8

7.6K 182 6
                                    


MINSAN pa lang nakadaan sa Lian, Batangas si Pepper, noong minsan na nag-swimming siya sa Matabungkay kasama ang mga kaibigan. Dalangin niya na tama sana ang kalsadang tinatahak niya. Siguro talagang desperada na siya kaya ura-uradang susugod sa Bud Brothers farm, kung saan naroroon daw si Rei. Sa makalawa pa raw babalik sa Bulacan ang lalaki ayon kay Uncle Pepe.

Siguro talagang desperada siya para patulan ang suggestion ni Jing. Pero kung tutuusin, may katwiran ang babae. Bakit hindi agad niya naisip ang ganoon? It could work.

Ang problema lang ay kung mapapapayag niya si Rei pagkatapos ng kissing scene nila noong kamakalawa ng gabi. Baka naman pagbintangan pa siyang nananamantala lang ng oportunidad.

Pero bakit ba siya magi-guilty? Hindi naman alam ni Rei na nabuhay na uli ang pagsintang-pururot niya rito at wala siyang balak ipaalam iyon. Dadanak muna ng dugo sa Lupang Hinirang bago niya maamin sa lalaki ang damdamin. Kung sa sarili nga ayaw pa niyang aminin nang tahasan, kay Reynaldo pa kaya?

Para sa ilang dekadang samahan ang gagawin niya. Para sa lalaking pinakamamahal, hindi sa ano pa man.

Tell that to the cockroach! sabi ng konsiyensiya ni Pepper. Kaya raw sang-ayon kaagad siya sa sinabi ni Jing ay dahil pagkakataon na rin niya iyong mapalapit kay Rei.

Konsiyensiya ka lang. Pampagulo ka ng buhay! sagot naman niya. Nasaan na ba siya? Alas-kuwatro na ng hapon. Makabalik pa kaya siya sa Bulacan? Depende iyon sa magiging reaction ni Rei kapag narinig ang imumungkahi niya.

HINDI nagsisinungaling si Dick. Maganda nga ang pinsan nitong si Monique. Rei was more than pleased. Di-hamak na lamang ito nang isang dosenang paligo kay Pepper. Pink ang kutis, pula ang buhok na hindi nawawala sa tamang patas kahit mahangin sa farm. Mukhang engkantada ng mga gladiola sa suot na puting bestida na may burdang maliliit na pink flowers.

"Puwedeng-puwedeng mahalin, 'no, brod?" bulong sa kanya ni Dick nang saglit na tumalikod si Monique. Si Dick ang sumundo rito sa Alabang at dinala sa farm para ipakilala sa kanya. Kanina lang umaga dumating ang dalawa.

"Okay ka, brod. I love you!" Kinabig ni Rei ang balikat ni Dick palapit sa kanya. Siguro naman, kapag nahalikan niya si Monique, made-delete na sa memory bank niya ang lasa ng mga labi ni Pepper.

Biglang humarap si Monique. "What's going on?" tanong nito na nakatawa, parang narinig naman ang pag-uusap nila ni Dick at tuwang-tuwa roon.

"Wala, ganito talaga kaming magmahalan," sabi ni Dick.

"Yup," sang-ayon ni Rei. "Ahm, listen, gusto mo bang mamasyal? Ililibot kita sa buong farm," alok niya.

"Sure. Tamang-tama, mababa na ang araw," sabi ni Monique na may trace pa ng American accent. Ayon kay Dick, doon nag-aral ng high school at kolehiyo ang babae.

Educated in America, Philosophy degree holder, maganda, at sexy. Ano pa ang hahanapin niya?

Wala na nga. Wala.

"Dito na lang ako, brod. Kayo na lang ang mamasyal," sabi ni Dick, halata namang gusto lang silang bigyan ng pagkakataon na magkasarilinan ni Monique.

"Ikaw ang bahala. Let's go, Monique." Hinawakan ni Rei sa siko ang babae at iginiya pababa sa hagdan. Langhap niya ang halimuyak ng buhok nito. Hindi yata pinapawisan ang anit. Dumaan na ang maghapon, amoy-shampoo pa rin.

Perfect.

Move over, Peppermint!

Hiningi muna niya kay Minerva ang susi ng Wrangler jeep na dating kay Pete, pero ngayon ay opisyal na sasakyan sa loob ng farm.

"I like it here. It's as though God's telling me, 'hey, look at what I can do!'" sabi ni Monique nang baybayin nila ang taniman ng heliconias at gladiola.

"I agree. Kaya nga hindi ako makatagal sa Manila, gusto ko laging pumunta rito. Ang sarap kasi ng pakiramdam," sabi ni Rei. Kinukumbinsi niya ang kanyang papa na sumama sa kanya, pero tahasang tumanggi. Wala raw ito sa mood na magbiyahe dahil nanlalambot. Nagpasya siyang iwan na muna ang ama. Sometimes, a man should be given the time to be alone.

"How do you harvest these so many flowers? It must be a tough job," komento pa ni Monique.

"Harvesting is done manually. Minsan, tumutulong kami sa pag-aani. Kailangan, makaani ng one hundred to two hundred stems per hour, per person, trimmed and graded. Sa packing, five hundred stems dapat per person. Per hour din iyon. Look closely," sabi ni Rei. "Kada square meter na area, tatlong halaman lang ang nakatanim."

"Yeah. Interesting."

"I'll show you the greenhouse. You'll love the roses." Iyon ang gusto ni Rei. Ang kasama niya ay hindi "kontratista" at hindi siya inaaway, nakikinig at interesado sa mga pinagkakainteresan niya.

Iyon ang ideal na sitwasyon ng babae at lalaki. Iyon ang ideal na simula ng isang relasyon. Boy meets girl. Boy gets to know more about the girl and vice-versa. Boy and girl become friends, then become lovers.

Everything about his life was carefully planned. Why should his relationships be any different?

"Oh, my!" Monique gasped upon seeing the greenhouse. "It's... it's paradise!"

"Yeah. My brod, Carlo, hindi mo pa siya nami-meet, siya ang nag-design niyan. Siya ang mahilig sa mga roses." Pinatay niya ang makina ng sasakyan at inalalayan si Monique na bumaba.

"SINO sila?" tanong kay Pepper ng lalaking kumakain ng banana cue sa loob ng kubo. Pamilyar ang lalaki at alam niyang nakilala na niya ito, hindi lang matandaan ang pangalan.

"Ahm... ako si Pepper. Si Rei?" tanong niya.

Dumukwang pa sa bintana ng kubo ang lalaki. "Pepper as in Peppermint?"

Tumango siya.

"Ikaw nga! Pasok! Akyat! Hindi mo ba ako natatandaan? Brod ako ni Rei." Bumaba ito ng hagdan na sinalubong niya. "Dick," pakilala nito.

Kinamayan ni Pepper ang lalaki. "I remember now. Sorry ha, hindi agad kita nakilala, humaba na kasi ang buhok mo." Sa pagkakatanda niya, skinhead dati ang lalaki na walang ginawa kundi ang bumalik nang bumalik sa buffet table.

"Oo nga, 'no?" sabi nito na parang noon din lang naalala na nagpakalbo dati. "Bakit napasyal ka? Biglang-bigla yata. Hapon na, ah."

"Kailangan kong makausap si Rei, eh. Nandito raw sabi ng papa niya."

"Importante ba? Kung hindi naman importante, hindi ka naman susugod dito. Halika, hanapin natin, nandiyan naman ang pickup ko."

"Salamat. Malaki pala itong farm n'yo, 'no?"

"Bakit ngayon ka lang pumasyal dito? Bukas ka na umuwi, darating mamaya ang mga brods namin. Sama ka sa gimmick namin. Tutugtog kami nina Rei sa Club Balisong."

Natapilok si Pepper sa narinig. "Si Rei? T-tutugtog? Paano—" Parang imposible yata ang narinig niya.

"May band kami. Bud Brothers. Pero dito lang kami tumutugtog, minsan din lang." Binuksan ni Dick ang berdeng pickup. "Sakay na!"

Para pa ring namamalignong sumakay si Pepper sa pickup. Kailan pa naging musikero si Reynaldo? He of the starched shirt and polished shoes?

"Ano'ng tinutugtog n'yo?" Baka naman oldies but goodies.

"Pop rock. Toto. Hall and Oates. Minsan 'Luha,'" sagot ni Dick at pinaandar ang sasakyan.

"'Luha,'" ulit ni Pepper. Kahit ano ang kanyang gawin, hindi niya ma-imagine si Rei na kumakanta ng "Luha."

"'Ayun sila!" sabi ni Dick pagkatapos ng limang minutong biyahe.

Si Pepper ngayon ang parang gustong kumanta ng "Luha."

"Akala ko, ikaw ay akin..."

Bud Brothers 6: Pepper's Roses (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon