6. Sinampay

716 24 5
                                    


Nasa hallway sila at nasa likuran niya si Xyan na tahimik lamang na sumusunod sa kanya. Saglit niyang sinulyapan ang binata, nakatupi na ang telang ipinatupi niya kanina. Napairap siya nang matitigan ang cast nito na ginuhitan niya.


Imbes na isipin pa ang binata na nasa likuran lamang ay inabala niya na lang ang sarili sa pagbibilang sa kanyang isipan kung magkano na lang ang naiwan sa pera niya. Sabado bukas at wala siyang pasok kaya pinag-iisipan niya kung magpapa-laundry ba siya o siya na lang ang maglalaba ng mga damit niya para makatipid.


"Steff!"


Nilingon niya iyon mula sa kanang direksyon. Napangiti siya nang makitang papalapit sa kanya si Denisse.


"Natapos mo na report mo?" Tanong niya kay Denisse.


"Oo."


Napansin niyang napasulyap ito kay Xyan na nasa likod niya at ibinalik sa kanya ang mga nanunudyong tingin. Pinandilatan niya lamang ng mga mata si Denisse na parang sinabi niya na 'wag itong magtatanong ng kung ano-ano lalo pa at nandito si Xyan.


Kilalang-kilala niya ang kanyang pinsan kaya alam niyang may iniisip ito na hindi niya nagugustuhan.


"Oo nga pala nakita ko si Francis kanina," ngiting-ngiti na turan ni Denisse.


Natigilan siya at bahagyang ibinuka ang kanyang bibig ngunit naisara niya ito ulit dahil hindi niya alam kung papaano sasabihin kay Denisse ang mga nangyari sa pagitan nila ni Francis.


Sinulyapan niya si Xyan na tila siya nagpapasaklolo sa binata ngunit matamang nakatitig lamang sa kanya ito.


"Steffanie," untag ni Denisse sa kanya.


Bago pa siya makapagsalita ay dumating nga ang lalaking binanggit ni Denisse. Magkasalubong ang mga kilay ni Francis na nakatingin sa kanya at nalipat ang atensyon nito kay Xyan nang lampasan na siya nito.


Nasaksihan niya na sinadyang bungguin ni Francis si Xyan sa balikat nito at ganoon din ang ginawa ng mga lalaking kasama ni Francis.


"Paharang-harang ang basura," iling-iling pang wika ni Francis.


Tinapunan ito ng titig ni Xyan at napansin ni Steffanie na nakakuyom na ang kaliwang kamao nito.


"Steff, a-anong nangyayari?" Tanong ni Denisse na naguguluhan sa tensyong nasasaksihan.


Nagtagisan ng mga tingin si Xyan at Francis. Bago pa magkairingan ay nagmadaling humawak si Steffanie sa balikat ni Xyan.


"Xyan halika na, 'wag mo na lang siyang pansinin," sinubukan niyang hilahin palayo si Xyan mula kay Francis ngunit hindi man lang niya ito naigalaw.


Pare-pareho silang nagulat nang may biglang humarang sa pagitan nina Xyan at Francis.


XyanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon