk.
Kumunot ang noo ko sa pagtataka. Inilibot ko pa ang paningin ko sa buong opisina. Naglakad ako palapit sa nag-iisang couch rito. Ang mga unan kasi ay nasa sahig din.
At napansin kong may parteng basa rin sa couch. Dahil na-curious ako, hindi ko napigilang hawakan ang parteng ‘yon.
Napanganga agad ako dahil sobrang lagkit nito nang nakapa ko na. Napalunok ako pero itinuloy ko ang pag-alam kung anong meron. Inamoy ko pa ang kamay ko.
“S-Shit!” Napamura ako dahil alam ko ang amoy nito.
“Babe, ikaw ba ‘yan? Nakabalik ka na?”
Napatayo ako nang tuwid dahil sa narinig kong boses babae. Tinitigan ko ang pinto ng banyo rito sa loob ng opisina.
Hindi ako puwedeng magkamali kung kaninong boses ‘yon.
Suminghap ako at tumingin muna ulit sa buong paligid bago naglakad palapit sa banyo. Kinalampag ko ng katok ‘yon.
“W-Wait lang naman!” sigaw niya pero itinuloy ko ang malalakas na paghampas sa pinto. “S-Sorry kung hindi ko nalinis agad diyan, naligo muna ako e.”
Sumisikip ang dibdib ko dahil alam ko na kung anong nangyari dito. Gusto kong magsusumigaw at ibalibag lahat ng gamit dito pero hindi ko kaya.
Isang bagay na lang ang kaya kong gawin.
“Babe— Aw!”
Ang sampalin ang babaeng ‘to.
Sinampal ko agad si Cally pagkabukas niya ng pinto. Hindi pa niya ‘ko natitingnan nang deretso pero hinawakan ko na agad ang buhok niya at hinila siya palabas sa banyo.
“Ganito kayo kababoy?” mariin kong tanong at iniharap ang mukha niya sa itsura ng opisina.
“M-Mabegail?” Kahit nakangiwi ay namilog pa rin ang mga mata niya nang tingnan niya ‘ko. “L-Let me go, Mabegail!”
Mas hinigpitan ko ang hawak sa buhok niya. Tinatagan ko ang loob ko para hindi maiyak muli sa harap niya.
Kaya ko ‘to, kaya ko…
“Nag-usap na tayo, ‘di ba?” sambit ko. Busy naman siya sa pagtanggal sa kamay ko. “Cally, maayos ang usapan natin! Pumayag kang iiwan mo na ang asawa ko!” Napasigaw na ako dahil sa gigil ko sa kaniya.
Akala ko nagkaintindihan na kami. Buong akala ko ay may respeto siya sa relasyon ko kay Felix. Inisip ko talagang hindi niya gustong maging kabit!
“Pero ano ‘to, ha? Naabutan ko lang naman ang bakas ng kababuyan n’yo!” Hinarap ko naman ang mukha niya sa ‘kin at doon ko nakita ang pagtulo ng luha niya. “Napakalandi mo!”
At sinampal ko ulit siya. Napasigaw siya sa sakit habang hindi ko pa rin binibitiwan ang buhok niya.
“Cally!”
Napatingin ako sa sumigaw. Mas lumakas ang tibok ng puso ko dahil sa galit nang nakita ko na ang napakagaling kong asawa.
Napatakbo siya palapit sa amin. Kitang kita ko ang pag-aalala sa mukha niya habang nakatingin kay Cally.
Hindi ko naman inasahan ang sunod niyabg ginawa.
“Let her go, Mabs!”
Itinulak niya ako nang malakas palayo. Napadaing ako at pumikit nang mariin nang tumama ang tagiliran ko sa edge ng desk.
Dumausdos ako paupo habang iniinda ang sakit. Naluluha ko silang tiningnan.
Pero mas masakit pa rin pala talagang makita ang pagyakap niya sa Cally’ng ‘yon kaysa sa sakit na natamo ko sa pagtulak niya.
Nagsarado ang mga palad ko habang pinapanood ang yakapan nilang dalawa. Nakatingin si Cally sa ‘kin habang umiiyak at si Felix naman ay walang tigil sa paghalik sa ulo niya.
Pagak akong tumawa at dahan-dahang tumayo. Masakit pa rin ang tagiliran ko kaya pinilit kong tumayo nang tuwid sa kanila.
“Cally, ikaw na mismo ang nagsabi, wala kang karapatan sa asawa ko!”
Napatingin din si Felix sa akin. Humiwalay muna siya kay Cally bago lumapit sa akin.
“Ah!” napasigaw na naman ako nang malakas niya ‘kong sinampal.
Napaatras pa ako sa sobrang lakas at halos hindi ko na naramdaman ang pisngi ko dahil sa pamamanhid.
“Why did you hurt her?!” malakas at mariing tanong ni Felix.
Puno ng hinanakit ang mga matang sinalubong ko ang matatalim niyang titig. “Dahil kabit mo siya! Isa siyang kabit!”
“B-Babe, tama na!”
Sabay kaming napasigaw ni Cally nang sampalin na naman ako ni Felix, pero ang sigaw ko ay isang daing.
Napaatras na naman ako at tumama ang likod sa desk. Sobrang sakit pero tiniis ko ‘yon para harapin pa rin siya.
“Diyan ka lang magaling!” sigaw ko at natawa. “Ang saktan ako! Ang sampalin ako!” Ginantihan ko rin ng masamang tingin ang galit niyang mga mata. “Ano, gusto mo pa? Isa pa? Ito, sampalin mo naman ‘tong kabila!”
Lumapit ulit ako at iniharap sa kaniya ang kabila kong pisngi.
Nanatili akong dilat nang umamba siya ng sampal pero mabilis na hinawakan ni Cally ang kamay ni Felix.
“Huwag, please. Huwag mo na siyang saktan,” pakiusap niya na para bang concern talaga siya.
Pwes, hindi ako naniniwala.
Namumula na si Cally sa pag-iyak, si Felix din ay namumula pero alam kong dahil sa galit ‘yon. Kumislap ang mga mata niya na para bang may nagbabadyang luha.
Nagtagis ang panga niya habang hindi pa rin bumibitiw sa titigan namin. Suminghap siya at tinalikuran ako. Hinila niya rin si Cally papunta sa harap niya.
Napakurap-kurap ako at hinabol ang aking hininga. Ang kirot sa dibdib ko ay mas lalo pang lumala.
Please, huwag ngayon… Nasa gitna ako ng paglaban, please, huwag muna.
“Umalis ka na, Mabs, bago pa kita masaktan ulit.” Wala nang diin sa boses niya.
“M-Masama bang…” Nakatitig pa rin ako sa kaniya kahit nakatalikod na siya. “Masama bang bawiin kay Cally ang dapat na sa akin?”
“Wala ka nang mababawi dahil hindi na ako sa ‘yo!”
Nakagat ko ang labi ko sa pagharap at pagsigaw na naman niya sa ‘kin. Dinuro niya pa ako na parang ipinapamukha talaga kung ano na lang ako para sa kaniya.
Salitan ko silang tiningnan ni Cally. Nagtakip ng bibig si Cally at yumuko habang si Felix ay masama pa rin ang tingin sa ‘kin.
Mariin kong itinikom ang labi ko habang dahan-dahang bumababa para lumuhod sa harap nila.
Nawala ang matalim na tingin ni Felix at tila tumigil sa pagtulo ang luha ni Cally.
Isang pakiusap na lang para sa huling paglaban ko…
“L-Love, nakikiusap ako, nagmamakaawa ako…” Lumuluha ko siyang tinitigan ulit. “B-Bumalik ka na sa ‘kin, mahal ko. Kailangan kita, ikaw lang ang lakas ko, ang buhay ko, ang nag-iisang meron ako.”
“M-Mabegail, tumayo ka diyan,” mahinang utos ni Cally kaya sa kaniya naman ako tumingin. Umiling-iling siya sa ‘kin habang umiiyak na naman.
“Cally, please, nagmamakaawa ako, ibalik mo muna ang asawa ko…”
Kinagat niya ang labi niya at mabilis na tumalikod. Rinig namin pareho ni Felix ang paglakas ng iyak ni Cally.
Tinitigan ko ulit ang asawa ko. Saktong pagtingin ko ay isang luha mula sa mga mata niya ang nagpakita.
Mas bumilis ang pagtulo ng luha ko dahil doon. Nakaluhod pa rin akong unti-unting lumapit sa kaniya.
“Love, k-kakalimutan ko lahat basta samahan mo lang ako. Samahan mo ‘ko hanggang dulo,” sambit ko at tumingala sa kaniya. “May sak—”
“Buntis si Cally.”
Napaluhod-upo na ‘ko pagkarinig na pagkarinig ko sa sinabi niya.
Bumaba ang tingin ko sa sahig at ang pag-iyak ay kusang tumigil.
Bigla akong nanghina. Parang may humila sa buong pagkatao ko at tinanggalan ako ng lakas at pag-asa.
Ang sabi ko noon… hindi na ako magugulat kung malalaman kong buntis na si Cally pero sobrang sakit pala.
Napakurap ako nang pumantay sa ‘kin si Felix. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at pilit itinayo.
Sumunod ako pero pagkatayo na pagkatayo namin ay paulit-ulit ko siyang sinampal. Hindi niya man lang pinigilan ang mga kamay ko kaya sinuntok-suntok ko naman ang dibdib niya.
Wala akong sinabi, paulit-ulit ko lang ginawa ang pananakit na ‘yon.
Pero kahit gawin ko ‘to, walang nabawas sa sakit na dinadala ko.
“B-Buntis siya at hindi ko siya puwedeng iwan, Mabs.” Sinabi niya ‘yon habang walang tigil ang paghampas ko sa kaniya.
Si Cally ay nakatalikod pa rin at tahimik nang umiiyak, mukhang hindi na gustong makisali pa rito.
Hinihingal akong tumigil. Doon niya lang hinawakan ang dalawang kamay ko. Napasandal ako sa dibdib niya sa sobrang panghihina. Hindi niya naman ako itinulak palayo.
Isa na lang talaga, huli na ‘to.
“Puwede mo bang s-sabihin sa ‘kin na a-anak lang ang habol mo sa kaniya kasi hindi kita mabigyan, at ako pa rin ang m-mahal mo?” pakiusap kong muli.
Malakas siyang bumuntong-hininga. Naririnig ko naman ang malakas na tibok ng puso niya habang nakasandal ako sa kaniyang dibdib.
“I’m sorry, Mabs. Hindi na talaga kita mahal.”
Kahit gaano pa kasakit ang sinabi niya, nagulat na lang ako nang walang luhang tumulo mula sa ‘kin. Mukhang napagod na sa pag-iyak ang mga mata ko.
Dahan-dahan akong tumango at suminghap. Nilanghap ko ang mabango niyang amoy at pumikit nang marahan.
Mami-miss ko ‘to— ang amoy niya, ang dibdib niya, ang hawak niya, ‘yung siya. ‘Yung Felix na minahal ko at minahal ako.
“Pagod na ako…” bulong ko. “Pagod na pagod na ako, love.” Nanginig ang mga labi ko.
Magkakaanak na sila at ang anak na ‘yon ay kailangan ng tatay, ng buong pamilya. Magkakaanak na ang asawa ko, bagay na matagal niya nang gustong mangyari at hindi ko maibigay. Si Cally na talaga ang mahal niya.
Hanggang dito na nga lang talaga siguro ako. Wala na akong laban do’n.
Umatras ako palayo. Iniwasan kong tingnan ulit ang mga mata niya. Tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa kamay ko.
“I’m sorry for being not enough,” huling sinabi ko bago siya tinalikuran.
“M-Mabs…”
Hindi ko na pinansin ang pagtawag niya sa ‘kin kahit tila nabasag ang boses niya.
Mabagal akong naglakad palabas. Sana lang ay umabot ako sa bahay.
Hindi na rin ako umasang hahabulin niya pa ako dahil matagal na niya ‘kong binitiwan.
At bumibitiw na rin ako ngayon.
Pinagod ako ng taong ginawa kong pahinga, buhay ko, at lakas na naging pinakamalaking kahinaan ko na rin.
———Walang iiyak for todayz chapter!!
BINABASA MO ANG
Wife Series #3: The Breakable Wife
Ficción GeneralCOMPLETED "They are literally breaking the heart of the Wife, Mabegail -- The Breakable Wife" The husband wanted to leave his wife. The wife begged him to stay. He stayed but not like how they were together before. There was no love anymore. It was...