1. Bottled Water

3.4K 49 8
                                    


Author's note:

Sinulat ko ang kwento na 'to noong September 21, 2012 at natapos ko siya December 25, 2013. Ang orihinal na pamagat ng kwentong ito ay "My Lazy Prince" na ngayon ay pinalitan ko sa pamagat na "Xyan". Nagkaroon ng book two ang My Lazy Prince na may pamagat na"The Comeback".

Hindi ko matuloy-tuloy ang pagtapos sa book 2, dahil sa book 1 pa lamang ay  napakaraming flaws, plot hole, errors sa spelling at construction ng sentences at ang sakit pa sa mata ng pagkakasulat. Kaya nagdesisyon akong i-unpublished ang dalawang kwento upang ayusin at baguhin ang kwento nito mula pamagat hanggang plot. Maraming salamat po!


===


NAPAKALAPAD ng mga ngiti ni Steffanie Salcedo habang nakatitig sa kanyang hinahangaang binata na si Francis Olivio. Fourth year high school pa siya noon nang magsimulang magka-crush sa binata. Inalam niya rin kung saan ito magco-college at laking pasasalamat niya sa Diyos dahil pareho pala sila ng University na napili.


"Dahan-dahan sa pagngiti baka mapunit 'yang labi mo." Tukso sa kanya ng kanyang pinsan na si Denisse.


Hindi niya ito pinansin sapagkat ang kanyang buong atensyon ay tanging nakatutok lamang kay Francis. Nakapikit ang binata habang dinadamdam ang pagkanta. Sumali ito sa battle of the bands sa one day event ng University kaya heto siya ngayon todo suporta kay Francis. Kilala siya ng binata dahil nasa high school pa lang ay inamin niya na dito na crush niya ito ang tanging itinugon lamang sa kanya ay isang simpleng pasasalamat sa paghanga niya dito. Maraming mga babae ang tumitili ngayon sa binata. Bigla siyang kinabahan dahil nakasisiguro siyang pagkatapos ng event na ito ay marami na siyang kaagaw kay Francis.


Huminto sa pagkanta si Francis dahil nasa instrumental part na ito. Nalipat ang kanyang tingin sa binatang katabi nito. Napanganga siya sa husay nitong maggitara.


"Ang galing niya oh!" Bulalas ni Denisse na tinutukoy ang lalaking naggigitara.


"Sino ba 'yan? Bagong member nila?" Tanong pa nito.


"Hindi ko alam." Tugon niya.


Ngayon niya lamang nakita ang binatang naggigitara. Kilala niya ang lahat ng miyembro sa banda ni Francis maliban sa taong ito.


Hindi niya alam kung guni-guni niya lang ba na nakatitig ito sa kanya habang naggigitara. Maya-maya pa ay muli niyang narinig ang malamig na boses ni Francis kaya muli niyang natuon ang kanyang atensyon dito.


Pagkatapos magtanghal ng banda nito ay nakita niyang nagpunta ang mga ito sa backstage.


"Denisse, tara! Ibibigay ko itong tubig kay Francis." Aniya.


Nahirapan silang makausad dahil sa dami ng estudyante na nanonood din sa event. Bahagya niya na ring naitutulak ang mga taong nakaharang sa daraanan niya kaya panay ang hingi niya ng paumanhin sa mga ito.


Nakarating siya sa backstage at hindi niya mahagilap ang kanyang pinsang si Denisse, nagpasya siyang tatawagan niya na lang ito matapos makausap si Francis.

XyanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon