17. Plano

556 12 2
                                    


"Francis."


Kulang na lamang ay mapatakip ako ng bibig dahil sa gulat ko. Anong nangyayari?


"Francis, paupuin mo na si Steffanie dito para makakain na siya," wika ng isang babae na di ko kilala.


Hahawakan sana ako ni Francis pero mabilis ko siyang nilampasan. Naupo ako sa bakanteng upuan at ganoon din ang ginawa niya, bumalik siya sa upuan niya kanina na siyang kaharap ko. Bigla kong naalala ang lahat ng nangyari. Naalala ko ang lahat-lahat ng mga sinabi niya tungkol sa akin. Ngayon, na muli kong naisip 'yon napagtanto ko na napakatanga ko pala noon. Sunod ako nang sunod sa kanya, nanonood ng mga practice niya kahit na pagkatapos ng practice ay iniiwan niya lang ako basta-basta. Naalala ko tuloy 'yong mga panahon na pinag-aaralan ko kung paano magluto para lang ipaghanda siya pero wala akong kamalay-malay na lahat ng iyon ay itinatapon niya pala.


Nakagat ko ang ibabang labi ko at palihim na huminga nang malalim. Parang bigla yatang nagkulang ng oxygen sa lugar na ito. Naninikip ang dibdib ko na parang may tumutusok. Gusto ko nang makaalis sa lugar na ito at bumalik na lamang sa apartment. Bumalik na lamang kay Xyan.


Mahigpit kong naikuyom ang hawak na kutsara. Si Xyan... kahit na kanina lamang kami nagkasama ay gusto ko na agad umuwi doon.


Umuwi? Kung iisipin ay narito ako ngayon sa talagang bahay ko kaya dapat itong lugar na ito ang uuwian ko kasi ito ang tahanan ko. Pero hindi sa pagkakataong ito, lalo pa at nandito sa harapan ko itong si Francis.


"Okay ka lang ba, Steffanie?"


Isang matalim na tingin ang ipinukol ko sa taong nagtanong sa akin no'n. Walang iba kundi si Francis. Tinitigan ko siyang mabuti at huli-huli ko kung papaano umangat ang sulok ng labi nito. Sinasabi ko na nga ba. Nagpapanggap ito. Nagpapanggap itong mabait ngayon, na concern sa akin. Pero bakit niya gagawin ito?


Hindi ko na lamang iyon sinagot at kumuha na lang ako ng pagkain. Hindi ko dinamihan ang pagkuha, parang nagsandok lang ako bilang pagbibigay respeto sa mga bisita. Baka kasi anong isipin nila sa akin kung mag-iinarte ako dahil lang sa Francis na ito.


"Steffanie, sina Tito George and Tita Clodet, ang mga magulang ni Francis," wika ni Mama.


Napatingin ako sa dalawa at ngumiti sa kanila. Kahit dati akong may gusto kay Francis ay hindi ko pa nami-meet sa personal ang mga magulang nito. Ngayon ko nga lang nalaman na magkakilala pala ang mga magulang ko at mga magulang niya.


"And their son, Francis. Pero mukhang magkakilala naman na kayong dalawa," puna ni Mama.


Pero wala akong pakialam doon, itinutok ko ang atensyon sa pagkain na nasa plato ko.


"Yes Tita Marrett, kilala na po namin ang isa't isa," biglang sagot ni Francis kay Mama, "Nag-confessed po sa akin si Steffanie na may gusto siya sa akin, and I also have feelings for her po but pag-aaral muna ang uunahin namin."


Nag-angat ako ng mukha at saktong nagtawanan ang apat na matatanda. Nakita ko na naiiling si Papa habang bahagyang tumatawa. Napatingin ako kay Francis at pinagtaasan ko siya ng kilay pero ngumisi lang ito. Pwede niya namang sabihin na opo, magkakilala kami. Kailangan pa ba talagang magdagdag pa ng ibang impormasyon? Sa lahat ng impormasyon na sasabihin ay iyon talaga? Kalahating totoo at kalahating kasinungalingan!

XyanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon