16. Siya

555 13 2
                                    


STEFFANIE's


KATATAPOS ko lang sa ginagawa kong activity report nang makarinig ako ng katok sa may pinto. Nandito ako ngayon sa sala dahil naging abala ako sa activity at nanghiram ulit ako ng laptop kay Xyan. Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko sa sahig. Kahit na may malambot na sofa ay mas komportable akong gawin ang report sa sahig, hindi ko rin alam kung bakit.


Nang buksan ko ang pinto ay agad pumasok si Xyan sa loob na may dalang malaking plastic at naglalaman ng kung ano-ano.


"Ano 'yang dala mo?" tanong ko sa kanya.


Inilapag nito ang plastic sa mesa kaya lumapit ako para matingnan ang dala niya sa malapit.


"Mga bigay ni Ate sa 'yo kanina," sabi nito at isa-isa nang inilalabas doon ang mga produkto.


Nanlaki ang mga mata ko dahil akala ko talaga ay biro lang iyon kanina. Hinawakan ko ang braso niya para sana pigilan siya.


"X-xyan, pwede namang 'wag mo na lang ibigay sa akin 'yan. Hindi naman malalaman siguro ng Ate mo, 'di ba?"


Nagsalubong ang mga kilay niya at matalim akong tinitigan, "Biik, hindi ako ganyang klaseng tao na nambabawi ng naibigay na. Pati ang dami nito, hindi ko mauubos lahat ng ito."


Binawi niya ang kanyang braso at inabala na ang sarili niya sa pag-aayos ng mga ito sa cabinet ko. Wala na akong nagawa kundi ang tulungan na lamang siya. Isa lang ang napansin ko, lahat ng mga produktong ito ay mula sa iisang brand name lamang. Ang REVI ay isa sa pinakamalaking food and beverage company sa mundo. Alam ko 'yon dahil naririnig ko noon ang pag-uusap ni Papa at Mama tungkol sa kompanyang ito. Ayaw ni Papa sa REVI dahil marami raw itong nasasagasaang negosyo, isa na roon ang negosyo ni Papa. Mahina ang sales ng company ni Papa dahil sa lakas ng hatak ng brand na ito. Kaya nga kahit isang REVI products ay wala kami sa bahay. Kapag nalaman ni Papa na punong-puno ang apartment ko ng mga produkto na mula sa kinamumuhiang kompanya, ay sigurado akong magagalit iyon sa akin.


"Alam mo Xyan, feeling ko yayaman ang REVI dahil napaka-loyal ninyo as a consumer. Mula gatas hanggang sa chichirya ay produkto nila ang tinatangkilik ninyo."


Bahagya siyang natawa at napailing na lamang sa mga sinabi ko. Pagkatapos naming ilagay sa cabinet ang mga bigay niya ay nagtungo kaming dalawa sa sala. Siya naman ngayon ang nakaharap sa laptop nito. Humiga ako sa sofa, habang siya ay nasa sahig. Nakapatong ang laptop sa center table, pero paharap siya sa akin kaso nga lang ang atensyon niya ay nasa laptop nito.


Lihim ko siyang tinitigan, may bilog na biscuit si Xyan sa bibig. Ang gwapo niya pala talaga. Ang medyo makapal na kilay nito, ang matangos nitong ilong, ang natural na mapulang labi nito na kung saan nakaipit ang biscuit na di pa kinakain nito. Ito rin ang labi na kumuha sa first kiss ko. Pero ang pinakapaborito ko ay ang mga mata ni Xyan. Iba't ibang emosyon ang nakikita ko sa tuwing tinititigan ko ang mga mata niya. Naroroon ang pagiging maamo niya, pero minsan nagiging matalim ang mga titig niya sa akin na akala mo may kasalanan ako. Higit sa lahat 'yong paraan talaga ng pagtitig niya sa tuwing pagkatapos niya akong halikan. Parang punong-puno iyon ng pagmamahal, na para bang sa akin niya lang ibinigay ang ganoong klase ng pagtingin.

XyanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon