3

8.3K 200 3
                                    


NANLALAMBOT na si Rei at walang gustong gawin kundi ang mahiga pagdating sa kanilang bahay. Ilang oras din siyang nagmaneho; para siyang tsuper ng bus. At mukhang hindi matutuloy ang balak ng papa niyang panonood ng basketball. Nakahiga ito nang mapasukan niya sa silid.

"Are you all right?" tanong niya.

"Medyo nahilo lang ako. Lalagnatin yata ako," sagot nito.

"Baka nagpagod ka nang husto, 'Pa." Lumapit si Rei sa kama ng ama. Nakapatong sa side table ang framed picture nito at ni Uncle Del, magkaakbay, maluwang ang mga ngiti dahil humahalakhak nang kunan ng picture.

May pag-asa pa siguro na magkabati ang dalawa dahil hindi naman itinatapon ng papa niya ang picture. Pero nang mapansin ng kanyang ama na doon siya nakatingin, bigla nitong hinagip iyon at inihagis. Dahil kahoy ang sahig kaya siguro hindi nabasag ang salamin ng frame.

Dinampot ni Rei ang framed photograph. "Kumain ka na ba, 'Pa?" tanong niya.

"Itapon mo ang larawang 'yan. Ayoko nang makita ang taong 'yan!" sabi ng papa niya.

"I will. Kumain ka na ba?"

"Wala akong gana, pero nagpaluto ako kay Goring. Kumain ka na muna." Bigla itong napangiwi at sinapo ang dibdib.

Agad niya itong dinaluhan. "Bakit, Papa?"

"W-wala. Nabigla lang ako," sabi nito, sapo-sapo pa rin ang dibdib.

"Tatawagin ko si Doctor Ramirez, Papa." Dinampot ni Rei sa side table ang telepono, idinayal ang number ng kanilang family doctor na nakatanim na sa kanyang memorya. Noong naratay sa sakit ang mama niya, halos maya't maya nyang tinatawagan ang doktor dahil doon lang gustong magpatingin ng kanyang mama.

"Huwag na. Wala naman ito. Napagod lang siguro ako."

Pero nagri-ring na ang telepono ng doktor. Nang sumagot si Dr. Ramirez, agad niya itong pinapunta sa kanila.

Naupo si Rei sa gilid ng kama matapos kausapin ang doktor. "Madalas bang sumakit ang dibdib n'yo, Papa?" tanong niya. Kailangan na nga sigurong gawan ng paraan ang tampuhan of the century. Baka dahil sa sama ng loob, magkaroon pa ng heart ailment ang kanyang papa.

"Hindi naman. Heartburn lang siguro ito," sabi nito.

"Mabuti na ring matingnan ka ni Doctor Ramirez para ma-schedule kung may mga test na dapat gawin."

"Salamat, anak. Pero mas mabuting kumain ka muna, malayo ang biniyahe mo. Huwag na siguro tayong manood ng laro, magpahinga ka na lang. Pasensiya ka na kung demanding ako nitong mga nakaraang araw."

"Okay lang 'yon, Papa. Mabuti kang ama sa akin at hindi lahat ng anak, napagkalooban ng ama na kagaya mo."

He smiled. "Hindi rin naman lahat ng ama pinagkalooban ng anak na kagaya mo." Hinagip nito ang kamay niya at pinisil. "Kahit ano pa ang nangyari, alam kong mapalad pa rin ako. I have you."

"I'll always be here for you, 'Pa," sabi ni Rei and realized that if he really loved his father so much, kailangan nga niyang makipagtulungan kay Peppermint. Kung mapagbabati nila ang kani-kanilang mga ama, that would probably be the greatest favor he could give his father. Malinaw na ang kailangan lang ng kanyang papa para manumbalik ang sigla ay ang best friend nito.

Pagkatapos ng tatlumpong minuto, in-announce ng katulong nilang si Aling Goring na dumating na si Dr. Ramirez. Sinabihan niyang patuluyin na sa silid ng kanyang papa ang doktor.

Hindi naman nagtagal, pumasok na si Dr. Ramirez. Matanda na rin ito. Ito na lang yata ang doktor na walang espesyalisasyon sa panahon ngayon. He was a general practitioner mula noon hanggang ngayon, tapat sa mga inaalagaang pamilya.

"Ano ba'ng nangyari, Pepe?" tanong agad ng doktor.

"Heartburn lang. Nag-alala lang agad itong si Rei."

Lumapit sa kanyang papa ang doktor, kinapa ang dibdib, pagkatapos ay kinuha sa bag ang stethoscope, idinikit iyon sa dibdib ng kanyang ama. Hindi nagsasalita si Dr. Ramirez habang isinasagawa ang pagtingin sa kanyang ama.

Tinanggal nito sa tainga ang stethoscope, pagkatapos ay ibinalik uli at inilabas ang sphygmomanometer. Ibinalot nito sa braso ni Don Pepe ang inflatable cuff. Tahimik na tahimik pa rin ang doktor habang inaalam ang blood pressure ng kanyang papa.

Nagpasya si Rei na iwan na muna ang dalawa sa silid.

Sa sala siya naghintay. Pilit niyang iniisip kung ano ang naging mabigat na dahilan ng away ng kanyang ama at ni Uncle Del. Higit pa sa magkapatid ang turingan ng dalawa, bakit ngayon, gusto nang maglimutan?

At bakit nagbabalak si Uncle Del na isuko ang Don Pepe's? Kung mahalaga kay Rei ang negosyong itinatag ng dalawa, mas mahalaga iyon sa mga ito.

Nakita niyang lumabas ng silid si Dr. Ramirez.

"Ano'ng diperensiya, Doc?" tanong agad niya pagkatayo mula sa sofa.

"Wala naman. Normal ang BP, normal ang heartbeat."

"Eh, bakit ho biglang nanakit ang dibdib?"

"Siguro nga heartburn lang. Pero kung nag-aalala ka pa rin, dalhin mo sa clinic. I'll check him up. Pero ang duda ko, nasa isip lang niya lahat ng nararamdaman. Your father is depressed and I know why. Kahapon, galing ako sa tapat, nagrereklamo ng sakit ng ulo si Fidel. Wala rin akong makitang ibang dahilan maliban sa napapagod siguro ang mga mata n'on. Ayon kay Pepper, hindi na raw umaalis si Fidel sa harap ng TV. Bakit ba nag-away ang dalawang 'yon?"

"Hindi ko rin ho alam, Doc. Ang alam ko lang, dinaramdam iyon ng Papa, pero ayaw namang maunang makipag-usap kay Uncle Del. Nagpapataasan sila ng pride, pareho naman silang nahihirapan," saad niya.

Napailing ang doktor. "Kung kailan naman tumanda, saka naman—"

"Baka naman ho puwedeng kayo ang kumausap kay Papa. Baka sakaling sabihin sa inyo kung ano ang problema," sabi ni Rei.

Natawa ang doktor. "Kaya nga sa iyo ko itinatanong, ayaw ring magsalita sa akin ng papa mo."

Inihatid niya hanggang sa labas ang doktor, nangakong sasamahan bukas sa clinic nito ang kanyang papa. Pagkatapos niyon, he was going to meet with a child-woman called "Peppermint."

Bud Brothers 6: Pepper's Roses (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon