18. Valedictorian

563 14 2
                                    

ISANG MALAKAS na sampal ang natanggap ko mula kay Mama nang dumating na kami dito sa hospital.

"Marrett! Huwag mo namang saktan ang bata," awat ni Tita Clodet dito.

Napahawak ako sa pisngi ko at napahikbi dahil sa magkahalong sakit at pag-aalala para sa kalagayan ni Papa. Sinalubong ko ang mga mata ni Mama, wala akong ibang emosyon na nakikita kundi galit nito sa akin. Pinilit kong abutin ang kamay ni Mama pero umiwas ito sa akin.

"M-mama..." wika ko sa gitna ng mga hikbi ko.

"Tingnan mo kung ano ang ginawa mo! Papatayin mo ba ang Papa mo, Steffanie? Bakit hindi ka na lang sumunod sa mga utos namin ng Papa mo sa 'yo?"

Nasa labas ng emergency room kami ngayon at inoobserbahan na si Papa ng mga doctor. Napatingin ako kay Francis na nag-iwas naman agad ng tingin sa akin. Marahas kong kinagat ang labi ko hanggang sa malasahan ko ang dugo ko mismo. Tuloy-tuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha ko at muling sinalubong ang mga tingin ni Mama sa akin. Ngayon lamang niya ako tiningnan nang ganito. Dahil ngayon lang din naman ako hindi sumunod sa utos nila.

"A-ang hirap, Ma," pagkatapos kong sabihin iyon ay natakpan ko ang bibig ko dahil sa sunod-sunod na mga hikbi na lumabas mula dito.

Bakit ako? Bakit sa akin nangyayari ang lahat ng ito? Hindi ko naman alam na hahantong sa hospital ang pag-uusap namin kanina. Marahas akong huminga dahil parang may kung anong bagay na bumara sa daluyan ng hangin ko. Nag-aalala ako para kay Papa tapos galit pa sa akin ngayon si Mama.

Pwede silang humiling ng kahit na ano sa akin pero huwag lang ito. Ngayon pa na alam na ng puso ko na si Xyan na ang tinitibok nito. Bakit ngayon pa nila ako papahirapan ng ganito?

"Napakabastos mo, nagagawa mo na kaming suwayin ngayon!"

"Ma, gusto ko lang sumaya. Gusto kong pakasalan ang taong mahal ko."

"At sa Iver pa na iyon? Bakit sa kanya, Steffanie? Nalulugi ang negosyo natin dahil sa kanila!"

Umiling-iling ako, "Please, Ma, intindihin ninyo naman ako."

Napahawak ako sa dibdib ko dahil sobrang sakit at bigat ng puso ko ngayon. Hanggang sa naramdaman ko na lang ang sunod-sunod na sampal ni Mama sa akin.

Please, Mama...

Parang naging bingi ako at napaluhod sa harapan nilang lahat. Rinig ko ang mga masasakit na salitang binibitawan ni Mama sa akin habang sinasabunutan ako.

"Wala kang utang na loob! Matapos ang ginawa namin para sa 'yo ng Papa mo, ganito ang igaganti mo? Isang simpleng bagay hindi mo pa maibigay?"

Sa gitna ng gulo ay napatingin ako kay Francis na prenteng nakaupo habang walang emosyon na nakatitig sa akin.

Sa kanya ninyo ba ako balak ipakasal? Sa ganyang klaseng tao?

Simula bata pa lang ay sinusunod ko na lahat ng utos ninyo kahit mali minsan ang mga gusto ninyong ipagawa, Mama, Papa. Ngayon lang po ako susuway. Ngayon lang. Sa bagay lang na ito.

Napapasigaw ako sa sobrang sakit, hindi dahil sa pananakit ni Mama kundi sa sakit ng nararamdaman ko ngayon. Kahit na nahihirapan ay pinilit kong tumayo at tumakbo palayo sa kanilang lahat. Muntik pa akong matumba dahil sa nanginginig ang mga tuhod ko. Naririnig ko ang pagtawag sa akin ni Mama pero hindi ko siya nilingon, hindi ko siya kayang lingunin.

Hanggang sa namalayan ko na lamang na nandito na ako sa parking lot ng hospital. Dinukot ko ang cellphone ko mula sa bulsa ng suot kong dress. Tinawagan ko ang isang tao na alam kong magsasalba sa akin sa mga oras na ito.

XyanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon